Ellala Love It!

Progresibong daycare na niluwal ng paglaban sa diktadura


Alam n’yo ba na may daycare center sa Pilipinas na unang naitayo para sa mga anak ng bilanggong pulitikal?

Nitong Oktubre 21, pinagdiwang ang ika-43 anibersaryo ng pagkakatatag ng Parents’ Alternative, Inc. Larawan ni Macky Macaspac.

Alam n’yo ba na may daycare center sa Pilipinas na unang naitayo para sa mga anak ng bilanggong pulitikal?

Noong 1980, panahon ni Ferdinand Marcos Sr. kung kailan maraming mga aktibista ang dinakip at ipiniit, naitatag ang Parents’ Alternative, Inc. (PAI).  

Nitong Oktubre 21, pinagdiwang ang ika-43 anibersaryo ng pagkakatatag ng PAI. Dinaluhan ito ng mga alumni, mga magulang, mga naging volunteer at iba pang naging bahagi ng PAI.

Niluwal ito ng sama-samang pagkilos ng mga magulang na ex-detainee, unyonista at mga aktibong lumalaban sa diktadura. Malaking serbisyo ito para sa mga magulang na nagtatrabaho partikular sa mga non-government organization at progresibong organisasyon.

Kalaunan, binukas nila ito sa mga komunidad para abutin ang mga batang walang access sa pormal na edukasyon dahil sa kahirapan. Nagsanay sila ng mga magulang na volunteer para sa early childhood development.

Ang awtor (kanan nakatayo) kasama ang mga mag-aaral at guro ng PAI. Larawan mula kay Ella Colmenares.

Hindi lamang serbisyo para sa mga magulang na nagtatrabaho ang ibinibigay ng PAI. Naglalatag din ito ng alternatibo sa tradisyonal na edukasyon para bigyan ng pagkakataon ang mga bata, anuman ang antas ng pamumuhay, na makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Layunin nito na magbigay ng pangangalaga at gabay sa maagang yugto ng buhay ng mga bata. Tinitindigan nito na responsibilidad ng lipunan ang pag-unlad ng mga bata.

Sa daycare center, natututo ang mga bata sa pakikisalamuha, paglalaro at pagsusuri. Mahalagang pundasyon ang mula kapanganakan hanggang limang taon sa kanilang kalusugan at kagalingan.

Sinasanay sila sa komunikasyon, kritikal na pag-iisip at sosyal na interaksyon. Dahil dito, nagiging handa ang mga bata na pumasok sa mas mataas na antas ng pormal na edukasyon at harapin ang mga hamon.

Marami sa mga alumni ang naging mga guro, development worker at naging matagumpay sa mga larangang kanilang pinili. Nagpapasalamat sila sa karanasan nila sa PAI na nagmulat sa kanila sa makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon.