Gustavo Gutierrez, Ama ng Teolohiyang Mapagpalaya, pumanaw na


Namatay sa sakit na pneumonia ang Perubyanong Dominikanong pari at tinaguriang “Ama ng Teolohiyang Mapagpalaya” na si Fr. Gustavo Gutierrez sa edad na 96 nitong Okt. 22 sa Lima, Peru.

Namatay sa sakit na pneumonia ang Perubyanong pilosopo, teologo, Dominikanong pari at tinaguriang “Ama ng Teolohiyang Mapagpalaya” na si Fr. Gustavo Gutierrez sa edad na 96 nitong Okt. 22 sa isang kumbento sa Lima, Peru.

Pinagsasanib ng kanyang teolohiyang mapagpalaya o liberation theology ang Kristiyanong teolohiya at teorya ni Karl Marx upang bigyang pansin ang panlipunang malasakit sa mga mahihirap (preferential option for the poor) at ang pampolitikang pagpapalaya sa mga aping mamamayan ng Latin America.

Naging susing iskolar si Gutierrez kasama ang iba pang teologo na si Leonardo Boff ng Brazil at mga Heswitang paring sina Fr. Juan Luis Segundo ng El Salvador at Fr. Jon Sobrino ng Uruguay para isulong ang teolohiyang mapagpalaya sa Simbahang Katoliko sa Latin America.

Ang pagdalumat niya sa relihiyon, karalitaan at pananamantala ang naging daan upang magkaroon ng higit na pag-unawa sa kalagayan ng mamamayan doon na lugmok sa kahirapan at inhustisya at kung ano ang papel ng pananampalataya sa radikal na pagbabago ng kanilang kalagayan at ng lipunan.

Sa kanyang aklat na “A Theology of Liberation” na naging mahalagang batayan ng kanyang mga aral, sinulat ni Gutierrez na “kamatayan ang karalitaan: kawalan ng pagkain at pabahay, kawalang kakayahan na punan ang mga pangangailangan sa kalusugan at edukasyon, pananamantala sa mga manggagawa, permanenteng disempleyo, kawalang respeto sa dignidad ng tao, at mga ‘di makatarungang limitasyon sa personal na kalayaan sa mga larangan ng pagpapahayag ng sarili, politika at relihiyon.”

Nanindigan si Gutierrez sa kanyang mga aral sa kabila ng pagtutol dito ng mga konserbatibong lider ng Simbahang Katoliko, kabilang sina Pope John Paul II at Pope Benedict XVI.

Bagaman hindi pa rin lubusang tinatanggap ng Vatican ang mga aral ni Gutierrez sa teolohiyang mapagpalaya, lumalaganap pa rin ang impluwensiya nito sa mga Kristiyanong pamayanan sa Asya at Africa.

Isang mahahalagang ambag ng teolohiyang mapagpalaya ang pagkakaroon ng mga basic ecclesial community na nagsimula sa Latin America at naging laganap sa daigdig matapos ang Vatican II kung saan nanawagan ang Simbahang Katoliko na maging aktibong kabahagi ang mga layko sa gawain para sa pagtutulungan at pagkakaisa ng mga pamayanang Kristiyano.

Sa Pilipinas, naging mahalagang batayan ang mga sulatin ni Gutierrez para isakonteksto at ilapat sa bansa ang teolohiyang mapagpalaya. Tinawag itong teolohiya ng pakikibaka o theology of struggle ng mga Katoliko at Protestanteng kasapi ng Christians for National Liberation noong panahon ng diktadurang Marcos Sr.