Patuloy na operasyong militar sa Bulacan, kinondena
Lalong dumarami ang paglabag sa karapatang pantao ng 80th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Bagsakan farmers ng San Jose del Monte City, Bulacan kung saan apat na barangay ang sapilitang kinubkob simula Ago. 13.
Lalong dumarami ang paglabag sa karapatang pantao ng 80th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Bagsakan farmers ng San Jose del Monte City, Bulacan.
Kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang patuloy na paglabag ng militar sa mga karapatang pantao ng mga magsasaka sa nasabing lugar. Mga direktang supplier ng mga agrikultural na produkto sa Bagsakan farmers’ market ang karamihan sa mga organisasyong target ng operasyong militar.
Sa tala ng Artista ng Rebolusyong Pangkultura (Arpak), apat na barangay ang sapilitang kinubkob ng militar simula Ago. 13.
Noong Hun. 21, nagtayo ng kampo ng militar ang Brgy. Paradise 3. Nagsagawa rin sila ng mga terror-tagging “seminar” sa mga residente at opisyal ng barangay noong Hun. 24.
Noong Hun. 27 naman, pinasok ng militar ang komunidad ng mga magsasaka sa Baryo Bisaya, Brgy. Tungkong Mangga.
Tatlong buwan nang nagsasagawa ng operasyon ang militar laban sa komunidad ng mga magbubukid sa nasabing lokalidad. Mahigit 400 pamilya ang apektado sa kampanyang pananakot, pambubulabog, panre-red-tag, at pagbabanta ng aresto at karahasan.
Hinahamon ng KMP at Arpak ang pamahalaang lokal na depensahan ang komunidad matapos kilalanin ng alkalde ng lungsod ang bantang dala ng operasyong militar sa lugar.