Pinakamalagim na yugto ng pamamahayag sa Palestine


Ayon sa Committee to Protect Journalists, ito na ang “pinakanakamamatay na yugto para sa mga mamamahayag” mula nang magsimula ang organisasyon na mangalap ng datos noong 1992.

Hindi pa lumilipas ang 24 oras matapos paslangin ng Israeli air strike ang kanyang pamilya, emosyonal na humarap sa kamera si Al Jazeerah Gaza bureau chief Wael Al Dahdouh upang mag-ulat sa mga pangyayari noong Oktubre.

“Isa itong mahirap na sandali sa buhay ng isang Palestinong mamamahayag, ang mag-cover ng isang insidente para magbalita at malamang tungkol sa iyong sariling pamilya ang balita,” ani Al Dahdouh sa wikang Arabe.

Nakikisilong sa Nuseirat refugee camp sa central Gaza ang kanyang asawa, anak na lalaki, anak na babae at apong lalaki nang umatake ang mga puwersang Israeli mula sa himpapawid.

Nitong Ene. 7, pinuntirya ng Israeli missile strike ang sasakyan ng tatlong mamamahayag sa timog Gaza. Papunta sana sila sa mga refugee na biktima ng mga naunang pambobomba ng Israel upang mag-interview.

Pinaslang ng nasabing pag-atake si Hamza Al Dahdouh, mamamahayag ng Al Jazeera at panganay na anak ng Gaza bureau chief nito, at freelance journalist na si Mustafa Thuraya. Malubha namang nasugatan ang pangatlong pasaherong si Hazem Rajab na isa ring freelance journalist.

Mariing kinondena ng Al Jazeera Media Network ang pag-atake sa tatlong Palestinong mamamahayag at sinabing isang asasinasyon ang nangyari.

Mula nang inilunsad ng mga puwersang mapagpalaya sa Palestine ang Al Aqsa Flood noong Okt. 7, lalong tumindi ang karahasan laban sa mamamayang Palestino, kasama ang mga mamamahayag na nag-uulat ng mga nangyayari sa Gaza Strip at mga okupadong teritoryong Palestino sa West Bank.

Noong Okt. 27, sinabi ng Israel Defense Force (IDF) sa Agence France-Presse at Reuters na hindi nila magagarantiya ang kaligtasan ng mga mamamahayag na nag-uulat mula sa Gaza matapos makiusap ng dalawang news agency na huwag puntiryahin ang kanilang mga mamamahayag.

Batay sa huling tala ng Committee to Protect Journalists (CPJ) nitong Ene. 10, nasa 79 na mamamahayag at manggagawang midya ang kumpirmadong patay, 72 dito ang Palestino, apat ang Israeli at tatlo ang Lebanese.

Ayon sa CPJ, ito na ang “pinakanakamamatay na yugto para sa mga mamamahayag” mula nang magsimula ang organisasyon na mangalap ng datos noong 1992.

Kasama sa mga nakalap na kaso ng CPJ ang 16 mamamahayag na sugatan, tatlong nawawala at 21 inaresto ng mga sundalong Israeli. Nakapagtala din ang CPJ ng mga pananakit, pagbabanta, cyberattack, censorship at pagpaslang sa mga kaanak ng mga mamamahayag, tulad ng nangyari sa pamilya ni Al Dahdouh.

Iniimbestigahan din ang mga ‘di kumpirmadong kaso ng pamamaslang, pagkawala, pagdetine, pananakit, pagbabanta at paninira ng mga opisina ng midya at tahanan ng mga mamamahayag.

“Binibigyang-diin ng CPJ na mga sibilyan ang mga mamamahayag na gumagampan ng mahalagang tungkulin sa panahon ng krisis at hindi dapat puntiryahin ng mga magkatunggaling partido,” wika ni CPJ Middle East and North Africa program coordinator Sherif Mansour.

Mas mataas naman ang datos nitong Ene. 8 ng International Federation of Journalists (IFJ), katuwang ang Palestinian Journalists’ Syndicate. Nasa 85 na ang mga mamamahayag at manggagawang midya ang napatay, 78 ang Palestino, apat ang Israeli at tatlo ang Lebanese.

Noong Okt. 13, nanawagan ang IFJ at mga kasaping organisasyon nito sa Unesco na gawin ang lahat ng hakbang upang protektahan ang mga mamamahayag at igiit sa mga magkatunggaling puwersa na i-deescalate ang karahasan na nagreresulta sa pagkamatay ng mga sibilyan, lalo na ng mga mamamahayag.

“Marapat na ituring at protektahan bilang mga sibilyan ang mga manggagawang midya sa mga lugar ng armadong tunggalian at pahintulutan silang gawin ang kanilang tungkulin nang walang hadlang. Nananawagan ng IFJ sa lahat ng kombatant sa tunggaliang ito na gawin ang nararapat upang pangalagaan ang mga mamamahayag at propesyonal sa midya,” ani IFJ general secretary Anthony Bellanger sa wikang Ingles.

