Dokyu sa paghahanap sa iwinalang aktibista, binigyan ng X rating 


Ayon sa desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board, ang pelikula’y nag-uudyok umano sa manonood na maliitin o mawalan ng tiwala sa gobyerno at mga awtoridad.

Binigyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng X rating ang dokyumentaryong “Alipato at Muog” ni JL Burgos nitong Ago. 22. Ayon sa desisyon ng MTRCB, ang pelikula’y nag-uudyok umano sa manonood na maliitin o mawalan ng tiwala sa gobyerno at mga awtoridad.

Ang X rating ay nangangahulugang hindi angkop ang laman at tema ng pelikula para sa publiko at sa gayon, ipinagbabawal ipalabas sa anumang komersiyal na sinehan.

Sa opisyal na Facebook page ng “Alipato at Muog,” inilahad ni Burgos, direktor ng pelikula, ang kanilang apela hinggil sa natanggap nilang X rating.

Wika ng premyadong direktor, parang binuhusan ng malamig na tubig ang kanilang mataas na morale mula sa tagumpay at napakainit na suportang natanggap mula sa publiko.

Desidido ang team ni Burgos na muling isalang sa review ang pelikula, sa kabila ng malaking gastos at umaasang makakaisa ang MTRCB sa pagbibigay ng boses sa mga patuloy na pinapatahimik ng sistema ng inhustisya sa bansa. 

Isang araw bago ang desisyon ng MTRCB, nagsalita si National Security Council (NSC) spokesperson Jonathan Malaya tungkol sa pelikula.

Sa pahayag ni Malaya sa Armed Forces of the Philippines sa wikang Ingles, ang dokumentaryo umano ni Burgos ay “isang desperadong pagtatangkang buhayin ang isang lumang kasong nag-uugnay sa militar sa pagkawala ni Jonas Burgos.”

Dagdag pa nito, ang mga ipinaparatang umano kay Ret. Gen. Eduardo Año, kasalukuyang National Security Adviser, tinutukoy na mastermind sa pagkawala ni Jonas Burgos, ay mga akusasyong kailanman ay hindi napatunayan. 

“Ang pahayag ni Malaya ay pagpapakita na wala siyang alam sa batas o ayaw niyang kilalanin ang batas,” ani JL Burgos sa kanyang inilabas na pahayag sa Facebook sa wikang Ingles.

Ayon sa Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Law, patuloy na natatapakan ang karapatan at ginagawa ang krimen hanggang hindi inililitaw kung nasaan at ano ang kalagayan ng isang desaperacido.  

Si Jonas Burgos ay patuloy na nawawala simula noong dukutin siya sa Ever Gotesco Commonwealth noong April 28, 2007. 

Sa pahayag ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) ang nangyari sa “Alipato at Muog” ay dagdag na kaso ng sensura sa mga pelikulang kritikal sa gobyerno. 

Sa petisyong inilabas ng CAP, anila, ang kawalan ng tiwala ng taumbayan sa gobyerno ay hindi dahil sa laman ng isang dokumentaryo, pero dahil sa mismong kapalpakan nitong tugunan ang mga krusyal na usapin sa bansa. 

Sa kabila ng sensura at limitasyon, patuloy na ipalalabas ang dokumentaryo sa University of the Philippines Film Institute Film Center sa Diliman, Quezon City at iba pang mga paaralan at komunidad.