‘Pospo-room’ para sa nabasang posporo


Karaniwang nakalagay ang posporo sa isang kahon na gawa sa karton. Subalit kapag nabasa ang lalagyan, mabilis itong masira at lumambot, pati na ang kiskisan ng posporo.

Sa loob ng maraming taon, naging mahalagang bagay sa mga kabahayan ang posporo. Hanggang ngayon, nananatili itong isang tradisyonal at patuloy na ginagamit lalo na sa kanayunan para sa pagsisindi ng kalan, kandila at iba pang pangangailangan sa bahay.

Bagaman mas madaling gamitin ang lighter at iba pang modernong kagamitan, nananatiling mas praktikal at abot-kaya ang posporo dahil kaya nitong magtagal nang ilang linggo o buwan, depende sa paggamit kumpara sa mga lighter na mas mahal at madaling maubos. 

Karaniwan itong nakalagay sa isang kahon na gawa sa karton. Subalit kapag nabasa ang lalagyan, mabilis itong masira at lumambot, pati na ang kiskisan ng posporo. Sa ganitong sitwasyon, hirap nang sumindi pa at hindi na magagamit ang kahon ng posporo, kaya kinakailangang itong palitan.

Maaaring solusyonan ang simpleng problemang ito sa pamamagitan paggawa ng bagong lalagyan mula recycled na lumang toothpick bottle sa halip na karaniwang karton. 

Mga kagamitan

  • Double-sided tape
  • Ignition strip o kiskisan ng posporo (mula sa lumang kahon ng posporo)
  • Martilyo
  • Pako
  • Lalagyan ng toothpick na may takip

Mga hakbang sa paggawa

Una, palakihin ang mga butas ng lalagyan ng toothpick hanggang sa magkasya ang sukat ng mga posporo gamit ang pako at martilyo. 

Pangalawa, gupitin ang ignition strip mula sa mga nagamit na kahon ng posporo.

Pangatlo, isaayos at ihugis ang mga piraso ng ginupit na ignition strip base sa laki ng takip ng toothpick bottle at idikit ito sa ilalim ng takip ng lalagyan gamit ang double-sided tape.

Panghuli, punuin ang mga posporo sa bagong lalagyan o “pospo-room”

At ayan na! Maaari mo na itong subukan at kahit aksidente pang malaglag sa tubig o mabasa, tiyak na hindi maapektuhan ang loob nito. Tinawag ang produkto na “pospo-room” dahil ang bote nagsisilbing “silid” para sa mga posporo. 

Sa pamamagitan nito, bukod sa nasolusyunan ang simpleng problema, hindi mo namamalayan na nakatipid ka na rin kaysa sa paulit-ulit na pagbili sa kapag hindi na magamit ang nabasang posporo.

Higit sa lahat, nakatulong ka pa sa kalikasan dahil bukod sa refillable ito, puro recycled materials ang ginamit. Hindi lang ito isang praktikal na solusyon, kundi nagsisilbing simbolo ng pagiging mapanlikha at responsable.