Pag-aresto sa 29 Mangyan-Iraya, kinondena
Kabilang ang 17 matatanda at 12 menor de edad sa dinakip ng pinagsanib na puwersa ng mga Philippine National Police at pribadong tauhan ng Hacienda Almeda sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Kinondena ng Kalipunan ng Katutubong Mamamamayan ng Pilipinas (Katribu) ang ilegal na pag-aresto sa 29 na katutubong Mangyan-Iraya na residente ng Hacienda Almeda sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Okt.18.
Kabilang ang 17 matatanda at 12 menor de edad sa dinakip ng pinagsanib na puwersa ng mga Philippine National Police (PNP) at pribadong tauhan ng Hacienda Almeda.
Hindi pa rin nakokontak ang mga inaresto na ikinakabahala ng kanilang kapamilyang nag-aalala sa kaligtasan nila.
Ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), malamang na kinumpiska ang kanilang mga telepono sa presinto kung saan sila dinala.
“Ito ay isang hayagang paglabag sa mga karapatan ng mga katutubo. Nanananawagan kami ng agarang akses para sa kanilang mga pamilya, paraglegal at abogado upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kalayaan,” ani Beverly Longid, national convenor ng Katribu.
Bahagi ng 31 na ektaryang ancestral land ng mga Iraya ang Hacienda Almeda na inagaw sa kanila sa pamamagitan ng panggigipit, militarisasyon at panloloko gamit ang mga armadong goon at ahente ng estado.
Pinuna rin ng Kasama-TK ang pakikipagsabwatan ng mga Almeda sa lokal na pamahalaan at sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
“Sa halip na maglingkod sa mga Mangyan, tila nakikipagsabwatan pa sila sa mga hadlang at mabagal na proseso ng pag-validate ng ancestral land, kasabay pa ng pagtakas sa kanila ng legal assistant ng NCIP,” sabi ng grupo.
Matagal nang tinatakot ang mga Mangyan-Iraya sa kanilang mga lupain na mayaman sa mineral at dati nang pinagiinteresan ng Mindex Crew Minerals at Agusan Pertoleum and Mineral Corp.
Nananawagan ang Katribu sa Commision on Human Rights na imbestigahan ang mga paglabag na ito at tiyakin ang agarang pagpapalaya ng mga Mangyan-Iraya.
Hinihimok din nila ang mamamayang Pilipino na makiisa sa laban ng mga katutubo para sa hustisya at karapatan sa lupa.