Kamalayan sa abusong sekswal sa mga bata
Isa itong sensitibong paksa na madalas iniiwasan, ngunit kinakailangang pagtuunan ng pansin upang mas mapalakas ang kamalayan at aksiyon laban dito.
Sa pagdiriwang ng National Children’s Month, mahalagang bigyang-diin ang mga usapin ng pang-aabusong seksuwal na nararanasan ng mga bata.
Isa itong sensitibong paksa na madalas iniiwasan, ngunit kinakailangang pagtuunan ng pansin upang mas mapalakas ang kamalayan at aksiyon laban dito.
Mahalaga rin na malaman ang mga hakbang upang labanan ito at ang mga palatandaang dapat mapansin upang agad na mabigyan ng aksiyon at solusyon.
Warning signs ng abusong seksuwal
Para sa mga pisikal na senyales, ilan sa mga dapat pagtuunan ng pansin ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng mga hindi maipaliwanag na pasa, paso o marka, lalo na sa mga bahagi ng katawan na natatakpan ng damit.
- Pagkakaroon ng hindi karaniwang mga sakit sa katawan, tulad ng mga bali o pilay.
- Pagpapakita ng takot o pag-iwas sa pisikal na kontak.
- Biglaang pagkakaroon ng sexually transmitted infection (STI), iba pang kondisyon gaya ng urinary track infection (UTI) o pagbubuntis sa murang edad.
Bagaman maaaring hindi sintomas ng pang-aabuso ang mga ito, mahalaga pa rin ang pagiging mapanuri at maagap sa pagtingin sa mga palatandaan.
Para sa mga emosyonal na senyales, narito ang ilan na maaaring magpakita na nakaranas ng pang-aabuso ang isang bata:
- Maaaring makaranas ng labis na kawalang gana at kalungkutan ang isang bata. Kabilang sa pagpapakita nito ang pagiging tahimik o kawalang interes sa mga dating aktibidad na kinagigiliwan.
- Isa pang palatandaan ang labis na galit at takot ng isang bata. Maaaring dulot ito ng labis na pagkabahala sa kanilang kaligtasan.
- Madalas, nawawalan din ng tiwala sa sarili at sa iba. Epekto ito ng pag-aalinlangan sa kanilang sariling kakayahan na makipag-ugnayan sa ibang tao.
- Dinadala rin ng mga batang naabuso ang kahihiyan at pagkamuhi sa sarili. Maaaring pinaniniwalaan nila na may kasalanan sila sa nangyari na naging sanhi ng mas malalim na epekto sa kanilang kalagayang emosyonal.
Samantala, sa pagbabago naman sa ugali, mapapansin ang ilang senyales:
- Makikitaan sila ng sobrang pagtutok sa mga gawain. Madalas, inuubos nila ang oras sa gawain bilang pagtakas sa problema.
- May posibilidad ng pag-aabuso sa droga at alak. Ginagamit nila ito upang makalimot o makaiwas sa sakit na nararamdaman.
- Nagiging maiksi ang kanilang atensiyon at madaling ma-distract. Hirap silang magpokus sa mga simpleng gawain.
- Nagkakaroon sila ng mga gawi sa pagkain na nakakasama sa kalusugan. Maaaring labis ang pagkain o kaya naman ay hindi kumakain nang sapat.
Mga paraan upang maiwasan ang abusong seksuwal
Samantala, upang hindi na magpatuloy pa ang ganitong klaseng pang-aabuso, kinakailangan na gawin ang mga sumusunod:
- Alamin ang mga katotohanan upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata sa halip na magtiwala nang walang batayan.
- Iwasan ang mga pagkakataong maaaring makaranas ng pang-aabuso ang mga bata gaya na lang ng pag-iiwan sa mga ito na walang kasama.
- Maging bukas sa mga bata sa usapin ng katawan, seksuwalidad at personal na hangganan upang maunawaan ang limitasyon at kahalagahan ng kanilang kapakanan.
- Maging mapanuri sa mga senyales ng pang-aabuso upang protektahan ang mga bata sa karagdagang pinsala.
- Alamin kung paano tumugon nang tama at angkop sa mga kahina-hinalang kilos, ugali, o pagbubukas sa pang-aabusong nararanasan.
Hindi man nakagawian pag-usapan ang ganitong paksa, unti-unti nang binubuksan ang kamalayan dito upang matuldukan ang seksuwal na pang-aabuso sa mga bata, anuman ang kanilang kasarian.