Ang Palagiang Pagtuklas sa Sarili sa ‘Taong Dagat’ ni Jon Cuyson


Nagiging mapanghikayat na espasyo ang dagat para sa prosesong ito dahil sa angkin nitong lawak at lalim.

“In danger? What kind of danger?” 

“In danger of finding himself.”

Sa loob ng La Feria—ang pinakakilala sa mga daungan ng Brest, at ang pinakamarumi sa lahat ng bahay-aliwan, makikita ang landian nina Madame Lysian at Robert sa pagitan ng pagbabalasa ng tarot. Pag-uusapan ng dalawa si Querelle, ang marinong kapatid ng huli, at ang panganib na nagbabadya sa kanya ayon sa mga baraha.

Sa eksenang ito sinimulan ni Rainer Weiner Fassbender ang pelikulang “Querelle”—halaw sa nobelang “Querelle de Brest” ni Jean Genet—na sinundan ang lumpenikong protagonist at anti-hero na marino sa kanyang paglalakbay sa madidilim na sulok ng moralidad, at ang pagsisid sa pinakaibuturan ng pagiging tao (o ng pagiging lalaki?), upang matuklasan ang sarili. 

Kawangis nito ang udyok sa paglikha ni Jon Cuyson sa short film na “Wet Dreams” sa pusod ng exhibit na ‘Taong Dagat’ sa Vargas Museum: ang paglalakbay/pagsisid/pagtuklas.

Kaiba sa nagdedeliryong kulay ng mise-en-scène sa likha ni Fassbender, ang black-and-white na pelikula ni Cuyson ay gumamit lang sa lawas ng dagat at baybay, upang ikuwento ang ispekulatibong paglalayag ni Kerel, ang Pilipinong queer na mandaragat, sa iba’t ibang lundo ng kasaysayan at alaala.

Ang dagat at baybay, kapwa sa pelikula at sa kabuuang exhibit, ay ang materyal at imahinaryong espasyong pinili ni Cuyson para galugarin ng kanyang kagila-gilalas na mandaragat. Ang pamamangka sa pagitan ng dalawang ito, ng tambisan ng imahen ng dalawang espasyong tigil at kumikilos, kasabay ng pag-ugong ng musika ng tubig at gitara na pumupuno sa kalawan ng dialogue, ay ang pamamaraang ginamit niya upang bumulwak ang tensiyon sa loob ng pelikula. 

Susi sa paglikha ng tensiyong ito ang paggamit ni Cuyson sa mga arkibong video ng mga naunang madaragat na Pilipino. Itinuturo ng bahaging ito ang kakayahan ni Kerel na maglakbay sa iba’t ibang panahon at hinihiwatig ang malalim at malawak na kasaysayan ng arkipelago: ang buhay ng mga mamamayan nitong kapwa nakipagsagwan sa lumanay, at humamak sa rahas ng mga alon.

Nilalantad nito ang lantay na politikal na bahagi ng pelikula sa pagpapakita sa mga clip ng tumitinding tensiyon sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at mga Chinese Coast Guard na nangyari sa West Philippine Sea nito lamang Hulyo 2024.

Ang dagat, sa lundong ito ng montage, ay hindi na ang dagat na nagtulay sa Austronesyano upang magkalat ng binhi sa buong Pasipiko, kundi teritoryong puno ng mga imahinaryong hangganan—binabantayan, pinaghaharian, inaaari.

Sa madaling-sabi, mapanganib ang dagat, hindi lang dahil mahirap basahin ang mga signos ng natural nitong galaw, kundi dahil inangkin na ito, sa takbo ng kasaysayan, bilang pribadong pag-aari. Nakalilitong isiping sentral sa prosesong ito ang lugar ng lalaki, ng maskulinidad na may kakayahang makihamok sa lakas ng silig.

UP Vargas Museum/Facebook

Naalala ko ngayon ang sariling lola na ipinanganak sa isang pamilya ng mga mangingisda sa baybayin ng Surigao del Sur ngunit hindi nasubukang maglayag sa dagat dahil sa posisyong itinakda sa kanya bilang babae. Nang tumanda’y humarap siya sa kabilang direksyon ng baybay at tinawid ang kabundukan patungong Agusan upang mamuhay malayo sa dagat. 

