Rebyu

Sa piling ng mamamayan kahit pa sa ibayong-dagat


Hindi mabigat basahin ang aklat ni Beltran. Hinabi niya nang simple at malaman ang mga personal na naratibo ng mga tauhan bilang buhay na pagpapakita sa tunay na kalagayan ng mga kababayan natin sa sa ibayong-dagat.

Binagtas ng mga sanaysay ang naging buhay ng dalawa sa haligi ng kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas: ang mag-asawang sina Joma Sison at Julie de Lima. Bagaman may diin sa kanila ang kabuoan ng aklat, sinikap na ilagay sila sa malaking larawan ng naratibo ng pampulitikang panunupil at pakikibaka para sa kalayaan.

Mahusay ang pagsasalarawan ni Michael Beltran sa mga kaganapan sa buong aklat. Mula sa mga kabanata tungkol sa karanasan ng mag-asawa noong sila ay mga kabataang aktibista, pagiging rebolusyonaryong proletaryo, pagkakapiit noong diktadurang Marcos at paglaya pagkatapos ng pag-aalsa sa EDSA, at ang pasikot-sikot na buhay bilang political refugee sa Europa, at ang kuwento ng komunidad ng mga Pilipino doon.

Mula dito, matutulungan ang mga mambabasa, lalo na ang ngayon pa lamang papalaot sa kuwento ng buhay nina Joma at Julie, upang maunawaan ano at paano nangyari na ang mag-asawa ay napunta sa Europa at doon tinuloy ang kanilang pakikibaka.

Hindi lamang sina Joma at Julie ang naging boses ng buong aklat. Kasama dito ang mga migranteng Pilipino sa Netherlands, mga kapwa kasama sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga banyaga na nauunawaan at nakikiisa, kahit na ang katunggali, sa ipinaglalaban nina Joma at Julie. Makikita sa kanilang pagsasalaysay kung ano ang kanilang pagkakakilala sa mag-asawa at paano naging bahagi sila ng kanilang personal na buhay at komunidad na kanilang kinabibilangan. 

Pinag-iisa sila sa aklat ng kanilang pagkakalayo sa kani-kanilang itinuturing na tahanan. Sina Joma at Julie bilang “kalaban ng estado” at ang mga migranteng Pilipino bilang itinaboy ng estado dahil sa kahirapan ng bansa at paghahanap ng maayos na pamumuhay. Sa pagtatagpo ng kanilang mga landas, nahanap nila ang panibagong tahanan sa Europa sa hangad na maalwang bukas para sa bansa. 

Isang sorpresa para sa akin ang mga kabanata tungkol kay Julie de Lima. Dahil madalas ay kulang o walang naisusulat tungkol sa kaniya, kung kaya kapanapanabik ito at puno ng bagong detalye sa buhay rebolusyonaryo ng mag-asawa.

Nabigyang atensiyon ni Beltran ang isa sa mahahalagang tauhan sa nagpapatuloy na kuwento ng rebolusyong Pilipino. Pagpapakita din nito ng pagsisikap upang magkaroon ng pantay na katayuan ang lalaki at babae sa rebolusyon—na ang paggampan sa tungkulin sa pakikibaka ay responsibilidad ng lahat. 

Hindi mabigat basahin ang aklat ni Beltran. Hinabi niya nang simple at malaman ang mga personal na naratibo ng mga tauhan bilang buhay na pagpapakita sa tunay na kalagayan ng mga kababayan natin sa sa ibayong-dagat. Inilarawan niya kung paano natural na nagtitipon at naoorganisa ang mga Pilipino upang magkaroon ng komunidad at maging kasapi ng isang malaking pamilyang Pilipino kahit nasa ibang bansa.  

May apela rin ang aklat para sa mga mambabasa na kahit nasaan tayo ay maaari makapag-ambag sa pakikibaka ng mamamayan. Maaaring magkakalayo tayo, subalit pinaglalapit tayo ng ating pagkakaisa.

Maganda itong mabasa ng kabataan dahil isa itong paglalakbay sa makulay na kuwento ng buhay ng mga tauhan sa rebolusyon, nina Joma at Julie, na makapagbibigay sa atin ng inspirasyon sa kasalukuyan.


Para sa mga nais bumili ng kopya, tingnan ang mga link sa ibaba:
Website: go.ateneo.net/singingAUP
Lazada: go.ateneo.net/singingLAZ
Shopee: go.ateneo.net/singingS

Mapupunta ang kikitain ng awtor sa Free Amanda Echanis Movement.