FEATURED

Sa Pagkakalayo ay May Paglalapit Din


Natagpuan nila ang halaga at hiwaga ng buhay habang parehong nagsisilbi sa bayan. Dito sa kilusang ito sila unang nagkatagpo, at dito rin unang nagkalayo.

Kahabaan ng Recto

Kada gabi bago matulog, sa loob ng ilang dekada, bubuksan ni Tatay ang kanyang maliit at de-bateryang transistor. Makikinig sila ni Nanay ng balita at magpapaantok habang nakahiga. Kasabay nito, magkukuwentuhan sila na tila walang katapusan. Minsan, malaya ang talastasan. Kung minsan naman, nauuwi sa diskusyon at marubdob na pagtatagisan ng mga punto. At kung minsan pa, puro asaran, kalokohan, at biruan na si Tatay ang madalas na may kagagawan. 

Ngunit isang bagay ang hindi nawawala sa kanila. Laging nagsisimula at nagtatapos ang kanilang mga gabi sa pagbanggit ni Tatay ng dalawang misteryosong letra: BK.

“Bakit kaya?”

At sasagutin naman ito ni Nanay ng tatlong maiilap na letra: EKB. 

“Ewan ko ba.”

At dahil dito, lagi’t lagi, anuman ang pagod at haba ng araw, nagagawa pa rin ni Tatay na mapangiti si Nanay. 

“Bakit kaya nagustuhan mo ako? Bakit kaya minahal mo ako? Hindi naman ako kagwapuhan, hindi rin masyadong matalino. Bakit kaya?” ang wika ni Tatay, sabay ngiti na para bang hinihintay na sabihin ni Nanay ang ganito, “hindi ka naman pangit, gwapo ka. At hindi ka bobo, matalino ka.” Pero syempre, ililihis ni Nanay ang usapan. 

Sa halip, ganito ang kanyang isasagot, “Ewan ko ba. Hindi ka naman nanligaw, ni hindi ka nga marunong manligaw. Nanlibre ka lang naman noon ng sopdrinks at siopao, sabay naglakad at nagkuwentuhan tayo sa kahabaan ng Recto. Naaalala mo pa ba? Pagkatapos, papaanong naging tayo?” 

“Makakalimutan ko ba iyon? Disinuwebe ka noon at bente dos anyos naman ako. At hindi pa ibinababa ang Martial Law. Taong 1970 iyon.”

“Ni hindi mo nga ako niregaluhan ng mga bulaklak. Nagbigay ka minsan, plastic pa.”

Madalas na mamumula ang mga pisngi ni Tatay sa puntong ito ng pagpapaalala ni Nanay. At tila ba magiging seryoso naman ang kabig ni Tatay.

“Pero sinulatan kita. Lagi kitang sinusulatan noon. Kahit na nagkalayo pa tayo ng maraming taon, hindi kita nakalimutang sulatan.”  

Sasagutin naman ito ni Nanay nang ganito, “Oo, may kaibigan ka pa nga na laging nangungulit sa akin, nagkukuwento tungkol sa iyo, at hindi nawawalan ng balita kahit hindi ko tinatanong. Palagi kang ibinibida.”

“Siya ang tulay ko. Akala mo siguro na siya ang may gusto sa iyo,” ang bawi ni Tatay, sabay tawa. Pilit na itatago ni Nanay ang kanyang ngiti. 

“Tapos noong ikinasal tayo, nito ang ibinigay mong singsing sa akin. Nito—”

“Na ako mismo ang nag-ukit mula sa bao ng niyog.” 

At wala na, tapos na ang laban. Sabay silang mapapahagalpak sa biro na sila lang din namang dalawa ang nagkaintindihan. Ganoon palagi ang eksena sa pagitan ni Nanay at Tatay habang lumalaki ako. 

Hindi alam ng marami ngunit iisa lang ang kuwarto namin ng mga magulang ko noong nasa elementarya pa lang ako hanggang hayskul. Nakatira pa kami noon sa ancestral house ng pamilya ni Nanay kaya madalas akong nandoon sa kanilang mga usapan, sa gusto ko man o hindi. Nasanay na ako na para bang laging nanonood ng batuhan ng linya sa teatro o nakikinig ng talakayan sa radyo.

