Ipinakita ng iba’t ibang sektor sa ikalawang People’s State of the Nation Address (Sona) nitong Lunes, Hulyo 24, ang tunay na kalagayan ng mamamayang Pilipino.
Ipinakita ng iba’t ibang sektor sa ikalawang People’s State of the Nation Address (Sona) nitong Lunes, Hulyo 24, ang tunay na kalagayan ng mamamayang Pilipino.
Habang abala ang mga mambabatas at opisyal ng gobyerno sa kanilang magagarang kasuotan na ipaparada sa red carpet, nasa lansangan naman ang ordinaryong Pilipino upang pasubalian ang mga ibabanderang numero at naabot ng administrasyong Marcos-Duterte.
Sa ilang buwan na paghahanda ng mga sektor, makikita natin ang pagsisikap at pagkamapanlikha upang epektibong maiparating sa kapwa Pilipino na ang tunay na Sona ay nasa lansangan at wala sa Kongreso.
Tinipon ng Pinoy Weekly ang mga larawan sa ikalawang People’s Sona sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.
Nakabubuhay na sahod: Panawagan ng Bayan Muna para sa pagtataas ng sahod. Anila, “Libing Wage” ang kasalukuyang natatanggap ng manggagawa at hindi “Living Wage.”
Panawagan ng mga manggagawa sa Labor Assembly and Consultation sa Quezon Memorial Circle bago ang ikalawang State of the Nation Address ni Marcos Jr.
Paghahanda ng Alliance of Concerned Teachers (Act) ng mga kanilang panawagan sa payong na P50,000 pasuweldo sa Teacher 1 bilang entry level pay.
Zumba para sa P50,000 entry level pay para sa mga guro.
Diagnosis ng mga doktor at manggagawang pangkalusugan sa naging pamamalakad ng administrasyong Marcos-Duterte.
Malalang kalagayan ng karapatang pantao at panawagan sa pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na isa sa nangunguna sa red-tagging ng mga progresibo at aktibista.
SCAM: Pagsusuri ng United PUP sa pagharap ng Marcos-Duterte sa usapin ng pagtaas ng matrikula, kalagayan ng edukasyon at patuloy na militarisasyon sa mga pamantasan.
ONE DEATH IS TOO MANY: Dahil sa mataas na halaga ng edukasyon, naapektuhan ang mental health ng mga kabataan. Ayon kay Reb Malaya Mejino, Public and Information Officer ng Kabataan Partylist, isa sa mga biktima si Keilo Acuin, incoming 3rd year Medical Technology student sa Far Eastern University, na nagpatiwakal dahil sa kalagayang ito.
Lumahok ang mga tsuper ng dyip para labanan ang planong “pekeng modernisasyon” sa pampublikong transportasyon. Para sa kanila, nangangahulugan ito ng “phase-out” ng kanilang dyip para bigyang pabor ni Marcos Jr. ang mga korporasyon at negosyante sa sektor ng transportasyon.
Panawagan ng mga magsasaka na ibasura ang patakarang importasyon ng pagkain na wawasak sa ating mga rice granary o pinagmumulan ng malaking suplay ng bigas sa bansa.
Bitbit ang isang bangka bilang simbolo ng kanilang kabuhayan, nais iparating ng mga mangingisda ang kanilang problema sa reklamasyon na magkakait sa kanilang makapangisda sa mga baybay at karagatan. Magiging daan ang mga reklamasyon para sa kontrolin ng dayuhan at lokal na kapitalista ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Kasama ang mga manggagawang kababaihan sa panawagan para sa nakabubuhay na sahod. Hanggang sa ngayon, nagpapatuloy ang kanilang laban sa diskriminasyon at karahasan sa mga kababaihan at bata.
Panawagan ng mga makakalikasang grupo upang laban sa patuloy na pambobomba sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo sa kanayunan.
Para sa mga kabataan, nanatiling “tuta ng Amerika at Tsina” si Marcos Jr. dahil sa kawalang hakbang sa mga isyu ng independent foreign policy, sigalot sa West Philippine Sea at karagdagang Edca sites sa Pilipinas.
Two sides of the same coin: Sinunog ang effigy ni Ferdinand Marcos Jr., bilang simbolo ng isang pangulo na nangangako ng Bagong Pilipinas habang nanatili ang lumang kalakaran ng korupsiyon at pambubudol.
Lumahok ang mga mamamayan mula sa Timog Katagalugan at Gitnang Luzon upang iparating sa ikalawang People’s Sona at dalhin sa Maynila ang mga panawagan laban sa kahirapang kanilang dinaranas sa kanayunan.
Sa pangunguna ng mga makabayang artista, ipinarating sa pamamagitan iba’t ibang porma ng pagtatanghal ang tunay na kalagayan ng kalayaan sa pagpapahayag at iba pang karapatan ng mamamayan.
Nakaharang ang pulisya sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Tanda Sora Ave. sa Quezon City kung saan maglulunsad ng People’s Sona ang mga sektor.
Sa kanilang lunch break, piniling manood ng construction workers ng MRT-7 sa People’s Sona sa Commonwealth Ave. Anila, mabuting makapakinig sa programa dahil umento sa sahod ang pangunahing ipinapanawagan. “Sa mahal kasi ng mga bilihin ngayon, hindi sapat yung P40 na dagdag sahod e,” dagdag pa ng isang manggagawa.
Isang medical volunteer sa People’s Sona ang tumitingin sa mga matatanda ng kanilang kalagayang medikal.
Matapos ang People’s Sona at sama-samang pinanood ng mga tsuper ang talumpati ni Marcos Jr. sa telebisyon upang suriin kung totoo bang sinasalamin nito ang kanilang kalagayan.