Brodkaster, patay sa pamamaril sa Zamboanga
Nasawi sa pamamaril ang brodkaster at mamamahayag na si Maria Vilma Lozano Rodriguez sa Comet St., Brgy. Tumaga, Zamboanga City, pasado alas-otso ng Okt. 22. Kinondena naman ng grupo ng midya ang pamamaslang.

Nasawi sa pamamaril ang brodkaster at mamamahayag na si Maria Vilma Lozano Rodriguez sa Comet St., Brgy. Tumaga, Zamboanga City, pasado alas-otso ng Okt. 22.
Ayon sa inilabas na ulat ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) at ng Police Regional Office 9, tatlong beses binaril ng suspek na nakasakay sa motorsiklo si Rodriguez habang nakaupo ito sa labas ng kanyang tahanan kasama ang kanyang pamilya.
Nagtamo si Rodriguez ng tatlong tama ng baril sa tiyan at isinugod sa Zamboanga City Medical Center kung saan idineklara siyang patay, 9:37 ng gabi.
Nagtrabaho si Rodriguez, 56, ina ng limang anak na may edad na 32, 29, 25, 22 at 17, bilang radio program anchor ng Barangay Action Center ng 105.9 EMedia Production Network.
Ikinuwento ni Rey Bayoging, isa sa mga executive ng EMedia, na mabuting lider at kalihim ng barangay sa Tumaga si Rodriguez. Dahil sa kaalaman niya sa mga isyu sa barangay, binigyan siya ng programa tungkol dito.
Ibinahagi rin Bayoging na nalaman niya sa isa sa mga anak ni Rodriguez na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang kanyang ina at ang isang miyembro ng kanilang pamilya. Dinala ang alitan sa barangay hall para ayusin.
“Ipinaalam ni Vilma sa kanyang mga anak na nakakatanggap siya ng pagbabanta sa buhay niya, pero hindi niya kami sinabihan tungkol dito,” dagdag ni Bayoging sa wikang Ingles.
Kinondena naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Zamboanga City Chapter ang pagpatay kay Rodriguez.
Ayon sa NUJP Zamboanga, ipinapakita nito kung gaano katapang ang mga salarin na kahit mga babaeng mamamahayag, hindi pinapalampas.
“Kinokondena namin ang atakeng ito. Hinihimok namin ang lokal na pulisya na imbestigahan nang mas malalim, ibunyag ang salarin at ang utak ng krimen. Hindi namin kailangan ng isa pang hindi malutas-lutas na kaso na maaaring mauwi bilang dagdag lang sa lumalaking bilang ng mga biktima ng pagpatay,” pahayag ng NUJP Zamboanga sa wikang Ingles.
Samantala, itinanggi ng pulisya na konektado ang pagpatay kay Rodriguez sa kanyang trabaho bilang brodkaster.
Si Rodriguez ang pangalawang babaeng mamamahayag na pinatay sa Zamboanga at panglima sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.
Pinatay noong Dis. 30, 1992 si Gloria Martin, kilala bilang “Golondrina” ng DXXX Basilan ayon sa NUJP Zamboanga.
Kasunod ng inilabas na pahayag ng ZCPO na natukoy na nito ang mga person of interest sa pagpatay kay Rodriguez, 1:15 ng madaling araw ng Okt. 23, naaresto na ang suspek.
Tinangging pangalanan ni Zamboanga City Police Director Col. Kimberly Molitas ang suspek dahil nasa ilalim pa ng imbestigasyon ang krimen.