Bagong Pilipinas, baon pa rin sa utang  


Habang hindi maramdaman ng manggagawang si Julie Gutierrez ang positibong epekto ng pag-utang, damang-dama naman ang pait ng buhay lalo kapag kinakapos ng panustos dahil sa liit ng sahod at taas ng presyo ng mga bilihin.

Alam mo bang humigit kumulang P132,441 ang pinapasan na utang ng kada Pilipino?

Ito ay batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Bureau of the Treasury (BTr) sa pagtatapos ng Setyembre 2024 kung saan papalo na ng P15.893 trilyon ang kabuuang utang ng bansa. 

Sa taunang ulat ng World Bank (WB), dagdag na $2.35 bilyon ang inutang ng bansa para lang sa taong 2024. Sa ikalawang taon, pasok na naman ang Pilipinas sa top 5 borrowers (o mangungutang) sa International Bank for Reconstruction and Development (IBRD).

Para umano sa disaster risk management, digital transformation, infrastructure for safer and resilient schools at sustainable recovery ang mga bagong policy loan, pero saan nga ba napupunta ang bilyon-bilyong utang ng bansa? Napapakinabangan ba ito ng mamamayan?

Tinatayang lolobo pa ang utang ng bansa sa mga susunod na taon. Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, inaasahang aabot ang utang ng Pilipinas tungong P20 trilyong sa pagtatapos ng termino ni Ferdinand Marcos Jr. Ngunit “manageable” o kaya pang pakitunguhan ito ng bansa.

Sa kabila ng pampalubag-loob ng mga burukratang “huwag mangamba,” ibang klaseng kaba ang nararamdaman ng mga manggagawa sa patuloy na paglaki ng utang ng bansa dahil ang buwis na mula sa kanilang pagpapagal ang pagkukunan ng bayad, habang ibinababa ang buwis ng mga mayayaman at mga korporasyon. 

Sa pagpapaliwanag ni Ibon Foundation executive director Sonny Africa, normal para sa isang bansa ang umutang lalo na kung para ito sa mga proyektong may pakinabang sa ekonomiya at buhay ng mamamayan.

“Puwedeng ihalintulad sa pagnenegosyo, kung mangungutang ka para mas malaki ang ma-invest para palaguin. O kaya naman sa isang pamilya na mangungutang para punuan ang kakulangan ng badyet para sa edukasyon ng mga anak o para magpagamot,” ani Africa.

Ngunit sa kabila nito, ayon kay Africa, hindi puwedeng basta-basta lang umutang ang bansa. Dapat masusi nitong isaalang-alang ano ang kapalit ng pag-utang, sino ang makikinabang sa utang at sino ang papasan ng pagbabayad sa utang.

“Nagsimula ang pangungutang ng Pilipinas sa World Bank noong Nobyembre 1957, halagang $21 milyon para sa Binga Hydroelectric Project sa Agno River, Benguet. Pero, ang malakihang pangungutang ay nagsimula noong dekada 1970s sa panahon ng diktadurang Marcos Sr. Umabot na sa mahigit $30 bilyon ang naging utang ng bansa para umano sa lagpas 300 proyekto, pero nanatiling atrasado pa rin ang ating ekonomiya,” pagbabaybay ni Africa. 

Ang kasinungalingan ng pamilya Marcos hinggil sa “golden age” umano sa ilalim ng diktadura, ngunit sa katunaya’y golden age ng pangungutang.

“Ang kapalit nito ay mga kondisyon ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon. Nagresulta ito sa higit na kahirapan ng karaniwang mamamayan dahil pinabagsak ang halaga ng piso, nagkaroon ng walang kapantay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at pagbabawas ng gastos sa social services o pagpapatupad ng mga austerity measures. Bumagsak din ang agrikultura at industriya dahil sa lubhang pagbubukas ng ekonomiya sa dayuhan,” dagdag na paliwanag ni Africa.

 Idiniin ni Africa na hindi normal na ang mga pautang ay nauuwi sa kakayahan ng mga pampinansyang institusyon na impluwensiyahan ang ating mga patakaran sa ekonomiya at kahit sa politika

Dagdag pa nito, ang ganitong kalakarang ipinagpapatuloy ng WB at International Monetary Fund ay naging epektibong paraan para patuloy na bansutin ang pag-unlad ng mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas.

