Oh, bibe bibe


Patok hindi lang sa mga kabataan, maging sa mga feeling bata ang hair pin. May bibeng may suot na sumbrero, ribbon, salamin, bowtie at iba pang nakakaaliw na mga disenyo. 

Alam naman natin na pagdating sa trending, hindi maaaring mapag-iwanan ang mga Pilipino. Sa palengke, mall, parke, paaralan at kung saan-saan pa, nagkalat ang mga bibe. Bibe sa ulo bilang hair pin.

Patok hindi lang sa mga kabataan, maging sa mga feeling bata ang hair pin. May bibeng may suot na sumbrero, ribbon, salamin, bowtie at iba pang nakakaaliw na mga disenyo. 

Sa Baguio City unang sumikat ang bibe hair clip noong 2023. Naging sobrang patok ito sa mga turista maging sa mga lokal hanggang nakarating ito sa Metro Manila at iba pang parte ng bansa. Napag-alamang, nagmula itong trend na ito sa China noong 2015, ngunit sa halip na bibe, sprout o maliit na halaman.

Sa isang panayam kay Dean Jimmuel Naval ng University of the Philippines College of Arts and Letters, ang ganitong phenomenon ay tinatawag na bandwagon effect. Ibig sabihin, kung ano ang uso, kailangan mayroon rin tayong mga Pilipino. Hindi tayo puwedeng mahuli sa trend. Kinakailangan na magkaroon ang bawat isa dahil kung wala, parang hindi sila parte ng uso. 

Madalas na mapapansin ang ganitong kaugalian ng mga Pilipino kada may sisikat man na bagay, pagkain, kasuotan at iba pang kinawiwilihan ng marami.

Halimbawa na lamang ang milk tea. Noong sumikat ang inuming ito, nagsulputan na kung saan-saan ang mga tindahan ng milk tea. Maging ang mga coffee shop na dati ay sa bahay lamang ginagawa ang pagkakape. Ang lato-lato na laruan sa mula sa Indonesia ay nakarating rin sa ating bansa. Kung anong makita sa social media na trending ay papasikatin rin upang maging in sa trending.

Sa ngayon, hindi lang bibe ang sikat. Mayroon na ring mga mga hair clip na aso, pusa, paroparo, puso o dahon na tila bean sprout.

Usap-usapan rin ito sa mga paaralan dahil isang balita ang kumalat na ito ay ipagbabawal ng Department of Education (DepEd) sa mga estudyante.

Sagot naman ng DepEd, hindi nila ito ipagbabawal. Hindi naman ito makakaapekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Maging ang mga guro ay nagsusuot ng ganitong aksesorya.

Hindi naman masama ang sumunod sa uso, basta’t hindi ito makakasama sa sarili at sa ibang tao.