Gabriela, tutol sa appointment ni Gadon


Ayon kay Gabriela secretary general Clarice Palce, ang panghahamak ni Gadon sa kababaihan ay nakadadagdag sa kultura ng violence against women sa bansa.

Photo of Larry Gadon by Philippine News Agency.
Photo of Larry Gadon by Philippine News Agency.
Larawan mula sa Philippine News Agency.

Mariing tinutulan ng Gabriela sa isang pahayag ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Larry Gadon bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersiyang kinahaharap nito. 

Ayon kay Gabriela secretary general Clarice Palce, ang panghahamak ni Gadon sa kababaihan ay nakadadagdag sa kultura ng violence against women sa bansa.

“Kilala siya—hindi bilang propesyonal, kundi bilang isang balahura, walang modo at [sagad-sagaring] mambastos ng kababaihan sa pananalita,” pasaring ni Palce kay Gadon.

Maaalalang bigo si Gadon na manalo sa Senado sa halalan noong 2022 sa ilalim ng ticket ni Marcos Jr.

Samantala, nagdesisyon ang Korte Suprema noong Hunyo 28 na i-disbar o itiwalag sa pagkaabogado si Gadon dahil sa hindi kaaya-ayang pananalita nito kay Raissa Robles, isang beteranong mamamahayag. Bago ma-disbar, dalawang beses sinuspinde ng Korte Suprema si Gadon sa pagkaabogado.

Sa kabila ng naging desisyon ng Korte Suprema, palaisipan sa Gabriela ang hindi pa rin pagtanggal ni Pangulong Marcos Jr. kay Gadon bilang poverty alleviation adviser. 

Dagdag pa ni Palce, ang hindi pagtalaga ng pangulo sa mga opisyal na “qualified, competent, and with a sincere heart for the poor—especially poor women” ay pagpapakita na walang seryosong plano ang pangulo sa pagpapabuti ng kondisyon ng mahihirap na mamamayan.

Kilala si Gadon na tagasuporta ng pamilya Marcos at naging kilala sa bastos na pananalita laban sa mga kritiko ng nasabing pamilya.