Tulad ng kanyang ama, parehong inilulubog ng rehimeng Marcos Jr. ang Pilipinas sa mga utang na nagsisilbi hindi na lang sa interes sa kapital ng imperyalismong United States, kung hindi pati sa kanilang heopolitikal na agenda.

“US ang pinaka makapangyarihang gobyerno sa World Bank at ginagamit niya ito bilang instrumento ng kaniyang foreign policy sa buong mundo. Sinisigurado niya palagi na meron siyang direkta at ‘di direktang pakinabang sa mga pautang ng institusyon.” paliwanag ni Africa.

Ayon kay Africa, kapag inaral ang datos na inilabas ng WB, ang top 5 sa listahan ay mga bansang ginagamit ng US sa pagpigil sa impluwensya ng Russia at China.

Dagdag pa, ang mga proyektong pinondohan ng mga utang mula sa WB ay bahagi ng mga prayoridad ng US Department of Commerce para sa export at investment.

Hindi malayo na mga kompanyang Amerikano din ang kikita at makikinabang sa mga pautang na ito bilang mga supplier o contractor ng teknolohiya, kagamitan, at serbisyo. 

Para kay Julie Gutierrez, isang manggagawa at tagapagsalita ng Kilos Na Manggagawa, malayo sa kamalayan ng ordinaryong manggagawa ang tungkol sa utang ng bansa.

“Alam n’yo po, kung hindi po ako dumanas ng matinding kahirapan at naorganisa, wala naman po siguro akong pakialam na kalkalin pa ang utang ng bansa. Hindi naman po mataas ang aking pinag-aralan para agad na malaman saan ba ginagamit ang utang, at kung anu-ano pang sinasabi ng gobyerno. Ang rumerehistro na lang po sa amin, napakalaki na pala ng nauutang pero bakit wala kaming nakikita na kahit papaano ay kaginhawaan para sa manggagawang laylayan? Saan po ba talaga ‘yan napupunta?” pagtataka ni Julie.

“Sa pangungutang ng bansa, simula’t simula, ang daming nasasayang, hindi ko lubos na nauunawaan saan dinadala, bakit kapag nagbi-birthday ang pangulo, ang garbo, saan galing ang pera? Kagaya ni Sara Duterte, ang laki ng pera ng kanyang opisina na hindi malinaw saan napupunta. Para sa akin, sa kanila lang napupunta ang mga pautang, hindi sa [maralita],” dagdag pa niya. 

Habang hindi maramdaman ni Julie ang positibong epekto ng pag-utang, damang-dama naman ang pait ng buhay lalo kapag kinakapos ng panustos dahil sa liit ng sahod at taas ng presyo ng mga bilihin.

“Hindi pa ako nakakapangibang-bansa, nakarating na ako ng London—loan doon, loan dito,” pabirong pagbabahagi ni Julie. 

“Hindi s’ya magandang gawi para sa amin pero minsan wala na talagang ibang iisugan. Minsan talaga, hindi pa kami sumasahod, nautang na namin ‘yong sasahurin namin. Kaya pagdating ng araw ng sahod, dadaan na lang sya, matitirhan ulit, pamasahe sa pang-araw-araw,” dagdag niya.

Sa hanay ng manggagawa, damang-dama ang dausdos na kalagayan ng ekonomiya ayon kay Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis. Silang manggagawa ang pumapasan sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, kawalan ng mga serbisyong panlipunan, habang laganap ang kawalan ng trabaho at barat na sahod. 

“Despite sa araw-araw na pagbabanat ng buto, patuloy ang pagmamatigas ni BBM na tugunan ang aming kahilingan na itaas ang sahod sa antas na nakakabuhay [na halagang P1,200],” wika ni Adonis. 

“Nariyan din ang usapin sa patuloy na pag-violate sa aming right to organization, nagpapatuloy ng red-tagging, pagpatay sa mga labor organizers. Ngayon, nasa pito na ang talang napatay, habang may 29 pang nakakulong at kumakaharap sa iba’t ibang trumped-up charges. Sa ilalim ni [Marcos Jr.], bagong modus ngayon ay abduction, umaabot na ng 15 ang biktima ng abduction at anim dito ay mula sa hanay ng mga manggagawa,” dagdag pa niya.

