FEATURED

Suspendihin ang buwis sa langis—Ibon


Sa datos na inilabas ng Department of Energy nitong Hulyo 28, nakatali ang presyo ng iba’t ibang uri ng langis sa National Capital Region sa P67.35 kada litro sa gasolina, P53 sa diesel at P69.05 sa kerosene.

Bunga ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, iminungkahi ng independent think tank na Ibon Foundation sa pamahalaan ang pag-aalis sa excise at value-added taxes (Vat) sa mga produktong petrolyo upang mabawasan ang kalbaryong kaakibat nito. 

Sa isang press release, sinabi ng Ibon na dagdag pahirap ito sa mga Pilipinong iniinda pa ang sakit sa bulsang dulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at patuloy na paghina ng kanilang purchasing power.

Limang magkakasunod na linggo nang mayroong dagdag-singil sa presyo ng langis. Nitong Agosto 8, nagkaroon ng P4.00 dagdag sa presyo ng diesel kada litro, P0.50 sa gasolina at P2.75 piso naman sa kerosene. 

Sa datos na inilabas ng Department of Energy nitong Hulyo 28, nakatali ang presyo ng iba’t ibang uri ng langis sa National Capital Region (NCR) sa P67.35 kada litro sa gasolina, P53 sa diesel at P69.05 sa kerosene.

Sa pagtataya ng Ibon, mapapababa ang mga presyo kada litro ng petrolyo sa P51.56 sa gasolina, P47.24 sa diesel, at P61.05 sa kerosene kung tatanggalin ang excise tax at Vat.

Pinuna rin ng Ibon ang kakulangan ng sahod ng mga manggagawa kung saan hindi sapat ang P610 na minimum wage sa NCR upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin tulad ng bigas, isda at gulay. Malayo pa rin ito sa kalkulasyon nilang P1,100 na family living wage (FLW) o nakabubuhay na sahod para sa isang pamilyang may limang miyembro

Maliban sa buwis, nais din ng Ibon na palawakin ng gobyerno ang kanilang mga social protection project tulad ng mga cash assistance at subsidiya sa mga mahihirap. 

Kaugnay nito, nagprotesta sa Novaliches, Quezon City ang mga tsuper na kasapi ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) upang ipanawagan ang parehong suhestiyon ng Ibon.

Anila, magdadagdag ng higit-kumulang P300 sa kanilang arawang kita ang pag-aalis ng mga buwis sa mga produktong petrolyo.

Bukod sa pagpapababa sa presyo ng langis, hangarin din ng mga transport group ang pagkansela sa PUV Modernization Program (PUVMP) na mas magpapalala sa sistemang transportasyon sa bansa.