Sa likod ng makulay na mundo ng showbiz
Sabi ng batikang direktor na si Joel Lamangan, kailangan magamit ang batas para pahusayin ang industriya ng pelikula at telebisyon dahil nasa masamang kalagayan na ito.
Hindi maikakaila na aliw ang hatid ng mga pelikula at mga palabas sa telebisyon at sinehan noon pa man. Kaya naman sa ilalim ng Republic Act 11996 o Eddie Garcia Law na pinirmahan noong Mayo 28, layon nitong mabigyang proteksiyon ang kapakanan ng mga manggagawa sa nasabing industriya.
Sa kabuuan ng batas, ilan sa mga binigyang-pansin ang pagkakaroon ng kontrata sa pagitan ng mga employer at mga manggagawa.
“Magandang step ‘yon para sa industriya kasi ang mga nasa loob ng film industry kadalasan contract-based [at] project-based lang sila. Parang anytime puwede silang matanggalan ng trabaho, wala silang proteksiyon,” sabi ng dokumentarista at filmmaker na si JL Burgos sa panayam ng Pinoy Weekly.
Kinakailangan din na nakalagay ang detalye ng kanilang trabaho at ang suweldo sa kontrata.
Ayon kay Frida (hindi totoong pangalan), 23 taon nang video editor sa isang malaking network ng midya, bagaman hindi pa lubusang naipapatupad ang batas, karamihan sa nakapaloob dito ay isinasagawa na.
Aniya, hindi man palagian ngunit mayroon ng kontrata bago magsimula sa trabaho at namo-monitor na ang bilang ng oras ng paggawa ng isang empleyado. Ngunit kadalasan na nakasaad naman sa lumang bersiyon ng kanilang kontrata ang haba ng panahon sa trabaho at kung magkano ang tatanggaping suweldo, pero hindi nakasaad ang iba pang benepisyo.
“Meron naman kami contract pero very one-sided. Walang compensation na nakalagay, wala kaming health card or benefits,” sabi niya.
Mahabang oras
Maliban sa wala silang tinatanggap na benepisyo, maaaring pahabain ng kanilang employer ang kanilang oras sa paggawa ng walo hanggang 14 oras sa isang araw. Aabot ito sa 60 oras sa isang linggo na labag sa itinakda ng International Labour Organization na 48 oras.
Malungkot din na ibinahagi ni Frida na sanay na sila sa mahabang oras ng trabaho dahil kadalasan daw tumatagal mula 12 hanggang 18 oras ang pag-e-edit ng isang bidyo sa isang segment o palabas.
Dagdag pa niya, wala silang overtime pay kahit lampas na sa takdang oras ng trabaho. Karamihan umano sa kanila’y may tatlo hanggang limang palabas na kinukuha lalo na ang mga production assistant dahil sa mas maliit ang suweldo.
Sa tagal ng serbisyo ni Frida, hindi pa rin siya regular. Sabi niya, project-based ang kontrata niya at tumatanggap ng aabot sa P40,000 na sahod sa dalawang palabas na kanyang hawak. Pero malaki din ang kinakaltas sa kanyang sahod, tulad ng 15% na buwis.
“Mataas naman ang suweldo compare sa minimum wage pero kulang pa rin kaya marami sa amin tumatanggap ng maraming show para magkasya sa pamilya ang kinikita,” aniya.
Para naman kay Burgos, bukod sa mga nakapaloob sa batas, sinusuportahan din niya ang panawagan para sa standardization ng suwelso at regularisasyon ng mga manggagawa sa industriya ng entertainment.
Bagaman may magandang epekto ang batas, sa pagtingin ni Frida nilimitahan naman nito ang kalayaan ng mga nasa produksiyon kagaya niya na kumuha ng maraming proyekto sapagkat lalampas na ito sa itinakdang oras kada linggo.
Kawalang trabaho
Hinaing ng beteranong aktor-direktor na si Joel Lamangan, dapat ang kawalan ng trabaho ng mga mangggagawa sa industriya ng entertainment ang bigyan ng pansin sa halip na bilang ng oras sa pagtatrabaho.
“Wala nang nanunuod ng pelikula. ‘Yon ang totoong problema. Dahil walang nanonood, walang napo-produce. Dahil walang napo-produce, walang trabaho ang mga tao,” ani Lamangan.
Pagbibigay-diin niya, kailangan magamit ang batas para pahusayin ang industriya ng pelikula at telebisyon dahil nasa masamang kalagayan na ito. Sa kasalukuyan kasi, problema nila ang malaking kakulangan sa pondong inilalaan para sa kanila.
Noong Pebrero 2024, sinabi ng tagapangulo ng Film Development Council of the the Philippines na si Jose Javier Reyes, na binawasan ng 30% ang taunang pondo nila. Dahil dito, pinagtutuunan nila ng pansin ang paggawa ng mga programa sa edukasyon at pag-iibayo pa ng kakayahan ng mga filmmaker, estudyante at lokal na manonood.
Malungkot na ibinahagi ni Lamangan na marahil ang pagiging kapos sa kalidad ng mga gawang Pinoy sa pelikula at telebisyon ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi na gaanong tinatangkilik ng masa.
“May gumagawa ng dalawang araw, may gumagawa ng tatlong araw. Wala na yung noong araw na mahaba ang gawa—hindi na ganoon. Kaya ang nagiging resulta, pangit ang mga pelikula,” aniya.
Ibalik ang dating sigla
Bukod sa mga nakapaloob sa Eddie Garcia Law, panawagan ni Lamangan ang pagtulong ng gobyerno upang palaguin ang industriya dahil hindi ito binibigyang importansiya sa kasalukuyan.
“Napakaimportante ng sining. Napakaimportante ng kultura. Kung ang ibang mga bansa e number one na sa kanila [ang industriya ng entertainment] kagaya ng Korea, tapos ang Thailand, Vietnam, naiwanan na naman tayo,” wika ng beteranong direktor.
Maganda man ang tunguhin ng batas, hindi pa malinaw para sa kanya kung ano ba talaga ito.
“Medyo malabo sa akin ‘yong view. Unang-una, walang masusing pag-aaral sa uri ng mga [worker] ang meron ang film. Hindi, hindi malinaw e,” aniya.
Sa tingin naman ni Burgos, magandang panimula ang batas para sa kapakanan ng mga manggagawa sa entertainment ngunit, kadalasan itong nagkakaproblema sa pagpapatupad.
“Kailangan ‘yong implementation pa rin ang main, ang next na step, implementation tsaka sino ba ‘yong magpapatupad nito,” pahayag niya.
Ani Burgos, susuportahan at isusulong niya lahat ng mga batas na tumutulong sa proteksiyon ng mga manggagawa ng pelikulang Pilipino.