Paglago at pakikibaka ng kulturang drag


Liban pa sa mainstream na pagsikat ng kulturang drag, nagagamit din sa anyo ng aktibismo ang drag performances.

Hindi na maitatanggi ang pagsikat ng drag sa bansa. Mula noong simula ng mga international drag competition at pagsali ng mga Pinoy drag artist, agad na niyakap ito ng LGBTQ+ community at marami pang mamamayan.

Ang “drag” ay isang anyo ng sining kung saan nagtatanghal ang isang indibidwal, kadalasan queer. Karaniwang engrande at magarbo ang mga kasuotan at pagtatanghal ng mga drag artist.

Nilalayon ng drag, sa pamamagitan ng malaya at malikhaing pagpapahayag, na hamunin ang umiiral na sistema ng kasarian at ipaglaban ang pantay na trato sa bawat indibidwal. 

Liban pa sa mainstream na pagsikat ng kulturang drag, nagagamit din sa anyo ng aktibismo ang drag performances.

Sa isang panayam kay Gabriela She Lang, isang progresibong drag artist, nagbahagi siya ng ilang pagtingin tungkol sa natatanging anyo ng pakikibaka.

“Ginagamit ko ang platapormang ito, hindi lang para magbigay inspirasyon, ngunit upang magamit ito para sa kamalayan at maipakita ang sosyo-politikal na sitwasyon sa ating bansa,” paliwanag ni Gabriela.

Dagdag niya, nararapat sabayan ang paglago ng kulturang drag dahil nagagamit ito sa pagtaas ng kamalayan.

Bagaman ipinagdiriwang ang drag bilang isang progresibong pagtatanghal, mayroon pa ring sumasalungat dito.

“Babalik siya sa [LGBTQ+] community na hanggang ngayon hindi pa rin talaga tanggap. Paano pa kaya ang mga drag queens at mga performances nila?” ani Gabriela.

Binanggit din niya ang nangyari sa kapwa drag artist na si Pura Luka Vega, tampok ang malawakang pangliligalig at pang-aabuso na kinaharap niya.

“Makikita ‘yong ganitong klase ng pag-atake sa mga drag [queen]. Mahirap ipaintindi o matanggap ng karamihan,” sabi ni Gabriela.

Kamakailan, idineklarang persona non grata si Pura ng nasa 17 pamahalaang lokal sa bansa dahil sa performance niyang “Ama Namin Remix” habang sumasayaw at nakasuot ng kasuotang kahalintulad ng sa Itim na Nazareno.

Sa kabila ng mga pagtutol mula sa iba’t ibang komunidad, tiwala si Gabriela na may mahabang paglalakbay ang kulturang drag sa hinaharap.

“Mag-aalok pa ng mas malaking platform ang drag. Ito ay magbibigay inspirasyon sa mas maraming indibidwal, at ang kanilang mga boses ay mag-uudyok sa kanila na ipahayag ang gusto nila ipahiwatig,” wika ni Gabriela sa Ingles.

Habang patuloy ang pagsikat ng mga drag performance, kasabay nito ang mas malawak na pagtanggap sa komunidad ng LGBTQ+.