Pinakamatandang lingguhang diyaryo sa bansa, namaalam na
Sa Facebook post ni Gloria Antoinette Hamada, chief operations officer ng Baguio Midland Courier, sinabi niyang hindi naging madali ang desisyon na ihinto ang operasyon ng naturang peryodiko.
Magsasara na ang pinakamatandang lingguhang pahayagang pangkomunidad sa Pilipinas. Matapos ang 77 taon ng paglilimbag, pormal na inanunsiyo ng Baguio Midland Courier o Midland ang kanilang pagsasara nitong Hun. 30.
Sa Facebook post ni Gloria Antoinette Hamada, chief operations officer ng Midland, sinabi niyang hindi naging madali ang desisyon na ihinto ang operasyon ng naturang peryodiko.
“Batid ng mga nangangasiwa [sa Midland] ang magiging malungkot na epekto nito sa aming mga tagapagtangkilik, newsboy, kontribyutor at advertiser,” ani Hamada sa Ingles.
Sabi pa ni Hamada, malaki ang naging epekto ng kabawasan ng interes ng mga mambabasa sa mga diyaryo, tulad ng Midland, kumpara sa digital at high-tech na pagpapalaganap ng impormasyon.
Sabay sa pagsasara ng pahayagan ang paghinto ng operasyon ng tagalimbag nito na Hamada Printers & Publishers Corporation na pag-aari ng isa sa mga matatandang pamilya sa Baguio City.
Malungkot na balita
Ikinalungkot naman ng marami ang pagsasara ng naturang peryodiko na anila’y bahagi na ng buhay ng mga taga-Baguio at taga-Kordilyera.
Ayon sa samu’t saring sentimyento sa social media ng mga taga-Baguio, naging regular na parte ng kada linggo nila ang pahayagan.
“Hindi ko alam paano makakayanan ng kahit sino ang withdrawal symptoms ng pagkawala ng isang kilala at kahanga-hangang institusyon sa pamamahayag,” wika sa Ingles ni Joel Rodriguez Dizon, abogado at dating patnugot ng Gold Ore. Kasabayan noon ng Midland ang Gold Ore sa mga newsstand sa lungsod.
Itinatag noong 1947, kilala ang Baguio Midland Courier bilang isa sa mga pinakatanyag na pahayagan at pinakamalawak ang sirkulasyon sa buong Kordilyera at Hilagang Luzon. Nagsilbi itong tahanan ng mga tanyag na patnugot at manunulat sa rehiyon tulad nina Sinai Hamada, Cecile Afable at Kathleen Okubo.
Ayon kay Luchie Maranan, isang manunulat mula sa Baguio, alam mong taga-Baguio ka kung lumaki kang bumibili ng Midland tuwing Linggo sa mga istante ng lumang palengke.
Kilala rin ang Midland sa mga editoryal at komentaryo kung saan nasasalamin ang sentimyento ng ordinaryong mamamayan, gaya ng “Animated Me” at “Letter to the Editor.”
Dahil magkakakilala halos ang lahat sa lungsod at rehiyon, naging daluyan ito ng komunikasyon sa mga pamilya at komunidad na mula sa iba’t ibang parte ng Hilagang Luzon.
Sunod na pahina
Ayon kay Hamada, umaasa sila na magkakaroon ng mga oportunidad upang manatiling buhay ang Midland. Kasabay nito ang paghahanda nila sa pagsasapubliko ng 77 taong arkibo ng pahayagan.
Bilang pamamaalam, tatakbo pa hanggang ikatlong linggo ng Hulyo ang paglilimbag ng Midland. Inaasahan na ang huling paglilimbag ng naturang diaryo’y lalabas sa Hul. 21.
Pinakabago ang Midland sa mga nagsarang pahayagang pangkomunidad sa Baguio. Sinundan ng Midland ang paghinto ng paglilimbag ng SunStar Baguio noong 2021, Northern Dispatch Weekly o Nordis noong 2019 at Gold Ore noong 2001.