Mga puwede at ‘di puwede sa Traslacion 2024
May ilang paalala ang pamunuan ng Quiapo Church at Pamahalaang Panglunsod ng Maynila para sa mga deboto at nais makiisa sa pagdiriwang.
Makikibahagi ka ba sa Kapistahan ng Traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila ngayong taon? May ilang paalala ang pamunuan ng Quiapo Church at Pamahalaang Panglunsod ng Maynila para sa mga deboto at nais makiisa sa pagdiriwang. Narito ang mga kailangan mong tandaan:
Mga puwedeng gawin:
- Magdala ng transparent bag upang mas madali ang pag-inspeksiyon dito
- Kumain bago magsimula ang traslacion upang may sapat na lakas
- Puwede pa ring maghagis ng panyo upang maipunas sa imahen ng Itim na Nazareno
- Maaari pa ring pumasan ng pingga o humila sa lubid basta gawin ito nang maingat
- Maaaring magdala ng transparent bottled water
- Magsuot ng face mask at panatilihin ang social distancing kung maaari
Mga hindi puwedeng gawin:
- Bawal magtulakan upang walang masaktan
- Bawal mag-set up ng camping tents lalo na ang mga mananatili nang overnight
- Hindi hinihikayat ang pagdadala ng tumblers
- Huwag magdala ng maraming gamit o malaking bag
- Huwag magpayong, magsuot ng cap, sumbrero o hoodie
- Huwag nang sumama kung may sakit o kung masama ang pakiramdam
- Huwag na ring isama ang matatanda at bata, pinapayuhang mag-abang na lang sila sa gilid ng kalsada o manood ng livestream
Covid-19 protocols
Nilinaw naman ni Manila Mayor Honey Lacuna sa isang media conference nitong Ene. 4 na bagaman hindi gagawing mandato ang pagsusuot ng face mask, mamimigay ng lokal na pamahalaan ng Maynila ng mga face mask sa mga deboto upang maiwasan ang posibleng Covid-19 surge.
“Ako po’y nananawagan sa ating kababayan kung talaga pong gusto po nating magtuloy-tuloy ang Traslacion 2024 ay sana makipag-cooperate po kayo sa amin,” ani Lacuna.
“Ito po ay hindi lamang para sa sarili n’yong kaligtasan kundi sa kaligtasan na rin ng iba pang tutungo dito para po sa Pista ng Poong Nazareno,” dagdag niya.
Magpapatupad din ng isang metrong distansiya sa loob ng simbahan at sa Quirino Grandstand. Sisikapin ding nasa 750 na katao lang ang nasa loob ng Quiapo Church, habang 3,000 naman ang nasa paligid.
Para mapanatili ang kaligtasan ng publiko, magpapatupad naman ang Manila Police District at lokal na pamahalaan ng Maynila ng firecracker, gun at liquor ban.
2M deboto, inaasahan
Samantala, 2 milyong deboto ang inaasahang makikiisa sa darating na Traslacion 2024, ayon sa pamunuan ng Quiapo Church.
Sinabi rin ni Lacuna na inaasahan ang bugso ng mga tao dahil sabik aniya ang mga ito sa muling pagbabalik ng traslacion na tatlong taong hindi ginanap dahil sa pandemya.
“Hindi po natin masabi kung ilan ang dadalo ngayon sa kadahilanang lahat ay sabik na sabik na makabalik po ang traslacion,” sabi ni Lacuna.
“Pero ganun pa rin ho ang numbers na ine-expect namin. Hindi ho kami nag-eexpect nang mas kaunti. Ganun pa rin po ang numero na ine-expect namin,” dagdag ni Lacuna.
Sinabi naman ni Quiapo Church parish priest Fr. Rufino Sescon Jr. na inaasahan nilang mas magiging mabilis ang prusisyon ngayong taon na kadalasang inaabot nang 16 hanggang 22 oras.
Iiwasan ng pamunuan ng Quiapo Church na magpasampa sa andas ng imahen ng Itim na Nazareno sa pamamagitan ng paglalagay nito sa loob ng isang laminated tempered glass case.
Ang andas na sinasakyan ng imahen ay babantayan din ng mga “alagad” o mga miyembro ng Hijos de Nazareno.