“Nanay, bk?” ibubulong ni Tatay.

“Ekb, Tatay,” ang sagot naman ni Nanay.

Hanggang sa naging paraan na nila iyon ng pagsasabi ng mensahe na mahal kita. 

BK? EKB. EKB. BK? At alam na ng mga magulang ko ang kahulugan. Kahit hindi direktang sabihin, alam na nila ang ibig sabihin.

Dibuho ni Resty Flores.

Ang Pagtatagpo

Bata pa lang, nakahiligan na ni Randy ang pagbabasa ng libro. Habang nag-aaral, nagtrabaho rin siya sa isang printing press ng mga kamag-anak kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na makapagbasa ng maraming libro. Dito rin siya nahilig na magsulat, mula sa mga sanaysay hanggang sa mga tula. 

Para siyang isang walking dictionary o history book, ang sabi ng ilan. Mayroon siyang nalalaman mapa-world history man, Philippine history, current events at kahit pa sa showbiz. 

Nag-sideline rin siya bilang isang typist. Hanggang pagtanda, pabiro niyang ipinagmalaki ang husay sa pagtipa ng keyboard kahit na hindi nakatingin, kahit na nakapikit o nakikipag-usap pa sa ibang tao. “Laking makinilya ‘to,” ang biro niya.

Ngunit hindi nanatili sa libro ang kagustuhan ni Randy na matuto. Nagkaroon siya ng maraming katanungan tungkol sa lipunan lalo na ang tungkol sa kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang-bukid na kanyang nakilala at nakasalamuha sa paglaki doon sa kanilang bayan at maging sa mga immersion na kanyang sinalihan.

Apay ngata kasdiay ti kasasaad da? Ania ti solusyon iti panagrigrigat da?

“Bakit kaya ganoon ang kalagayan nila? Ano ang solusyon sa paghihirap nila?” 

At nadala niya ang mga tanong na ito hanggang sa kanyang paglaki. Nakaranas maging ang pamilya ni Randy na mawalan ng sariling lupain. Kaya hindi na rin nakapagtataka ang mabilis na paglahok hanggang sa pamumuno ng mga kagaya ni Randy sa malawak na kilusan para sa makabuluhang pagbabago ng lipunan. 

At sa panahong ito niya nakilala si Erlinda – Si Linda na may mahabang buhok, na laging nakapolong maluwag, at mailap ngunit sinsero ang napakatamis na ngiti. Hindi na niya ito nakalimutan pang muli matapos ang mga pagtatagpo nila sa mga pagtitipon at pag-aaral kasama ang mga kapwa estudyante, manggagawa at magsasaka. 

Makabuluhan ang panahong ito – taong 1970 – nang mangyari ang Sigwa ng Unang Kwarto o First Quarter Storm kung saan sunud-sunod ang naganap na mga organisadong pagkilos ng mga mamamayan laban sa tumitinding krisis panlipunan sa buong bansa. At parehong naging bahagi si Linda at Randy sa kilusang ito, bilang mga indibidwal, at bilang magkarelasyon. 

Nagkatagpo sina Linda at Randy nang mata sa mata sa kalagitnaan ng mata ng isang makasaysayang sigwa at natutunan nilang pareho na bahagi ng pag-unlad ng anumang bagay ang pagbabago. Ang lahat ng bagay ay nagbabago at dahil bahagi sila ng isang kilusan, naunawaan nila na bagamat mayroon silang kalayaan, mayroon din silang responsibilidad na higit pa sa mga pansariling interes. 

Natutunan nila sa murang edad na mayroong kaakibat na sakripisyo ang pagpili sa buhay na makabuluhan. At sa kabuluhang ito natagpuan nilang magsing-irog ang kaligayahan sa puso na hindi panandalian lamang, hindi madaling maglaho, o nakatuon lamang sa isa’t isa. Natagpuan nila ang halaga at hiwaga ng buhay habang parehong nagsisilbi sa bayan. Dito sa kilusang ito sila unang nagkatagpo, at dito rin unang nagkalayo.

*Sipi mula sa mas mahabang sanaysay na may parehong pamagat