Tahanan ng lider-magsasaka, ilegal na hinalughog
Puwersahang hinalughog ng mga sundalo ang bahay ni Ronnie Manalo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas bandang alas-siyete ng umaga ng Hun. 18 sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Ilegal na pinasok, hinalughog at tinaniman pa ng armas ng militar ang tahanan ni Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at spokesperson ng Tanggol Magsasaka sa San Jose del Monte City, Bulacan na ikinaalarma ng mga residente sa lugar.
Ayon sa salaysay ng Tanggol Magsasaka, puwersahang hinalughog ng mga sundalo ang bahay bandang alas-siyete ng umaga nitong Hun. 18 na nagresulta sa pagkasira ng mga personal na gamit at ari-arian ni Manalo. Inusisa rin ng mga ito ang kamag-anak ng lider nang hindi siya matagpuan sapagkat wala siya ng mangyari ang insidente.
Ayon sa KMP, dumarami ang mga tropa ng 80th Infantry Battalion ng Philippine Army, maging Special Action Force at Special Weapons and Tactics ng Philippine National Police sa mga komunidad ng mga magsasaka nitong nagdaang linggo.
Sinabi ng grupo na halos 100 pinagsanib na puwersa ng mga ito ang nagsagawa ng operasyon sa anim na barangay sa lungsod partikular sa Brgy. San Roque, Brgy. Paradise 3 at Brgy. Tungkong Mangga.
Tatlong oras matapos ang insidente sa bahay ni Manalo, pinaghahanap naman ng mga sundalo si Cecilia Rapiz, tagapangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB).
Ayon sa grupo, malaking grupo ng mga sundalo ang nasa mga checkpoint ng San Roque, Paradise 3 at Tungkong Mangga kaya naman hindi makaalis dahil sa takot ang mga residente sa lugar.
Kinondena ng grupong Amihan National Federation of Peasant Women ang insidente ng panre-red-tag at ang malawakang presensiya ng militar sa iba’t ibang komunidad ng mga magsasaka.
Panawagan nila na itigil na ang patuloy na pananakot sa mga residente at magsasakang itinataguyod lang ang kanilang karapatan at kabuhayan.
“Nananawagan kami sa publiko na kondenahin ang patuloy na pag-atake, panre-red-tag at pangha-harass ng pulisya at militar sa mga pinuno at komunidad ng mga magsasaka. Matagal ng nakikipaglaban sa pangangamkam ng lupa at pagpapaalis ang mga magsasaka ng San Jose del Monte [City], Bulacan,” sabi ng grupo.
Kinondena rin ito ng human rights watchdog na Karapatan at nanawagan sa publikong dapat na batikusin ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mga manggagawa sa agrikultura at sa kanilang mga lider.
“Ang mga anyo ng harassment at pananakot na ito ay ginagawa nang hindi napaparusahan ang security forces ng bansa. Pinahihintulutan ito ng administrasyong Marcos [Jr.] sa pamamagitan ng programang kontra-insurhensiya nito,” pahayag ng human rights watchdog.
Nakipagdiyalogo naman sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at KMP chairperson Danilo Ramos kay San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes. Kasama nila ang mga apektadong magsasaka sa pagdulog ng kanilang hinaing hinggil sa patuloy at tumitinding pandarahas sa kanila.
Matagal ng humaharap sa pandarahas, pananakot at pangangakam ng lupa ang mga magsasaka sa nasabing lugar simula pa noong maagang bahagi ng 1990s, nang simulang pag interesan ni Greggy Araneta, bayaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga lupain sa nasabing lungsod.
Ang mga barangay na nabanggit ang pangunahing pinagkukuhanan ng Bagsakan Bungkalan Farmers Market na bahagi ng proyektong farm-to-market ng KMP. Idinaraos ito sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila upang maibenta nang mura ang mga gulay at prutas na itinatanim ng mga magsasaka sa buong bansa.