Doxxing sa 2 mamamahayag sa CDO, ikinabahala
Ayon sa nagpakalat ng impormasyon ng mga mamamahayag na sina Leonardo Vicente “Cong” Corrales at Menzie Montes sa social media, hindi dapat nila pinupuna ang gobyerno dahil nakatanggap sila ng pabahay mula rito.
Nagpahayag ng pagkabahala ang mga grupo ng mamamahayag sa Cagayan de Oro City sa paggamit ng impormasyon ng gobyerno para sa doxxing o pagsasapubliko ng pribado at sensitibong impormasyon ng isang indibidwal bilang porma ng pagpaparusa o paghihiganti.
Sa pahayag ng Cagayan de Oro Press Club (COPC), sinabi ng grupo na lubha silang nag-aalala sa ginawang paglalabas ng isang Facebook account ng pribadong impormasyon ng mga miyembrong sina Leonardo Vicente “Cong” Corrales at Menzie Montes mula sa City Housing and Urban Development Department.
Punong patnugot ng Mindanao Gold Star Daily si Corrales at reporter ng iFM Radio Mindanao Network Cagayan de Oro si Montes.
Dagdag ng COPC, labag sa Data Privacy Act at Cybercrime Prevention Act ang ginawang pagsasapubliko ng pribadong impormasyon ng dalawa.
Ayon sa nagpakalat ng impormasyon nina Corrales at Montes sa social media, hindi dapat nila pinupuna ang gobyerno dahil nakatanggap sila ng pabahay mula rito.
Kinastigo naman ng National Union of Journalists of the Philippines-Cagayan de Oro Chapter (NUJP-CDO) ang ilegal na pagsasapubliko ng mga pribado at sensitibong dokumento ng dalawang mamamahayag.
Sinabi rin ng NUJP-CDO na madalas magresulta sa cyberbullying, online harassment at maging pisikal na banta ang doxxing. Maaari ring malagay sa panganib ang kaligtasan ng mga pamilya ng biktima ng doxxing, liban pa sa sikolohikal at emosyonal na pagkabalisa dahil sa takot.
Paulit-ulit din anilang naging biktima ng red-tagging si Corrales dahil sa pagiging kritikal sa pamahalaan na bahagi ng kanyang tungkulin bilang peryodista.
Parehong nanawagan ang COPC at NUJP-CDO sa lokal na pamahalaan ng lungsod na makipagtulungan na makilala ang may-ari ng Facebook account upang masampahan ng kaukulang kaso.