Ang Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre
Sa matinding pagnanais na makawala sa mapanupil na piyudal na sistema, nakatawag ng pansin sa mga manggagawang Ruso ang binuong partidong Bolshevik ni Vladimir Lenin.
Kaisa ang mga miyembro ng partidong Bolshevik, pinangunahan ni Vladimir Lenin ang Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre na nagmarka ng pagtatapos ng dinastiyang Romanov at sa gobyernong probisyonal, noong Oktubre 24-25, 1917 (Nobyembre 6-7, 1917 sa kalendaryong Gregorian) sa Petrograd (St. Petersburg), Russia.
Nakaugat sa ideolohiya ng Marxismo-Leninismo ang October Revolution, isang rebolusyon na naglayong magtatag ng isang sosyalistang estado at patalsikin ang gobyernong probisyonal.
Sa katunayan, pangalawa ang October Revolution sa rebolusyon sa Russia noong 1917. Bago ito, unang sumiklab ang February Revolution (Marso sa bagong istilo) na pinangunahan ng Petrograd Soviet at nagpababa sa trono kay Czar Nicholas II, bahagi ng monarkiyang naghari sa nasabing bansa ng mahigit tatlong siglo.
Pinalitan ng republika ang awtokrasiyang Tsar matapos itong malupig ng konseho ng Petrograd Soviet. Bagaman napalitan ng republikang pamahalaan, hindi pa rin dito nagwakas ang paghihirap ng mga mamamayang Ruso dahil ang bagong republika’y nasa ilalim naman ng pamumuno ng mga burgesya.
Karamihan ng mga Ruso’y mga magsasaka at manggagawang pang-industriya. Kaya naman sinalungat nila ang bagong gobyerno na pinamumunuan ng mga burgesya—umaasang magkakaroon ng mga reporma na magpapabuti sa kanilang kalagayan, tulad ng pag-aari ng lupa ng mga magsasaka at mas magandang kondisyon sa paggawa.
Gayunpaman, mas nakatuon sa pagpapanatili ng kapangyarihan ng bagong gobyerno at interes ng mga nakakaangat sa lipunan kaysa sa pagtugon sa mga kahingian at pangangailangan ng masang Ruso.
Kagaya na lang ng serfdom, kung saan ang mga magsasaka ay walang karapatan sa kanilang lupa. Kahit na natapos ang serfdom noong 1861, marami sa mga magsasaka ang nanatiling walang lupa at patuloy na namuhay sa kahirapan, kaya ganoon na lang kasidhi ang hangarin nila sa reporma sa lupa.
Sa matinding pagnanais na makawala sa mapanupil na piyudal na sistema, nakatawag ng pansin sa mga manggagawang Ruso ang binuong partidong Bolshevik ni Lenin. Ninais niyang gabayan ng partido ang uring manggagawa sa landas ng rebolusyon.
Sa pangunguna ni Lenin, inukopa ng mga Bolshevik at ng kanilang mga kaalyado ang ilang mahahalagang gusali ng pamahalaan.
Sinakop ng Bolshevik Red Guards sa ilalim ng Military Revolutionary Committee ang mga gusali ng gobyerno noong Oktubre 24, 1917. Kinabukasan, nasakop ang Winter Palace.
Isinagawa rin ang Constituent Assembly noong Nobyembre 12, 1917, isang pulong na upang gumawa ng isang bagong konstitusyon para sa Russia matapos ang pagbagsak ng awtokrasiyang Tsar.
Sa kabila ng pagiging minorya, ang mga Bolshevik ay nakakuha ng 175 na puwesto, habang ang Socialist Revolutionary Party ay nakakuha ng mayorya na may 370 puwesto.
Sa unang araw ng sesyon, tinanggihan ng Assembly ang mga dekrito ng Bolshevik ukol sa kapayapaan at lupa, na nagresulta sa pagpapawalang-bisa nito ng Kongreso ng mga Soviet kinabukasan.
Matapos ito ay binuo ng Kongreso ang Konseho ng mga Komisyonado ng Bayan, na pinangunahan ni Lenin.
Nagsimula ng isang serye ng mga radikal na reporma, kabilang ang pamamahagi ng lupa, nasyonalisasyon ng mga industriya, at pagpapakilala ng mas maiikli at mas madaling araw ng trabaho ang bagong gobyernong ito.
Nagpasiklab ng isang digmaang sibil ang tagumpay ng mga Bolshevik habang sinubukan ng mga anti-Bolshevik na puwersa na patalsikin ang bagong rehimen. Tumagal ang labanan mula 1918 hanggang 1922 na humubog sa hinaharap ng Russia at ng Soviet Union.