Para sa lipunan, ang paglalakbay/pagsisid/pagtuklas sa pusod ng dagat ay para lang sa lalaki. May pangahas kung gayon sa bahagi ni Cuyson sa pagpili niya sa isang queer na indibidwal bilang pangunahing tauhan sa naratibong kanyang nilikha.

Umuusbong ang tulak na ito sa binabanggit ng queer scholar na si Kale Bantigue Fajardo (Filipino Crosscurrents, 2011) na complexity, fluidity at contradiction ng mga maritime na maskulinidad sa panahon ng transnasyonal na migrasyon at neoliberal na globalisasyon. Binanggit dito ni Fajardo ang karanasan ng mga tomboy na Pilipinong seafarer na inilarawan niya bilang porma ng transgenderism at kung gayo’y manipestasyon ng isang queer na maskulinidad. 

Sa ganang ito’y nanghahalina ang ilang mga tanong: una, naging sapat ba ang pag-usisa ng pelikula ni Cuyson sa lugar ng queer na katawan sa espasyo ng maskulinidad (ang mapanganib na dagat) gayong kapansin-pansing kaiba sa pelikula ni Fassbender ay hindi lantad ang pagbali nito sa heteronormatibong nasa, at hindi rin lantad ang mga buhay na naratibong queer dito tulad ng binabanggit ni Fajardo? At, ikalawa, may pahiwatig ba sa buong exhibit (ng mensahe ng queer na danas) hinggil sa ibang tipo ng pagbali na taliwas sa lohika ng normatibo at/o kumokontra sa agos ng namamayaning kaayusan? Kung bubuorin, saang (mga) direksyon sumasagwan ang Taong Dagat? 

Sa “SOS Movement #4” at “SOS Movement #17”, nakahilera ang mga mga found objects tulad ng water container, bote ng suka, lalagyan ng lubricant at mga resin sculpture na animo’y mga patay na sangang inanod sa tubig.

Sa “Untitled Sailor #19 black and gray”, ang mga telang sadyang hinugis na mga malalambot na kadena ay nakalutang kasama ng mga plastik na supot, helmet, good morning towel, at iba pang bagay na nagbibigay-bigat, nag-aangkla, sa isang barkong ‘di maaninag mula sa ilalim. Sadya mang manipis ang mga sculpture at installation piece na nakapaligid sa “Wet Dreams” upang makapagbigay ng mga depinitibong sagot sa aking mga tanong, ang malabong mukha ng abstraksiyon at minimalismo ay tila mga bula sa tubig na laksang salaming dumadaplis sa ulirat.

Itinuturo ng kalabuang ito ang sinasabi ng geographer na si Germinidas Lesutis (Queering as (un)knowing, 2023) ukol sa queering bilang epistemolohikal na proseso ng pag-alam ngunit ‘di ganap na pag-alam.

Sa kaso ng exhibit, ito ang palagiang pagtuklas sa sarili, at sa mundo. Nagiging mapanghikayat na espasyo ang dagat para sa prosesong ito dahil sa angkin nitong lawak at lalim. May laksang posibilidad na binubuksan ang materyal at imahinaryong espasyo ng dagat para sa sinumang magnais/magnasang maglakbay dito tulad ni Kerel.

Sa naratibo ni Cuyson, ang dagat ay ‘di lamang ang guwang na nilalayag kundi maging ang destinasyon, ang metapora para sa mundo ng sariling patuloy na tinutuklas. Ito marahil ang kaluwagang ibig ipahiwatig ni Cuyson na sumasalunga sa rahas ng normatibong paglalakbay. 

Sa arawang pakikinig ng balita sa telebisyon at internet, lagi kong naririnig ang pagpihit ng hangin sa mga ‘di inaasahang direksiyon, ang paghambalos ng walang-kasing lakas na mga alon. Oo, mapanganib ang dagat—’di ko mawaglit sa isip habang tinitignan ang “Untitled Fictional Feelings #44”, sculptural piece ng mga resin na sanga, helmet at gloves na inayos upang magmukhang mga buto ng tao.

Ngunit alam kong mas marahas ito sa kanilang mga hindi nagdududa, ‘di tumutingin sa malabong mukha ng tubig. Paalala ni Cuyson: puno ang pusod ng dagat ng mga kalansay ng mga mandaragat—silang mga pirmi ang pagkakakilanlan sa sarili, ganap na nakikita ang mga imahinaryong hangganan ng pag-aari, naglalakbay nang sarado sa posibilidad ng pagbabago.