Gawa-gawang kaso vs Himamaylan 7, ibinasura
Sabi ng abogado ng Himamaylan 7 na si Rey Gorgonio, nawa’y magsilbing pananda ang desisyon ng korte sa kaso ng pito para matigil na ang paggamit sa sistemang pangkatarungan laban sa mga inosenteng sibilyan.
Pinawalang-sala ng korte sa Negros Occidental sina Pastor Jimie Teves ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) at anim na magsasaka sa mga gawa-gawang kasong murder at frustrated murder nitong Nob. 18.
Matapos ilabas ng korte ang desisyon, agad ding pinalaya sina Teves at mga kasamang sina Jodito Montesino, Jaypee Romano, Jasper Aguyong, Rogen Sabanal, Eliseo Andres at Rodrigo Medez na inaresto sa Brgy. Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Mayo 2019.
Nagmula ang patong-patong na kaso sa mga bintang ni Lt. Col. Egberto Dacoscos ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army na kasapi ang pito ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
“Isang malakas na pagkondena sa mga abuso ng mga yunit ng militar ang pagpapawalang-sala sa pitong indibidwal, kasama ang isang taong simbahan na walang pagod na nagtataguyod ng kapayapaan at katarungan,” pahayag sa wikang Ingles ni Rey Gorgonio, abogado ng tinaguriang Himamaylan 7.
Dagdag pa ni Gorgonio, nawa’y magsilbing pananda ang desisyon ng korte sa kaso ng pito para matigil na ang paggamit sa sistemang pangkatarungan laban sa mga inosenteng sibilyan.
Nagpahayag naman ang pamunuan ng UCCP na tagumpay ng katotohanan at katarungan ang pagbasura sa mga kasong walang matibay na ebidensiya at hindi dumaan sa maayos na proseso ng imbestigasyon.