Nakapapagod na biyahe
Uunahan ang araw na bumangon para makasakay at pumasada, uuwi nang gabi para makasama sandali ang pamilya bago matulog at ulitin ang nakapapagod na biyahe kinaumagahan.
Umalis nang maaga upang hindi maipit sa matinding trapik. Iyan ang payo ng gobyerno sa mga mananakay at tsuper. Sa araw-araw na karanasan natin sa pagkokomyut, tila hindi nila nauunawaan ang kalagayan ng mamamayang nasa lansangan.
Hindi iba ang aking karanasan sa pagbibiyahe araw-araw sa ibang mananakay at namamasadang tsuper. Gaya nila naiipit din ako sa matinding trapik, nakikipag-unahang makasakay, nahuhuli sa mga takdang lakad at napapagod sa paulit-ulit na pagbaybay sa Kamaynilaan.
Pasakit na maituturing kapwa sa mananakay at namamasada. Uunahan ang araw na bumangon para makasakay at pumasada, uuwi nang gabi para makasama sandali ang pamilya bago matulog at ulitin ang nakapapagod na biyahe kinaumagahan.
Commonwealth. Isa sa mataong lansangan at makikita ang malaking kumpol ng mananakay. Dito naghihintay ang mga pasaherong uuwi patungong Rodriguez sa Rizal, San Jose del Monte sa Bulacan at Fairview sa Quezon City.
Regalado 1 at 3. Nag-uunahan ang mga mananakay na makasakay ng dyip pauwi sa Bagong Silang, Caloocan City. Alas-otso na nang gabi ay marami pang mga manggagawa ang naghihintay ng masasakyan.
EDSA cor. East Avenue 1. Alas-siyete ng gabi, nakakarambola ang mga manggagawa upang makasakay ng bus patungong San Jose del Monte. Ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), P3.5 bilyon ang nawawala sa produktibidad ng mga mamamayan dahil sa hindi mabisa at malalang trapik sa Maynila.
EDSA cor. East Avenue 2. Alas-sais ng gabi, oras ng matinding trapik at kasabay ng paglabas ng mga empleyado at manggagawa mula sa trabaho.
Nag-uumapaw ang mga mananakay pauwi ng Fairview sa Quezon City. Ayon sa Boston Consulting Group, tinatayang 16 na araw kada taon ang nailalaan ng bawat Pilipino sa pagkaipit sa matinding trapik. Katumbas ito ng P100,000 nawawala sa taunang kita ng bawat mamamayan.
Pauwi galing trabaho. Matapos makipagbuno sa mga kapwa mananakay ng bus, nakasakay din ang mga manggagawa at empleyadong naghihintay ng masasakayan.