Abot-kayang panghanda sa oras ng sakuna
Isa ang pagkakaroon ng emergency kit sa mga paraan para mas handa ang bawat tahanan tuwing sunod-sunod ang mga bagyo.
Nakahanda na ba ang iyong pamilya sa panahon ng bagyo sa bansa?
Isa ang pagkakaroon ng emergency kit sa mga paraan para mas handa ang bawat tahanan tuwing sunod-sunod ang mga bagyo. Hindi naman kailangang mamahalin ang laman nito at sa katunayan, kayang-kaya mo itong gawin sa bahay. Sa pagtipon ng mga karaniwang gamit, makagagawa ka ng sarili mong “bagyo bag” na swak sa iyong bulsa.
Para sa gagamiting bag, maaaring gamitin ang kahit anong malaking bag na meron ka. Mas mainam na waterproof ito para hindi mabasa sa kung sakaling may baha. Kung wala namang waterproof bag, ibalot ang karaniwang bag sa malaking supot ng plastik.
Narito ang ilan sa mga bagay na dapat isama sa iyong bagyo bag.
1. Malinis na tubig
Ika nga, kayang mabuhay ng tao nang ilang araw nang walang pagkain pero hindi nito kayang magtagal nang hindi umiinom ng tubig. Gumamit ng mga malalaking sikero o tumbler para mag-impok ng tubig. O kaya naman, gamitin ang mga 1.5 litro na bote ng softdrinks. Siguraduhin lang na malinis ang mga ito bago lagyan ng tubig.
Kung itatabi ang bagyo bag at hindi agad magagamit, siguruhing regular na napapalitan ang tubig at nalilinis ang lagayan.
2. Pagkain
Hangga’t maaari, hindi dapat mabilis ma-expire o mapanis ang mga pagkaing ilalagay sa loob gaya ng mga delata at biskuwit. Mas mabuti rin na maglagay ng mga kendi dahil nakadaragdag ito ng enerhiya sa katawan sa panahon na kapos ang pagkain.
3. First-aid kit
Hindi naman kailangang gumastos nang sobra sa pagbubuo ng isang first-aid kit. Puwedeng maglagay ng kahit alin sa mga sumusunod: bulak, benda, gasa, face mask, alcohol, sanitary napkin, tissue at mga kailangang gamot.
4. Flashlight at mga baterya
Maghanda ng flashlight para makita pa rin ang iyong kapaligiran kahit sumapit ang gabi. Samahan ito ng mga sobrang baterya para masiguradong magagamit ang flashlight nang mas matagal.
Kung mayroon, samahan ito ng power bank para patuloy pa rin na magamit ang mga cellphone kahit walang kuryente. Mainam ring magbaon ng debateryang radyo para mahagilap ang mga anunsyo at balita tungkol sa bagyo.
5. Mahahalagang dokumento
Napakahalaga ring ligtas sa ulan ang iyong birth certificate, marriage contract, titulo ng bahay, at iba pang mahahalagang dokumento. Ilagay ito sa isang sobre na yari sa plastic o kahit anong waterproof na lagayan. Puwede itong selyohan ng tape para siguradong hindi ito papasukan ng tubig.
Bukod sa mga nabanggit na gamit, puwede ring magsama ng pito o silbato na mahalaga sa paghingi ng saklolo, at mga sobrang supot na maaaring gamitin sa iba’t ibang paraan kung kinakailangan.
Kapag nabuo na ang iyong bagyo bag, ilagay ito sa isang tuyong lugar na madaling makikita ng buong mag-anak para lagi itong handang kunin sa oras ng sakuna. Ugaliin din na palitan ang mga gamit sa loob kung kinakailangan.
Nawa’y maging patunay ang bagyo bag na hindi kailangang gumastos nang malaki para maging handa sa panahon ng sakuna.