‘Alipato at Muog,’ pinarangalan sa Cinemalaya XX


Ginawaran ng Special Jury Award para sa full-length category ang pelikulang “Alipato at Muog” ni JL Burgos sa katatapos lang na 20th Cinemalaya Independent Film Festival.

Ginawaran ng Special Jury Award para sa full-length category ang pelikulang “Alipato at Muog,” isang dokumentaryo tungkol sa paghahanap sa aktibistang si Jonas Burgos at iba pang desaparecidos sa katatapos lang na 20th Cinemalaya Independent Film Festival.

Sa kanyang post sa Facebook, taos-pusong nagpasalamat ang kapatid ni Jonas at direktor ng pelikula na si JL Burgos sa lahat ng sumuporta at nanood sa dokumentaryo sa mahigit isang linggong pagpapalabas nito sa mga piling sinehan sa Metro Manila.

Nagpasalamat din siya sa kanyang pamilya, sa production team ng dokumentaryo at sa lahat ng tao at organisasyon sa suporta at tulong sa pagbuo ng pelikula.

Ani JL, hangad nila na maipalabas ang dokumentaryo sa iba pang lugar sa bansa at ilapit ito sa mga komunidad. Mayroon na rin umanong mga inisyal na plano para sa pagpapalabas nito.

Umani naman ng papuri mula sa iba’t ibang rebyu ang dokumentaryong nagsasalaysay sa mahigit 16 na taong paghahanap kay Jonas, isang aktibista at magsasaka, na dinukot ng mga ahente ng militar sa isang mall sa Quezon City noong Abril 28, 2007.