KMU, umalma sa pahayag ng DOLE sa taas-sahod 


Pinuna ng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno ang pahayag ng Department of Labor and Employment na malabo ang pagtaas ng sahod ngayong 2024 kaya damhin muna ang umento sa sahod noong nakaraang taon.

Pinuna ng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na malabo ang pagtaas ng sahod ngayong 2024 kaya damhin muna ang umento sa sahod noong nakaraang taon.

Pahayag ng KMU, hindi sasapat ang kakarampot na dagdag-sahod na inaprubahan sa nagdaang taon dahil sa patuloy na problemang kinakaharap ng ekonomiya ng bansa.

“Ang pagtaas sa sahod noong nakaraang taon ay umabot lamang sa [P30 hanggang P50], sapat lang para sa isang kilo ng bigas o pamasahe para sa maikliang biyahe sa isang modernong mini bus sa ilalim ng PUV Modernization Program (PUVMP), o isang one-way na tiket sa tren ngayon na may inaasahang pagtaas ng pamasahe sa MRT at LRT,” pahayag ng KMU.

Nito lang pagsapit ng bagong taon, inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) ang taas pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na target maipatupad sa unang bahagi ng taon. Nauna na rito noong Agosto ang pagtaas ng singil sa Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2.

Kasama rin dito ang PUVMP kung saan posibleng lumobo sa P40 hangang P50 ang minimum na pamasahe na maaaring mangyari sa loob ng limang taon para mabawi ang gastos sa jeepney pahayag ng independent think tank na Ibon Foundation.

Dagdag pa ang pahayag ng mga agricultural group na may posibilidad na tumaas ng P2 kada kilo ang bigas dahil sa mataas na presyo nito sa international market.

Kaya naman maraming manggagawa ang dismayado na walang mangyayaring pagtaas ng sahod kahit na lantad ang pagtaas ng mga gastusin.

“Kailangan taasan pa ‘yong minimum wage kasi kung ako lang ang magtatrabaho sa pamilya namin, hindi sasapat ito lalo na’t kailangan bumili ng gatas at diaper. Dagdag mo pa rito ang gastos at pagtaas ng mga bilihin,” ani Dan, isang manggagawa na sumasahod ng minimum wage.

Naging usapin din ang inflation kung saan hindi dapat ikatuwa ng mga pamahalaan ang pagbawas sa kabuuang inflation noong Disyembre 2023 sapagkat mataas pa rin ito para sa 30% na pinakamahihirap na sambahayan ayon sa Ibon Foundation. 

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas mabagal ang inflation na 3.9% noong Disyembre 2023 mula sa 4.1% noong Nobyembre 2023. Ang pangunahing dahilan nito ang mas mababang inflation sa tubig, bahay, kuryente at pagkain.

Sabi ng Ibon, hindi epektibo ang gobyerno na labanan ang inflation dahil sa mas mabigat na pasanin sa mataas na presyo.

Matagal nang hinaing ng mga manggagawa at mga progresibong grupo na maipasa ang P750 na sahod kada araw dahil sa sumisirit na presyo ng mga bilihin at serbisyo.

“Ang marinig ang DOLE secretary na maagap na sinabi na malabo ang pagtaas ng sweldo ngayong taon ay tila pag-amin din ng gobyerno na wala silang interes na pagaanin ang kalagayan ng mga manggagawa lalo na ngayon na ang krisis sa ekonomiya ay lumalala araw-araw,” sabi ng KMU.

Kaya naman hinihikayat na ang mga manggagawa na patuloy na lumaban para sa dagdag-sahod at pagpasa ng national minimum wage na nakabatay sa family living wage.

Ayon sa Ibon, P1,188 kada araw na sahod ang kailangan para mabuhay nang disente ang isang pamilyang may limang miyembro na malayo pinakamataas na minimum wage sa bansa na P610 sa National Capital Region.