Execution bond, hadlang sa karapatan ng mga mandaragat
Kung maipapatupad ang execution bond sa ilalim ng Magna Carta for Seafarers, hahaba ang proseso ng pagkuha ng benepisyo sa pinsala at pagakakasakit ng mga mandaragat.
Hinihiling ng mga mandaragat na tanggalin ang probisyon sa execution bond sa panukalang Magna Carta for Seafarers. Anila, hinahadlangan nito ang kanilang karapatan na makatanggap ng nararapat na monetary award at mga benepisyo.
Noong Dis. 17, 2023, inaprubahan ang bersyong bicameral ng Magna Carta for Seafarers na kasama ang probisyong execution bond.
Mariin itong tinututulan ng mga grupong Concerned Seafarers of the Philippines (CSP) at Migrante Philippines sa kanilang pagkilos sa harap ng Luneta Seafarers Center at petition signing nitong Ene. 12.
Numero uno ang Pilipinas sa bilang ng pinapadalang mandaragat sa iba’t ibang sulok ng mundo. Mapanganib ang kabuhayang ito, at marami sa mga kababayan natin ang umuuwing may pinasala, nagkakasakit o nagkakaroon ng kapansanan.
Agarang benepisyo
Manggagaling sa ahensiya ang monetary award para sa pinsalang idinulot sa isang trabahador, gaya ng aksidente o karamdaman dahil sa trabaho. Kung maipapatupad ang execution bond, hahaba ang proseso ng pagkuha ng monetary award ng mga mandaragat.
Kailangan umano magsampa ng kaso laban sa ahensiya sa National Labor Relations Commission (NLRC) o National Conciliation and Mediation Board (NCMB) para makuha ang benepisyo.
Sa kaso, kailangang patunayan ng seafarer na ang pinsala o sakit ay dulot ng trabaho sa barko.
Kung mananalo sa NLRC o NCMB, maglalaan ng bond ang ahensiya, alinsunod sa Labor Code. Sa gayon, maaari nang umakyat hanggang Korte Suprema ang kaso para sa pinal na desisyon.
Layon ng mga bond na matitiyak pa rin ang kita ng employer at ‘di mauubusan ng pondo sa pagsagot sa peligro ng mga empleyado. Pangamba ng CSP, magiging abonado ang mga mandaragat sa pagkuha ng bond, bago pa makamtan ang benepisyo sa pinsala.
Sa pahayag ng CSP, umaabot ng lima hanggang 10 taon ang pangkalahatang proseso.
“Mayroon tayong kasabihan, ‘Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?’ Kung ang seafarer na may sakit ay pagkakaitan mo ng kanyang gastusin para sa pagpapagamot, paano kung bago dumating ang award ay patay na siya?” giit ni Arman Hernando, tagapangulo ng Migrante Philippines.
Unahin ang karapatan
Ayon sa datos ng Migrante Philippines, humigit-kumulang 600,000 seafarers ang maaapektuhan sa probisyong ito. Lalo na’t karamihan ay mabababa ang ranggo na bulnerable sa abuso.
Talamak ang mga abusong hindi pagbibigay o kulang ang sahod, illegal dismissal at hindi makatarungang insurance ‘pag nagkakasakit o naaaksidente.
Iginigiit ng CSP, kasama ang mga seafarer sa mga malalaki ang ambag sa remittance sa bansa ngunit hindi makatarungan ang natatanggap na benepisyo at tulong kung sila naman ang nangangailangan.
“Kung ano mang sakit [o] disgrasyang makukuha ng isang seafarer ay pananagutan ito ng principal hanggang matapos ang kanyang sakit,” hiling ni Marlon de Jesus, coordinator ng CSP.