Palyadong serbisyo ng Maynilad, inalmahan


“Dapat magpaliwanag at maging tapat ang Maynilad sa tunay na rason bakit walang tubig ang kanilang mga customer. Huwag nilang sisihin ang El Niño kung sila naman ang may kasalanan,” ani Bayan Muna Partylist chairperson Neri Colmenares.

Kilos-protesta sa harap ng head office ng Maynilad sa Quezon City dahil sa malawakang water interruption na inanunsiyo ng kompanya kamakailan. Larawan ni Imee Gatchalian.

Nagprotesta sa harap ng head office ng Maynilad sa Quezon City ang mga consumer group nitong Hulyo 12 dahil sa anunsiyong malawakang water service interruption sa Cavite, Malabon, Navotas, Valenzuela, Maynila at ilang parte ng Quezon City. 

Giit ng Maynilad, ito ay bunsod ng pagbaba ng nibel ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan na sumayad na sa minimum operating level nitong 180 meters. Dahilan upang ibaba ang alokasyon ng tubig para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa 48 cubic meter per second.

Dagdag pa ng Maynilad, preserbasyon at paghahanda sa posibleng paglala ng epekto ng El Niño sa bansa sa mga susunod na buwan ang ginawang pagbabawas ng alokasyon ng MWSS.

“Dapat magpaliwanag at maging tapat ang Maynilad sa tunay na rason bakit walang tubig ang kanilang mga customer. Huwag nilang sisihin ang El Niño kung sila naman ang may kasalanan,” buwelta ni Bayan Muna Partylist chairperson Neri Colmenares.

Tutol din ang grupong Water for the People Network (WPN) sa naging pahayag ng Maynilad.

Ayon sa WPN, hindi makatuwiran ang dahilan ng Maynilad kaugnay ng pag-antala ng kanilang serbisyo.

“These water companies should refund consumers instead of periodically increasing water rates while invoking improving services. In the long run, water privatization should be stopped,” pahayag ng WPN.

Para naman kay Gary Velasco na sumama sa protesta, hindi dapat mataas ang singil ng Maynilad sa mga konsumer kapalit ang kanilang serbisyo sapagkat natural resource ang tubig.

Sa inaprubahang water rate hike ng MWSS para sa taong 2023 hanggang 2027, pumapatak sa P8.04 kada cubic meter ang magiging dagdag na bayarin sa tubig ngayong taon.