Harassment sa manggagawa ng Nexperia, nagpapatuloy


“Ginagawa nila ito upang maghasik ng pananakot at pagkalito sa ating hanay upang itulak tayong itigil ang ating paglaban para proteksyunan ang kanilang tubo,” pahayag ng unyon ng mga manggagawa ng Nexperia.

Mariing kinondena ng unyon ng mga manggagawa ng Nexperia ang patuloy na harassment at intimidasyon ng management kaugnay ng kanilang paghahanda sa ikakasang welga.

Sa pahayag ng Nexperia Philippines Incorporated Workers Union (NPIWU), nakakalap umano sila ng impormasyon na ituturing na absent without leave ang mga manggagawang hindi papasok sa trabaho sa panahon ng welga at hindi sila makakakuha ng mga benepisyo.

Dagdag pa rito, bibigyan umano ng double pay ang mga manggagawang papasok at bibigyan ng badge ang ID para sa pagkakakilanlan. 

“Ginagawa nila ito upang maghasik ng pananakot at pagkalito sa ating hanay upang itulak tayong itigil ang ating paglaban para proteksyunan ang kanilang tubo,” pahayag ng unyon.

Matatandaang naipanalo ng NPIWU ang kauna-unahang strike voting nitong Hul. 29-30 na ilang beses nabalam dahil sa panghihimasok ng management ng kompanya.Nagdesisyon ang unyon na maghain ng notice of strike dahil sa hindi makatarungang pagtatanggal sa mga opisyal ng unyon, pag-alis sa humigit-kumulang 600 empleyado at hindi pagtupad sa mga kondisyong nakasaad sa kanilang collective bargaining agreement.