Checkpoint ng pulisya sa UPLB, kinondena


Ayon sa ulat ng Defend Southern Tagalog at Anakbayan UP Los Baños, nagdulot ng takot sa mga estudyante ang pagtatanong ng mga pulis kung may kilala silang kabilang sa mga organisasyon itinuturing na “anti-government.”

Pangamba at takot ang dala ng itinayong checkpoint ng mga pulis sa Agapita Road na malapit sa University of the Philippines (UP) Los Baños sa Laguna nitong Ago. 28-29 dahil sa pagtatanong ang mga pulis sa mga mag-aaral kung may kilala silang mga estudyanteng kabilang sa mga organisasyong tinagurian nilang “anti-government,” batay sa ulat ng Defend Southern Tagalog.

Ayon sa Anakbayan UP Los Baños, hindi bababa sa limang pulis na may dalang malalakas na kalibre ng baril at nagtatangkang magsagawa ng profiling ng mga estudyante. 

“Nagdudulot ito ng banta sa pangunahing karapatan ng kalayaan sa pagpapahayag ng opinyon na siyang mahalaga sa demokratikong lipunan,” sabi ng Defend Southern Tagalog.

Kamakailan lang, pinangunahan ni Sen. Bato Dela Rosa ang isang terror-tagging hearing sa Senado laban sa mga progresibong grupo at pagkilos ng mga indibidwal at kabataan nitong Ago. 6.

Dagdag pa rito ang pangamba sa Declaration of Cooperation sa pagitan ng UP at Armed Forces of the Philippines na maaaring gamitin para supilin ang mga demokratikong karapatan ng mga guro’t estudyante sa nasabing pamantasan.