Labanan ang influenza


Ingatan ang ating mga sarili at mga mahal sa buhay lalo na ngayong panahon ng tag-ulan at flu season.

Madalas ginagamit ng mga tao ang salitang trangkaso kapag sabay-sabay ang pagkakaroon ng mga sintomas tulad ng lagnat, ubo, sipon at pananakit ng katawan.

Ngunit kaiba ito sa pangkaraniwang ubo at sipon dahil isang respiratory illness ang trangkaso na mula sa influenza virus na naipapasa mula sa respiratory droplets kapag ang umubo at humatsing ang isang tao.

Maaari din itong maipasa sa pamamagitan ng physical contact sa pagyakap, pakikipagkamay, paghawak sa mga kontaminadong bagay kaya dapat iwasan na pagbabahagi ng mga pagkain at inumin kahit na mukhang walang sakit ang isang tao.

Kalimitang gumaling ang mga apektado sa loob ng isa o dalawang linggo. Ngunit kung minsan, inaatake ng virus ang mga baga at pinapahina nito ang immune system na maaaring mauwi sa pulmonya.

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 65,859 na kaso ng influenza mula Enero 1 hanggang Mayo 1 na 114% na mas mataas kumpara 30,728 na nailuat na kaso noong nakaraang taon. Dapat maging alerto tayo sa mga sintomas at kung paano ito maiiwasan.

Kalimitang sintomas nito ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, ubo, pananakit ng ulo at katawan, pananakit ng lalamunan at baradong ilong. Maaaring makahawa agad sa iba ang taong mayroon nito bago pa man lumitaw ang mga sintomas at hanggang pitong araw pagkatapos magkasakit.

Inirerekomenda ng DOH ang pagpapakauna laban sa influenza sa pagitan ng Abril at Mayo bago pa man magsimula flu season at tag-ulan sa Pilipinas. Mainam pa ring magpabakuna kahit lagpas na mga nasabing buwan. Magtanong sa pinakamalapit na ospital tungkol dito.

Idagdag pa rito ang pagkain ng mga gulay at prutas at pag-inom ng maraming tubig. Malimit na paghuhugas ng kamay na may sabon, pagtatakip ng bibig at ilong kung uubuhin at babahing, pag-iwas sa mga may sakit at manatili sa bahay kung sakaling magkasakit upang hindi na makahawa.

Pinapayuhan ang mga batang edad lima pababa, buntis, mga edad 55 pataas at mga may dati nang kondisyong medikal na magpakonsulta agad sa sa pinakamalapit na health center kung magkaroon ng flu.

Ingatan ang ating mga sarili at mga mahal sa buhay lalo na ngayong panahon ng tag-ulan at flu season.