Maliban sa pamamaslang at direktang atake sa mga mamamahayag, matindi rin ang censorship ng Israel sa mga balita at impormasyon mula sa mga mamamahayag sa Gaza. Nahihirapan ang maraming mamamahayag na makapag-ulat dahil pinutol ng Israel ang mga linya ng kuryente at komunikasyon at pagpuntirya sa kanilang mga opisina.

Mula nang sumiklab ang labanan noong Oktubre, nagpatupad ng media blackout ang Israel na kinondena ng Reporters Without Borders (RSF) sa isang pahayag noong Nobyembre.

“Kinokondena namin ang media blackout na sinusubukang ipatupad ng Israel. Panlunas ang pamamamahayag sa malakas ang paglaganap ng disimpormasyon hinggil sa rehiyong ito,” sabi ni RSF secretary general Christophe Deloire.

Binalak din ng Israel na i-ban ang brodkast ng Al Jazeera sa mga okupadong teritoryong Palestino.

Sa social media, kasabwat ng Israel ang Meta sa pag-censor ng mga balita at impormasyon tungkol sa nangyayari sa Palestine at maging sa mga boses na sumusuporta sa kalayaan ng mamamayang Palestino mula sa kamay ng Zionistang gobyerno ng Israel.

Tinawag itong “systematic censorship” ng Human Rights Watch (HRW).

“Sistematiko at pandaigdigan ang censorship ng content kaugnay ng Palestine sa Instagram at Facebook. Ang paiba-ibang pagpapatupad ng Meta sa sarili nitong mga patakaran ay nagreresulta sa maling pagtanggal ng content tungkol sa Palestine,” ayon sa ulat ng HRW noong Disyembre.

Sa isang eksklusibong ulat ng The Intercept noon ding Disyembre, isiniwalat ang Operation Swords of Iron na pinirmahan ni Israeli Chief Censor Brig. Gen. Kobi Mandelblit.

Sinasabi sa dokumentong mula kay Mandelblit ang walong paksa na bawal ibalita at dapat munang dumaan sa Israeli Military Censor bago ilathala.

Kabilang sa mga paksa ang impormasyon hinggil sa kalagayan ng mga bihag, mga operasyong militar, detalye ng mga armas, mga cyberattack at pagbisita ng mga opisyal ng Israel.

Bago pa ilabas ang atas na ito ng Israeli Military Censor, maraming pagkakataon na ring hinaharang ang malayang pagkalap at paglabas ng balita’t impormasyon hinggil sa Palestine at pagpayag ng mga dayuhang news agency sa mga kondisyon ng Israel upang makapagtrabaho sa loob ng mga okupadong teritoryong Palestino.

Kinumpirma naman ng ulat ng The Intercept nitong Ene. 4 ang ginagawang censorship at pagbaluktot ng Israel sa mga balita at impormasyon hinggil sa mga nangyayari sa Gaza upang pumabor sa naratibong inilalako ng Zionistang gobyerno.

Sinabi sa ulat na ang CNN bureau sa Jerusalem ang pinakamalapit sa Israeli Military Censor.

Sa katunayan, isang dating sundalo ng IDF ang kinuha ng CNN upang mag-ulat sa digmaan. Dating naglingkod sa Spokesperson Unit ng IDF si Tamar Michealis na nagkaroon ng unang byline sa CNN noong Okt. 10.

Sinabi rin sa The Intercept ng isang staff ng CNN na piniling hindi nagpakilala na dumadaan ang lahat ng balita sa Jerusalem bureau upang aprubahan bago ilabas.

Ipinagbabawal ng CNN Jerusalem bureau ang paggamit ng mga salita tulad ng “war crime” at “genocide.” Madali ring magpaapruba ng balita kapag mula sa IDF ang pahayag at impormasyon, ngunit napakahirap kung mula sa mga Palestino.

Sinuri rin ng The Intercept ang ilang pahayagan sa United States (US) tulad ng The New York Times, The Washington Post at Los Angeles Times na mas pinapaboran ang naratibo ng Zionistang gobyerno ng Israel kagaya ng pagtawag na “terorista” sa mga grupong mapagpalaya sa Palestine tulad ng Hamas at pagbibigay ng tuon sa mga namatay na Israeli.

Nakita rin nila ang palagiang pagkiling ng mga nasabing pahayagan laban sa mga Palestino at ‘di pagbibigay-pansin sa lumalakas na rasismo laban sa mga Muslim sa US matapos mailunsad ng mga grupong mapagpalaya sa Palestine ang Al Aqsa Flood.