Panggigipit sa magsasaka ng Luisita, kinastigo


Gabi ng Okt. 19, apat na armadong lalaki na pinaniniwalaang kabilang sa Philippine Army ang pumasok sa bakuran ni Francisco Dizon, chairperson ng Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita, sa Brgy. Mapalacsiao, Tarlac City.

Mariing kinondena ng human rights watchdog na Karapatan ang kamakailang panggigipit sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita sa Tarlac

Gabi ng Okt. 19, apat na armadong lalaki na pinaniniwalaang kabilang sa 3rd Mechanized Infantry Battalion ng Philippine Army, ang pumasok sa bakuran ni Francisco Dizon, chairperson ng Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita (Ambala), sa Brgy. Mapalacsiao, Tarlac City.

Pinilit umano nilang sumama si Dizon, ngunit dahil sa pagtanggi nito at sa tulong ng mga kasamahan sa Ambala at mga opisyal ng barangay, naiwasan ang posibleng pagdukot o ilegal na pag-aresto.

Bukod dito, hinarang din ng Philippine National Police (PNP)-Tarlac at mga sundalo mula sa 31st Mechanized Infantry Company ang isang van ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita na patungo sa isang protesta upang gunitain ang National Peasant Month sa Maynila. May mga ulat din ng paniniktik at panggigipit sa mga lider ng Ambala upang pigilan sila sa pagsali sa mga protesta.

Pinaalala rin ng Karapatan ang krimen ng estado sa Hacienda Luisita Massacre na nangyari noong Nob. 16, 2004. Pito ang patay at higit 100 ang sugatan matapos buwagin at pagbabarilin ng mga sundalo ang welga ng mga manggagawang bukid. Hanggang ngayon, patuloy umanong nakikibaka ang mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa lupa.

Giit nila na itigil na ng Armed Forces of the Philippines at PNP ang pananakot at irespeto ang kalayaan ng mga magsasaka na mag-organisa para sa kanilang mga karapatan. Dapat umanong igalang at ipagtanggol ang mga magsasaka na patuloy na nagtatanim at naninindigan para sa lupaing kanilang pinangangalagaan.

Mariing sinusuportahan ng Karapatan ang laban ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita para sa katarungan at tunay na reporma sa lupa.