Simpleng stretching exercises para sa mga kamay


Narito ang ilan sa mga hand at wrist stretching exercises na maaaring gawin sa magkabilang kamay para ma-relax at makaiwas sa injury.

Madalas bang sumasakit o nangangalay ang kamay at pulsuhan? Dahil ‘yan sa paulit-ulit o pattern ng galaw ng kamay na posibleng dahil sa trabaho, gawaing bahay o kaya madalas na paggamit ng cellphone o computer. 

Narito ang ilan sa mga hand at wrist stretching exercises na maaaring gawin sa magkabilang kamay para ma-relax at makaiwas sa injury.

Wrist extension – Iunat ang braso nang mas mababa sa balikat habang nakaharap pababa ang palad. I-extend ang kamay pataas. Maaaring gamitin ang kabilang kamay sa pag-extend nang marahan. Maghintay ng 3-5 segundo bago bitawan at ulitin muli. Pagkatapos ng tatlong beses, itihaya naman ang palad at i-extend pababa. Ulitin lang ang proseso.

Wrist flexion – Iunat ang braso nang mas mababa sa balikat habang ang palad ay sa baba nakaharap. I-extend ang kamay pababa. Maaaring gamitin ang kabilang kamay sa pag-extend nang marahan. Maghintay ng 3-5 segundo bago bitawan at ulitin muli. Pagkatapos ng tatlong beses, itihaya naman ang palad at i-extend pataas. Ulitin lang ang proseso.

Praying position – Simulan sa pagdidikit ng mga palad at siko. Habang magkadikit ang palad, dahan-dahang ibaba ang kamay hanggang bewang o pag naramdaman na ang stretch. I-stretch nang 10 segundo. Gawin nang limang beses.

Finger Webbing – Ibuka ang bawat pagitan ng mga daliri sa tulong ng mga daliri sa kabilang kamay. I-stretch ang bawat isa nang dalawang segundo bago bitawan.

Finger Lift – Ilapat ang kamay sa patag na mesa, dahan-dahang iangat isa-isa ang mga daliri. Pwede ring sabay-sabay na iangat at dahan-dahang ibaba. Ulitin nang 8 hanggang 12 na beses sa magkabilang kamay.

Squeeze – Kumuha ng sponge, stress ball o kahit anong malambot na bagay na sakto sa laki ng kamay. Pisilin ang gamit at magbilang ng 10 segundo bago ibuka ang kamay. Ulitin ang proseso nang 10 beses.

Paalalang dahan-dahang gawin ang bawat extend at stretch dahil bulnerable sa injury ang mga ugat at joints sa pulsuhan.

Maaari itong gawin araw-araw habang ipinapahinga ang mga kamay sa mga gawain. Hindi ito tatagal ng isang oras kaya’t puwedeng isingit sa busy na iskedyul.