Unyon ng Mark Eve’s Transit, nagwelga vs ‘di makatarungan gawi sa paggawa

,

Panawagan ng unyon sa pamunuan ng Mark Eve’s Transit na ibalik ang mga manggagawang tinanggal at igalang ang mga legal na tungkulin nito sa kanila.

Nagwelga ang Samahang Manggagawa ng Mark Eve’s Transit (SMMET) mula Nob. 5 laban sa hindi makatarungang pamamalakad ng kompanya tulad ng pagtanggi sa kolektibong pakikipagtawaran at pagtanggal sa mga manggagawang nag-organisa ng unyon.

Nagsimulang bumuo ng unyon ang 60 manggagawa ng kompanya ng bus noong Pebrero 2024 ngunit kamakailan lang kinilala ang SMMET bilang sole and exclusive bargaining agent.

Ayon kay Aniceto Ituriaga Jr., Region III IV-A, at V coordinator ng Federation of Free Workers (FFW), matagal nang hindi pinapakinggan ng pamunuan ang mga hinaing para sa kanilang mga karapatan, kabilang ang pagkakaroon ng makatarungang sahod at wastong oras ng trabaho.

Bumabiyahe ang mga drayber at konduktor ng bus nang mahigit 20 oras kada araw mula Cubao, Quezon City papuntang Matnog, Bulan, Sta. Magdalena, Pilar at Donsol sa Sorsogon at Tabaco City sa Albay, ngunit tumatanggap lang sila ng arawang sahod na P395.80.

Ayon kay Miguel Magdaong, pangalawang pangulo ng SMMET, dalawang cutoff ng sahod na ang hindi niya nakukuha sa kabila ng mahabang oras ng pagbiyahe na nagdudulot ng hindi makataong kondisyon sa paggawa tulad ng matinding pagod at puyat.

Dagdag ni Ituriaga, nagbigay sila ng mungkahi sa collective bargaining agreement noong Hunyo, ngunit wala na silang muling narinig sa pamunuan. Aniya, mukhang mahihirapan silang makipagsundo sa kompanya.

“Nagkita naman pero doon pa lang naramdaman na namin na medyo mahihirapan talaga [kami] dahil nagbigay sila ng ground rules, wala pang counter. Doon ay tinatali kami na kailangan naming pirmahan,” ani Ituriaga.

Nagpahayag naman ng pakikiisa si Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis na isa ring dating konduktor ng bus.

“Grabeng pagod ‘yan, hindi makatao. Nakikita ko na lang ang mga katrabaho kong nangingisay sa pagod. Dito pa lang, malaking paglabag na sa working hours at [overtime] pay ng mga manggagawa,” ani Adonis.

Panawagan ng unyon sa pamunuan ng Mark Eve’s Transit na ibalik ang mga manggagawang tinanggal at igalang ang mga legal na tungkulin nito sa kanila, kabilang ang kanilang karapatang mag-unyon, kolektibong pakikipagtawaran at makatarungang sahod.