Duterte, pinatatawag ng QC prosecutor


“Hopefully, dumating si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte doon sa preliminary investigation,” wika ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro nang matanggap ang kopya ng subpoena.

Naglabas ng subpoena ang Office of the City Prosecutor ng Quezon City para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong isinampa sa kanya ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Sa subpoena, pinadadalo ng prosecutor ang dating pangulo sa Disyembre 4 at 11 para sa preliminary investigation ng kaso. Pinagsusumite rin si Duterte ng counter-affidavit.

Ito ang unang beses na may inilabas na subpoena sa dating pangulo mula nang bumaba sa poder noong June 30, 2022.

“Magpakulong na lang ako. Ino-oppress ako ni France,” ani Duterte sa matapos maisapubliko ang subpoena.

Nagsampa ng kasong grave threats si Castro sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Oktubre 24 dahil sa pagbabanta ni Duterte na “gustong patayin” ang mambabatas sa programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa (Mula sa Masa, Para sa Masa)” sa SMNI noong Oktubre 10. Tinanggal na ang nasabing video ng programa sa internet kung saan pinagbantaan ni Duterte si Castro.

“Hopefully, dumating si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte doon sa preliminary investigation,” wika naman ni Castro nang matanggap ang kopya ng subpoena.

Mike Navallo/ABS-CBN

Pinagbantaan ni Duterte si Castro dahil sa pangunguna nito sa pagbusisi sa confidential at intelligence funds na may kabuuang P650 milyon ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte, anak ng dating pangulo.

Naglabas naman ng pahayag ang pangalawang pangulo kamakailan na hindi na itutuloy ang paghingi ng confidential at intelligence funds para sa susunod na taon.

Nagpasya na rin ang Kamara noong Oktubre na i-realign ang hinihinging confidential at intelligence funds ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kasama ang OVP, DepEd, Department of Foreign Affairs, Department of Agriculture at Department of Information and Communications Technology.

Sa inaprubahang badyet para sa 2024 ng Kamara, hinati-hati ang may kabuuang P1.23 bilyong confidential at intelligence funds sa iba’t ibang ahensiyang may kinalaman sa pambansang seguridad at pagtatanggol sa West Philippine Sea.

Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, nasa P300 milyon ang mapupunta sa National Intelligence Coordination Agency, P100 milyon sa National Security Council, P200 milyon sa Philippine Coast Guard para sa intelligence at armas at P381.8 milyon sa Department of Transportation para sa development at expansion ng Pag-asa Island Airport.