Pagbawi sa isang libo’t isang tuwa ng ‘Eat Bulaga!’
Sa inilabas na desisyon ng Regional Trial Court Branch 273 ng Marikina City, pinagbabawalan na ang TAPE Inc. at GMA Network na gamitin ang trademark na “EB” at “Eat Bulaga!” maging ang jingle nito.
Mahigit apat na dekada nang kaakibat ng programang “Eat Bulaga!” ang mga pangalang Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon o mas kinilalang TVJ.
Una itong umere noong 1979 sa Radio Philippines Network (RPN) nang isang dekada. Sumunod na napanood sa ABS-CBN at taong 1995 naman sa GMA Network.
Matatandaang noong Mayo 31, 2023 nang kinumpirma ng GMA na kumalas na sina Tito, Vic at Joey sa Television and Production Exponent (TAPE) Inc., ang production company sa likod ng noontime show noon pang 1981.
Sinundan ito ng paglipat ng “Dabarkads” sa TV5 sa ilalim ng bagong pangalan na “E.A.T.” Dito, nagpatuloy sila sa pagbibigay ng kasiyahan sa masugid nilang mga tagapanood, kasama ang mga host ng dating noontime show.
Bilang kulturang popular
Ayon kay Prop. Rolando Tolentino sa kanyang editor’s note sa Plaridel Journal, may malaking gampanin ang midyang pangmadla (mass media) sa pagpapalalim at pagpapalaganap ng kulturang popular lalo pa’t hindi magiging popular ang kulturang popular kung hindi ito pagigitnaan ng midyang pangmadla.
Bilang isang programang napapanood sa telebisyon, pumapaloob ito sa kulturang popular na pinagigitnaan ng midyang pangmadla sa loob na ng ilang dekada.
Ito rin ang itinuturing na pinakamatagal na noontime show na umeere sa Pilipinas na nagkaroon ng iba’t ibang pakulong pumatok sa mga manonood tulad na lamang ng “Juan for All, All for Juan,” “Kalyeserye,” “Pinoy Henyo,” “Little Miss Philippines,” at marami pang iba.
Para sa 73 anyos na si Corazon Navarro, lalo siyang naging tagasubaybay ng programa dahil sa hatid na aliw ng “Kalyeserye” noon.
“Hindi naging maganda ang dating sa akin ng balita [ng pagkakaroon ng bagong mukha ng ‘Eat Bulaga!’] parang mas naging business na ito kaysa magbigay ng entertainment,” sabi niya.
Kinalakihan na rin ni Riclin Santos, 22 taong gulang, ang panonood ng “Eat Bulaga!” kasama ang pamilya lalo na ang segment na “Juan for All, All for Juan.”
“Hindi na ako lalong naging interesado manood [noong nagkaroon ng bagong host] kasi parang naging imitation na lang. ‘Pag sinabi kasing ‘Eat Bulaga!,’ ang una mo talagang maiisip din ay TVJ na kinalakihan ko,” aniya.
Usaping intellectual property rights
Nakapaloob ito sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines na sumasaklaw sa copyright at trademark ng programa.
Copyright ang tumutukoy sa batas na naglalayong proteksiyonan ang karapatan ng may-ari ng anumang likhang orihinal na bunga ng siyentipiko o malikhaing pag-iisip tulad ng mga sulatin, awitin, programang teknikal, atbp.
Awtomatikong nagkakaroon ng copyright ang gawa sa mismong araw na nabuo ito ng lumikha na mas maaari pang pagtibayin ng pagrerehistro nito sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).
Samantala, trademark naman ang tawag sa mga simbolo, gaya na lamang ng logo na proteksiyon sa pagkakakilanlan ng isang entidad lalo na kung mayroong mga katulad na serbisyo o produkto sa parehong larangan. Sampung taon naman ang magiging bisa ‘pag ipinarehistro ito sa IPOPHL.
Sa kaso ng noontime show ng TVJ, naisilang man ang bagong programang “E.A.T.,” nagpatuloy ang laban nila para igiit ang kanilang bahagi sa pagkakakilanlan ng “Eat Bulaga!”—pamagat, logo, jingle, atbp.
Bukod sa mga naunang pagkapanalo ng TVJ sa kaso ng trademark, inanunsiyo nila nitong Ene. 5 na naipanalo na rin ang isinampang reklamo laban sa TAPE Inc. at GMA Network na copyright infringement at unfair competition matapos umere ang ilang episode, paggamit ng jingle at kilalang pakulo kahit pa kumalas na ang tatlo sa produksiyon noong Mayo 31, 2023.
Sa inilabas na desisyon ng Regional Trial Court Branch 273 ng Marikina City, pinagbabawalan na ang TAPE Inc. at GMA Network na gamitin ang trademark na “EB” at “Eat Bulaga!” maging ang jingle nito.
Muli namang inawit nang may isang libo’t isang tuwa ng “solid Dabarkads” ang kanilang sikat na jingle at ginamit na muli ang buong pangalang “Eat Bulaga!” na umere sa TV5 noong Ene. 6 matapos katigan ng korte ang TVJ.