Pagkaing abot-kaya sa Sta. Mesa
Tara na’t tuklasin at huwag palampasin ang pagkakataon na subukan ang mga paboritong kainan ng masa sa Sta. Mesa!
Masiglang lugar ang Sta. Mesa, Manila na puno ng mga estudyante, kabataan at residente. Sa bawat kanto, hindi lang kuwentuhan ang iyong masasagap kundi pati ang halimuyak ng mga malinamnam at abot-kayang kainan.
Kaya kung usapang tipid pero sulit ang iyong hanap, narito ang mga putaheng masarap ngunit hindi masakit sa bulsa sa Sta. Mesa!
Big Daddy’s Cup
Isa sa mga hindi dapat palampasin ang Big Daddy’s Cup kung ika’y mapapadaan sa V. Mapa Station ng LRT-2. Sikat ito sa kanilang cheezy na mga putahe, lalo na ang cheezy chicken na may kasamang kanin na nagkakahalaga lang ng P49. Kung nais mo namang tikman ang pinasarap na paborito ng lahat na silog meals, nagkakahalaga lang ito ng P55 hanggang P129. Sakto itong almusal o pananghalian para sa mga nagmamadali at gustong mabusog nang hindi gumagastos nang malaki.
Sizzling House
Sa Teresa Street matatagpuan ang patok na Sizzling House na kilala sa abot-kayang sizzling plates. Sa halagang P55, matitikman mo na ang masarap at nakakabusog na chicken at pork sisig. Meron din silang silog meals na nagkakahalaga ng P55 hanggang P70. Siguradong hindi ka mabibigo dahil ang bawat hain ay puno, malasa at mainit-init pa. Kaya hindi nakapagtataka kung ito’y pinipilahan ng mga estudyante at residente dahil tiyak na tipid na, sulit pa!
Prince Buffalo
Kung mahilig ka naman sa chicken wings, tiyak magugustuhan mo ang Prince Buffalo sa Valencia Street. Sa murang halaga na P72, mapapawi na ang iyong pananabik sa chicken wings, tenders at buffalo na maraming pagpipilian na timpla. Meron din silang ibang putahe gaya ng chicken burger, cheesy bacon steak, pork ala king, at marami pang iba na nagkakahalaga ng P82 hanggang P120.
At kung gusto mo ng malamig na pantanggal uhaw, mayron silang milk tea sa halagang P34 at P44. Tamang-tama ito sa mga kabataan na gustong magsalo-salo o bigyan ng simpleng gantimpala ang sarili.
Street Food
Hindi kumpleto ang food trip sa Sta. Mesa kung hindi mo susubukan ang street food! Sa Pureza Street matatagpuan ang iba’t ibang mga meryenda tulad ng fish ball, kikiam, kwek-kwek, tokwa, lumpiang toge at manggang hilaw na siguradong papawi ng iyong gutom. Sa halagang P5 hanggang P25 kada-stick, talagang sulit na sulit. Dagdag pa rito ang shawarma na buy 1, take 1 sa halagang P80. Ito ang mga meryendang paborito ng karamihan na masarap at pasok sa badyet.
Hindi mo na kailangan gumastos nang malaki para masiyahan sa masasarap na pagkain. Mula sa cheesy chicken, sizzling plates, chicken wings, hanggang sa street food, tiyak na may makikita kang swak sa iyong panlasa at bulsa.
Tara na’t tuklasin at huwag palampasin ang pagkakataon na subukan ang mga paboritong kainan ng masa sa Sta. Mesa!