Paano kumuha ng Postal ID?
Muling binuksan ng Philippine Postal Corporation ang aplikasyon at renewal para sa Postal ID noong Okt. 15, 2024. Alamin ang paraan ng aplikasyon,
Matapos ang mahigit isang taong pagkaantala, muling binuksan ng Philippine Postal Corporation (Phlpost) ang aplikasyon at renewal para sa Postal ID noong Okt. 15, 2024. May bisa ito ng tatlong taon para sa mga Pilipino at isang taon para sa mga dayuhan.
Gawa ito sa matibay na PVC at naglalaman ng biometric data na magagamit bilang isang opisyal na pagkakakilanlan sa mga transaksiyon sa mga tanggapan ng gobyerno, mga bangko at maging sa pagkuha ng passport.
Proseso sa aplikasyon ng Postal ID
- Ihanda ang mga kinakailangang dokumento, kasama ang isang kopya ng application form (maaaring makuha sa lokal na post office o i-download), orihinal at isang kopya ng patunay ng pagkakakilanlan at patunay ng address.
- Pumunta sa pinakamalapit na post office para ipasa ang mga dokumento at bayaran ang application fee na P550.
- Kapag naaprubahan ang mga dokumento, pumunta sa pinakamalapit na istasyon ng ID capture para sa digital na pagkuha ng retrato at fingerprint.
- Hintayin ang pagdating ng Postal ID sa address na iyong inilagay sa aplikasyon. Maaaring tumagal ito ng 10 hanggang 15 araw sa Metro Manila at apat hanngang limang linggo sa mga probinsya.
Proseso sa renewal ng Postal ID
- Magpasa ng isang kopya ng application form at lumang Postal ID sa pinakamalapit na post office. Magdala rin ng updated na patunay ng pagkakakilanlan at address kung may nagbago sa iyong impormasyon.
- Magbayad ng renewal fee na P550.
- Hintayin ang bagong ID sa address na iyong ibinigay.
Para sa listahan ng mga kinakailangang dokumento at istasyon ng ID capture, bisitahin ang Phlpost website o ang kanilang social media accounts.