Sa harap ng matinding kahirapan na pinagdadaanan ng mga manggagawa, malaking banta din umano para sa kanila ang patuloy na paglobo ng utang ng bansa, lalo pa’t ang taumbayan din ang papasan sa pagbabayad ng mga utang na ito. 

“Nakakalula ang laki ng ng utang. Nakaka-worry dahil wala kaming tiwala sa rehimeng US-Marcos Jr. na pakikinabangan ng mamamayan ang mga pautang na ‘yan, tapos ordinaryong manggagawa din ang magbabayad,” ani Adonis. 

Hindi rin aniya malabo na magpataw ang gobyerno ng mga bagong buwis sa mamamayan para pasanin ang utang at magresulta sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Sa pananaw ni Julie, makatuwiran at hindi kalabisan na hingin sa gobyerno ang mas malaking agapay para sa kanilang mga manggagawa, ang kanilang kapakanan ang dapat prayoridad din ng estado.

“Hindi naman po kami umaasang bibigyan, alam naman po namin na ‘di kami bibigyan nang libre ng gobyerno. Ang sa amin lang po, maglaan man lang ng pondo para kahit papaano, sa laki ng inuutang nila, may mapunta man lang po o masabing may napupunta naman po sa manggagawa o kaya naman sa mga manggagawang talagang nangangailangan,” mungkahi niya.

Tingin naman ni Adonis, dapat araling mabuti ang mga pautang na pinapasok ng ating gobyerno at tiyakin na ang mga ito’y magbibigay ginhawa at hindi kahirapan sa mamamayang Pilipino.

“Isa sa nagiging prayoridad ng taunang badyet ng gobyerno ang pagbabayad-utang. Imbis na palakihin ang pondo para dito, dapat unahin ang paglalaan ng mas malaking pondo para sa pagtataas ng [buwanang suweldo] ng mga kawani tungong P33,000, pagbibigay ng serbisyong sosyal sa aming mga manggagawa, suporta sa mga magsasaka, pagbibigay ng ayuda bilang agarang tulong sa mga nasalanta at kompensasyon sa mga biktima ng kapabayaan ng estado, at iba pang demokratikong karapatan ng mamamayan,” dagdag ni Adonis. 

Ayon kay Africa, ang pagiging “manageable” ng utang ay nakadepende sa kakayahan ng isang bansang magbayad nang hindi isinasakripisyo ang ekonomiya at kapakanan ng mamamayan.

Kung ang kapalit ng utang ay pagdurusa ng mga serbisyong panlipunan o kaya nama’y pagpapasan ng bigat sa karaniwang Pilipino sa pamamagitan ng mga buwis, hindi masasabing “manageable” ang utang ng bansa. Lalo pang hindi makatuwiran kung ang mga inutang ay napupunta lang sa bulsa ng mga burukrata.

Para sa kanya, kung mayroong unang puwedeng gawin ang estado para bawasan ang pangangailangan sa pag-utang, ito ang pag-aayos ng sistema ng pagbubuwis. Hindi lang pagsasaayos ng sistema ng paniningil, kung hindi ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga pinakamayayaman at malalaking korporasyon sa bansa.

“Kailangan patawan ng buwis ang naipong yaman ng humigit-kumulang 3,000 bilyonaryo na may lagpas P8 trilyon yaman, kailangang itaas sa 35% ang corporate income tax sa mga malalaking kumpanya, kailangan dagdagan ng 20% ang personal income tax ng pinakamayamang 1% na pamilya at kailangan patawan ng 35% windfall tax ang paglaki ng halaga ng real estate dahil sa pagpagawa ng gobyerno ng kalsada, riles at iba pang transport infrastructure. Mahigit P700 bilyon kada taon ang puwedeng kitain sa ganitong paraan na walang anumang pabigat sa ordinaryong mamamayan,” paliwanag ni Africa.

Sa huli, hinihikayat ni Adonis ang mamamayang Pilipino na patuloy na palakasin ang sama-samang pagkilos para igiit ang ating mga karapatan mula sa gobyernong ito.

Ang lumalaking utang habang nananatiling lugmok ang kalagayan ng mamamayang Pilipino’y palatandaan lang ng isang atrasadong ekonomiya.

Para kay Adonis, ang pagkakaisa ng mamamayan at ang kanilang militanteng pagkilos para magtulak ng mga makabuluhang pagbabago sa loob at labas ng Kongreso ang mapagpasya para baguhin ang umiiral na sistema.