Scope Out

Progresibong politika


Progresibong politika ang patuloy na isinusulong ng Makabayan Coalition sa mahabang panahon ng kanilang pagtindig para sa karapatan at kagalingan ng sambayanan.

Sa tuwing nakakapanood ako ng mga pagdinig sa Senado, pakiramdam ko’y para akong nanonood ng isang masalimuot na teleserye kung saan parang puro kontrabida ang mga karakter.

May mag-inang land grabber, may magkapatid na balimbing, may apat na action star, may anak ng action star, may berdugong feeling action star, may panginoong maylupang asawa ng socialite, may kaibigan ng dating naghahari-harian, may kapatid ng naghahari-harian, may negosyante, may anak ng pastor at marami pang iba na ‘di ko na babanggitin dahil masyadong hahaba.

Pero sa 23 na ito (hindi na sila 24 dahil naging miyembro na ng gabinete ang isa), nananatiling dominado ng mga lumang pangalan sa politika ang poder at kumpas. Nananatiling naisasantabi ang mas mahahalagang usapin ng mamamayan.

Ginagawang isang palabas (spectacle) ang mga pagdinig at imbestigasyon. Hindi ko minamaliit ang kapangyarihang ng lehislatura na mag-imbestiga upang makatulong sa paggawa ng batas. Mahalaga ito. Mahalagang malaman ng mga mambabatas ang kalagayan ng bansa sa pamamagitan ng mga imbestigasyon para makapagpasa ng kaukulang batas na lulutas sa mga suliraning iniimbestigahan.

Ang problema nga lang, bukod sa ginagawang entablado para magpasikat, nawawala rin ang atensiyon ng publiko sa mahahalagang usapin. Kapag kontrobersiyal ang paksa ng pagdinig o imbitadong resource person, tiyak na may malaking usapan at tututukan ng madla.

Pero kung sa panukala para sa kapakanan ng mga magbubukid para sa tunay na reporma sa lupa o ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod, halos hindi man lang naisasalang sa komite at asa na lang na makatuntong sa deliberasyon sa plenaryo.

Babalik tayo sa nauna kong sinabi: Nananatiling naisasantabi ang mas mahahalagang usapin ng mamamayan.

Ano-ano ba ang mga usaping ito na dapat mas pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas?

Maliban sa tunay na reporma sa lupa para sa mga magbubukid at nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa, maraming nakabinbing panukala at reporma sa parehong kapulungan ng Kongreso na hindi naisasalang sa talakayan dahil ayaw itong talakayin ng mga kasapi.

Bakit nga naman ipapasa ng mga panginoong maylupa ang tunay na reporma sa lupa? Bakit nga naman ipapasa ng mga burgesya komprador ang nakabubuhay na sahod para sa manggagawa? ‘Di ba kabawasan iyon sa kanilang kayamanan?

Sa ganitong kalagayan, mas kailangan ng taumbayan ang mga mambabatas na magsusulong ng mga reporma’t solusyon sa kanilang mga pang-araw-araw na suliranin sa kawalan ng lupa, kakulangan sa pagkain, disempleyo at mababang sahod, mataas na bayarin, paglabag sa mga karapatan at marami pa.

Kailangan ng sambayanang Pilipino ng mga mambabatas na kakatawan sa kanilang tunay na interes para matugunan ang kahirapang dinaranas, lalo na ‘yong mga salat sa buhay, upang matulungan silang maiangat ang kanilang kabuhayan at kalidad ng buhay at protektahan ang kanilang mga karapatan laban sa abuso.

Hindi ito mangyayari kung patuloy na hindi pinapansin ang mga karaingan ng mas maraming mamamayan. Hindi ito makakamit kung mananatili ang kasalukuyang kaayusang nagsisilbi lang sa interes ng iilan.

Sa paghahanda sa halalan, maraming pangalan na ang unti-unting lumilitaw. Pero tunay ba nilang dadalhin ang tinig ng karaniwang mamamayan?

Progresibong politika ang patuloy na isinusulong ng Makabayan Coalition sa mahabang panahon ng kanilang pagtindig para sa karapatan at kagalingan ng sambayanan.

Matatag ang kanilang naging paninidigan sa loob ng Kamara at maging sa parlamento ng lansangan.

Sa panahon ng rehimeng Marcos Jr. na pansariling interes at pagpapabango sa pangalan ng angkan ang inaatupag, mahalagang mayroong matatapang na boses na magdadala sa interes ng taumbayan sa parehong kapulungan ng lehislatura.

Matapang at mapanghas na hakbang ang kapasyahan ng Makabayan na magpatakbo ng isang buong slate sa Senado para salungatin ang reaksiyonaryong politika at ibudyong ang mga isyu ng mamamayan para sa tunay reporma’t pagbabago.

May mga agam-agam man sa kakayahang maglunsad ng kampanya, hindi maikakaila na malapit sa mga batayang sektor ang iba’t ibang organisasyong nakalubog sa maraming komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa. Susi ang pagkilos ng mga komunidad para ikampanya ang mga progresibong kandidato sa Senado.

Samahan natin sila sa kanilang pagsuong sa mga laban sa politika. Tiyak ang tagumpay sa mahigpit na pagkakapit-bisig ng mamamayan para sa pagbabago at mas magandang bukas.