Pilipinas, una sa Asya sa ILO C190


Tuloy-tuloy din ang kampanya ng mga grupo ng manggagawang kababaihan para magkaroon ng mga pamamaraan at mekanismo sa lahat ng lugar ng paggawa upang maipatupad ang kumbensiyon.

Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asya na nagratipika sa International Labour Organization (ILO) Convention 190 o Kumbensiyon sa Eliminasyon ng Karahasan at Pang-aabuso sa Mundo ng Paggawa.

Natanggap ng Deputy Director General ng ILO ang dokumento ng ratipikasyon ng kasunduan noong Peb. 20. Ang Pilipinas din ang ika-38 bansang nagratipika dito.

Inaprubahan ng Senado sa botong 20-0-0 ang Senate Resolution 877 noong Dis. 11, 2023 na nagratipika sa kumbensiyon.

Malugod na tinanaggap ni ILO Deputy Director General Celeste Drake ang pag-apruba ng Pilipinas sa kumbensiyon.

“Ang ratipikasyong ito ay isang mahalagang hakbang para pigilan at wakasan ang karahasan at pang-aabuso sa mundo ng paggawa. Panahon na para iwaksi ang karahasan at pang-aabuso sa mga lugar ng paggawa sa lahat ng panig ng daigdig, isulong at ipatupad ang katarungang panlipunan para sa lahat,” ani Drake sa Ingles.

Layon ng kasunduan na wakasan ang lahat ng uri ng karahasan at diskriminasyong nakabatay sa kasarian sa mga lugar ng paggawa. Pinalalawig din nito ang naunang kasunduan na ILO C111 sa diskriminasyon sa trabaho na inaprubahan ng Pilipinas noong 1960.

Minamandato ng kumbensiyon ang mga kasaping bansa na magpatupad ng mga patakaran at estratehiyang inklusibo at gender-responsive para mapigilan at wakasan ang karahasan at pang-aabuso sa mga lugar ng trabaho.

Sa ratipikasyon ng ILO C190, kinakailangan ng Kongreso ng Pilipinas na magpasa ng bagong batas upang tumalima sa mga layunin ng kasunduan.

Pinangunahan ng Gabriela Women’s Party ang paghimok sa Senado na ratipikahan ang kasunduan at patuloy na pagsusulong ng mga panukalang batas para sa tugunan ang panawagan ng kababaihang manggagawa sa nakabubuhay na sahod at pagwawakas sa karahasan sa trabaho.

Tuloy-tuloy din ang kampanya ng mga grupong Women Workers United (WWU) at Kilusang ng Manggagawang Kababaihan (KMK) para magkaroon ng mga pamamaraan at mekanismo sa lahat ng lugar ng paggawa—pampubliko at pribado, pormal at impormal—upang maipatupad ang kumbensiyon.

“Isang malaking hamon para sa kababaihan na matapang na tumindig para magmulat, mag-organisa at kumilos nang sama-sama upang mawakasan ang lahat ng porma ng pang-aabuso, karahasan at pagsasamantala,” ani WWU convenor at KMK spokesperson Jacquiline Ruiz.