Welga ng manggagawa ng Valle Verde, tagumpay
Nagwelga ang mga manggagawa simula Nob. 17 para ipanawagan ang dagdag-sahod na P38.50 kada araw sa unang taon ng collective bargaining agreement upang masabayan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Nagkasundo na ang management ng Valle Verde Country Club (VVCC) at Valle Verde Country Club Inc. Employees Union (VVCCIEU) na magkaroon ng dagdag-sahod at pagtigil ng panggigipit matapos ang 11 araw na strike ng unyon dahil sa collective bargaining agreement (CBA) deadlock.
Nasa 110 rank-and-file na manggagawa ng VVCC ang kasapi ng unyon.
Nagwakas ang strike nang magkaroon ng maayos na negosasyon at kasunduan sa pagitan nina VVCCIEU president Antonio Pantaleon Jr. at VVCC president at general manager Rodolfo Enrico Lozada.
Nagwelga ang mga manggagawa simula Nob. 17 para ipanawagan ang dagdag-sahod na P38.50 kada araw sa unang taon ng CBA upang masabayan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Pinagbigyan ng unyon ang management sa hindi muna pagtaas ng sahod dulot ng pandemya ngunit ngayon na umano ang panahon para ibigay ang kanilang mga kahilingan dahil nakakatanggap lamang sila ng lump sum na P7,000 mula sa kumpanya mula taong 2020.
“Lagi kaming paulit-ulit sa DOLE (Department of Labor and Employment), paulit-ulit sa planta pero wala rin namang magandang ino-offer ang management,” ani Pantaleon.
Nilalaban din ng unyon ang pagpapatanggal sa dalawang manager dahil sa katakot-takot na panghaharas na ginagawa ng mga ito sa mga empleyado. Ani Pantaleon, lahat sila ay binibigyan ng kaso na hindi tama at makatarungan.
Nagkaroon din ng tensiyon sa pagitan ng pulisya at unyon matapos naisin ng mga pulis na magkaroon lamang ng kaukulang oras ang kanilang welga na agad namang tinutulan ng grupo.
Gayunpaman, tagumpay ang unyon sa kanilang pagkakaisa at pagpapakita ng suporta sa bawat manggagawa na siyang naging tulay para makamtan nila ang kanilang CBA na tiyak na makakatulong sa kanila para sa pang araw-araw na pamumuhay.