Etika, politika at konteksto ng boykot


Kalakip ng iba pang porma ng paglaban, layon nitong wakasan ang kolonisasyon at okupasyon ng Israel sa lahat ng lupang Arabo.

Una sa dalawang bahagi

Ayon sa Google, ang salitang boycott o boykot sa salitang Filipino ay ang pagtangging bumili, gumamit o lumahok sa isang bagay bilang porma ng protesta.

Nitong nakaraang anim na buwan, dumami ang mamamayang natutong tumingin nang lampas sa etiketa, presyo at kalidad ng mga produktong tinatangkilik at binibili. Para sa kanila, mahalagang konsiderasyon sa pagpili ng bibilhin ang sagot sa isang katanungan—Nagbibigay ba ang kompanyang ito ng pinansyal at/o pampolitikang suporta sa Israel?

May panawagang boykot ang mga Palestino. Ito ang hindi pagbili o pagtangkilik sa mga produkto at serbisyong mula sa Israel at may mabuting pakikipag-ugnayan sa Zionistang estado. Kabilang dito ang mga kompanyang bagaman hindi Zionista ay sumusuporta sa isinasagawang genocide sa Palestine, tuwiran man o hindi ang kanilang pagsuporta.

Ang BDS (Boycott, Divestment, Sanctions) Movement ay isang pandaigdigang koalisyong itinatag noong 2005. Pinangungunahan ito ng mga Palestino at binuo upang kamtin ang kalayaan, hustisya at pagkakapantay-pantay.

Pangunahing porma ng protesta na gamit nito ay ang boycott, divestment at sanction laban sa mga kompanyang Israeli o dayuhan, direkta o indirekta man ang pagtulong ng mga kompanya sa okupasyon, target ang mga ito ng boykot.

Kalakip ng iba pang porma ng paglaban, layon nitong wakasan ang kolonisasyon at okupasyon ng Israel sa lahat ng lupang Arabo. Nais rin nitong wakasan ang apartheid o rasistang sistema sa Palestine. Kinikilala rin nito ang karapatang pantao ng mga Palestino, at itinataguyod ang karapatan ng mga Palestinian refugee na makabalik sa kanilang lupain. 

Noong Enero, umabot sa kalahating milyon ang mga post na may #boycottisrael. Nasa 887,000 naman sa #BDS. Nagtala naman ng pagkalugi ng $7 bilyon ang McDonalds, habang tinamaan ng $11 bilyon market loss ang Starbucks dahil na rin kampanyang boykot. Noong Disyembre 2023, hininto na ng Puma ang sponsorship nito sa Israel football team.

Sinasabing isa sa pinakamabangis at pinakadokumentadong genocide sa mundo ang nangyayari ngayon sa Palestine—sa mga bahagi ng West Bank, Gaza at Rafah. Sa tulong ng internet at social media, madaling nahubaran ang kasinungalingan ng Israel at bias na pagbabalita ng western media. Kasabay nito, sumambulat ang galit ng maraming tao laban sa Israel habang namulaklak naman ang suporta para sa mamamayan ng Palestine.

Nasa 75 taon nang isinasagawa ng Israel ang okupasyon, pangongolonya, apartheid sa Palestine sa pamamagitan ng matinding represyon at maramihang pagpaslang sa mga Palestino.

Pero kakaibang antas ng kabaliwan ang pinakawalan ng Israel mula Okt. 7, 2023. Noong Mar. 31, 2024, halos anim na buwan mula nang magsimula ang bagong kaguluhan, nasa 32,552 na ang pinatay ng Israel sa Gaza. Pito sa bawat 10 na pinatay ay mga bata at kababaihan, nasa 454 naman sa West Bank.

Umabot naman sa 74,980 sibilyan ang sugatan sa Gaza, habang 4,750 sa West Bank. Nakapanlulumo na mula sa 36 na ospital sa Palestine, nasa 11 na lang ang bahagyang gumagana dahil binomba ang mga ito nang paulit-ulit ng Israel Defense Forces (IDF).

Dahil ninakaw ng Israel ang lupa at yaman ng Palestine at sa todo-todong suporta ng imperyalismong Amerikano sa Zionistang estado umunlad ang Israel. Hindi iilan ang mga kompanyang pag-aari ng Israel ang may operasyon sa maraming bansa. 

May mga kompanya na malaki ang ambag sa proyektong pangongolonya ng Israel subalit mahirap iboykot dahil monopolisado nila ang industriya o hindi madali makakuha ng alternatibong produkto para dito. Isang halimbawa nito ay ang Intel na nagmamanupaktura ng mga semiconductor para sa mga gamit elektroniko.

Dahil dito, hinati ng BDS Movement sa apat na klasipikasyon ang mga mga produkto at serbisyong dapat iboykot para matiyak na epektibo ang kilusang boykot. Ang mga ito ay consumer products, divestment, pressure at organic boycotts.

Ang boykot laban sa consumer products ay laban sa mga kompanyang may matibay na rekord ng pakikipagsabwatan at pagsuporta sa Israel sa pamamagitan halimbawa ng pagpopondo sa IDF. Ilan sa mga brands sa ilalim ng kategoryang ito ay Ahava (beauty product), Hewlett Packard o HP (computers, printers, etc), SodaStream (sparkling water maker) at Sabra (food company).

Ang mga produktong may bar code na nagsisismula sa 729 ay madalas na indikasyong ang produkto ay imported mula sa Israel.

Sa kategoryang divestment, layunin ng BDS itulak ang mga gobyerno at institusyon na itigil ang pakikipagkalakalan sa mga kumpanyang gaya ng Barclays (banking), Chevron, Volvo (vehicles) at CAT (construction). Kabilang rin sa kategoryang ito ang Elbit System, isang Israeli military company na nagsusuplay ng mga kagamitang pandigma gaya ng armored personnel carriers sa maraming bansa. Sa Pilipinas, nakakuha ito ng kontratang nagkakahalaga ng $200 milyon noong 2018 para mag-suplay ng mga armas sa Armed Forces of the Philippines.

Sa kategoryang pressure, inuudyukan ang mga kompanya na wakasan ang pagbibigay serbisyo sa Israel. Ilan sa mga kompanyang ito ay ang AirBNB, Booking.com, Expedia (travel services) at Amazon (e-commerce).

Organic boycotts naman ang tawag sa mga kompanyang hayagang sumusuporta sa genocide na isinasagawa ng Israel. Ilan sa mga kompanyang ito ang McDonalds, Papa Johns, Pizza Hut, Domino’s Pizza, Burger King (fast food) at Wix (software). Mahalaga rin maunawaan na ang desisiyong iboykot ang mga ito ay hindi mula sa BDS Movement, bagkus ay mula sa grassroots Palestinian groups. Gayunpaman, buo ang suporta ng BDS sa desisyong ito. 

Bukod sa mga nabanggit sa itaas, mahaba ang listahan ng mga binoboykot na kompanya. Ilan sa madalas makita sa Pilipinas ay ang mga kompanyang at produkto gaya ng Starbucks, Ariel, Adidas, Axe, Cheetos, Chanel, Colgate, Coca-Cola, Doritos, Gatorade, Gap, Haagen-Dazs, Huggies, KFC, KitKat, Levi’s, Lipton, Marks & Spencer, Nestlé, Tide, Vaseline at Zara.

Basahin ang huling bahagi