Lider-magsasaka, hinainan ng bench warrant na may maling pangalan
Sa kabila ng pagbibigay-diin ng mga residente, hindi ipinakita ng mga pulis ang iba pang dokumento na kasama ng bench warrant. Sa halip, nagpumilit ang mga pulis na makausap si Jerie Luna.
Bitbit ang isang bench warrant of arrest na nakapangalan sa isang Christine Tibayan, tatlong miyembro ng pulisya ang sumugod sa barangay hall ng Brgy. Tartaria, Silang, Cavite upang hanapin si Jerie Luna, pangulo ng Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (Samata), nitong Okt. 18.
Kinondena ng mga residente ang nasabing warrant. Anila, imposibleng mabigyan ng bench warrant si Luna dahil kumpleto ang pagdalo niya sa mga pagdinig sa korte sa mga gawa-gawang kasong isinampa laban sa kanya.
Nagsampa ang isang Ronelo Hiyama ng Jarton Security Agency ng kasong slight physical injury kay Luna kasama ang anim pang residente ng Lupang Tartaria noong Hunyo 28.
Sa kabila ng pagbibigay-diin ng mga residente, hindi ipinakita ng mga pulis ang iba pang dokumento na kasama ng bench warrant. Sa halip, nagpumilit ang mga pulis na makausap si Luna.
Isang uri ng warrant of arrest ang bench warrant na inilalabas ng korte upang arestuhin ang isang taong nilabag ang mga alituntunin ng korte tulad ng hindi pagsipot sa mga nakatakdang pagdinig.
Naalarma ang mga mamamayan ng Tartaria matapos ang insidente. Patuloy umano ang pandarahas ng mga pulis at goons ng mga Aguinaldo at Ayala na umaangkin sa kanilang lupang sakahan sa gitna ng paggunita sa Buwan ng mga Magbubukid ngayong Oktubre.
Pinuntahan at kinumbinsi rin ng mga pulis ang isa pang residente na sumama upang ‘di umano’y maturuan magpiyansa sa hindi rin malamang dahilan.
Ayon naman sa mga residente, walang katotohanan ang kasong isinampa kina Luna at iba pang magsasaka dahil dalawa sa limang pangalan ay hindi umano matatagpuan sa Lupang Tartaria.
Kinasuhan na rin ng theft at coercion ng Jarton Security Agency si Luna at 40 hanggang 50 iba pang residente sa Lupang Tartaria noong Mayo 30. Nakasaad sa gawa-gawang kaso na nagnanakaw ng mga kagamitang pambakod at nananakit ng mga nagbabakod sina Luna at mga kapwa residente.