10 isyung bayang hindi malilimutan sa 2024
Mula sa daan-daang istorya ng marginalized Pinoy na inilathala ng Pinoy Weekly sa 2024, narito ang 10 isyung bayan na hindi malilimutan at patuloy na haharapin ng mamamayan nang buong tapang sa 2025.
Patuloy na tinatabunan ang katotohanan at isinasantabi ang tunay na kalagayan ng sambayanang Pilipino ng rehimeng Marcos Jr. Sa kabila nito, hindi nangimi ang Pinoy Weekly at iba pang alternative media outfit na isiwalat at suriin ang mahahalagang isyung bayan. Matibay na pinanghawakan ng pahayagang ito ang boses at adhikain ng mga marhinadong sektor ng lipunan—manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, maralita, migrante at iba pa.
Mula sa daan-daang istoryang inilathala ng Pinoy Weekly sa 2024, narito ang 10 isyung bayan na hindi malilimutan:
Paglaban ng mga manggagawa ng Nexperia
Walang tigil ang mga atake sa mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. sa Laguna. Mula sa malawakang tanggalan noong nakaraang taon, nagpatuloy ang ilegal na tanggalan sa hanay ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) nitong Abril at Disyembre 2024. Sunod-sunod ang orkestrado’t desperadong aksiyon ng management para pahinain at buwagin ang unyon na nagsusulong ng mas mataas na dagdag-sahod, seguridad sa trabaho, at makatuwirang benepisyo sa gumugulong pa rin na negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA).
Pero sa gitna ng mga ito, ipinamalas ng NPIWU ang kanilang lakas at pagkakaisa sa sama-samang pagkilos sa loob at labas ng planta. Ipinanalo rin nila sa isang overwhelming majority ang kanilang strike voting nitong Dis. 21. Ngayon, naghahanda na ang unyon para mapagtagumpayan at maipagtanggol ang kanilang mga karapatan.
Mapanirang reklamasyon sa Manila Bay
Wala nang mahuli ang mga mangingisda sa palibot ng Manila Bay. Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), nagsimula ito noong nagsagawa ng reklamasyon at dredging sa isa sa mga pinakamalaking pangisdaan sa bansa. Lumala pa ito ngayong taon dahil sa tuluyang pagkawasak ng mga mangrove, coral reef at seagrass bed na nagsisilbing tirahan at breeding ground ng mga isda at lamang dagat.
Ilan sa malalaking proyektong isinasagawa sa Manila Bay ngayon ang P735 bilyon na New Manila International Airport ng San Miguel Corporation sa Bulacan na 2,500 ektarya ang lawak; P55.5 bilyon na Bacoor Reclamation and Development Project ng Frabelle Fishing Corporation at Diamond Reclamation and Development Project ng Diamond Export Corporation sa Cavite na 420 ektaryang pinagsamang lawak; at ang P34.4 bilyong Manila Waterfront City Project ng Waterfront Manila Premier Development Inc. sa Pasay City na 328 ektarya ang lawak.
Panununog sa mga maralitang komunidad
Malawakan ang panununog para lang mapalayas ang maralitang Pilipino. Sa unang kuwarto ng taon, tatlong sunog kaagad ang naitala sa Bacoor City, Cavite. Lahat ng ito ay pawang nasa tabing dagat at pinupuntirya para sa iba’t ibang proyekto, tulad ng reklamasyon sa Manila Bay at LRT-1 Cavite Extension Project.
Sa Tondo, Maynila naman, sunod-sunod ding nasunugan ang mga residente. Nitong Marso, natupok ng sunog ang ilang parte ng Aroma at Capulong Highway. Samantalang nitong Nobyembre, umabot sa ikatlong alarma ang sunog sa Isla Puting Bato na nagpalikas sa may 2,000 pamilya. May banta na ng demolisyon sa Aroma, Vitas, Happyland at iba pang bahagi ng Tondo noon pang 2017 para bigyang-daan ang umano’y mga proyektong pabahay ng National Housing Authority at ang twin project na NLEX-SLEX connector ng Department of Public Works and Highways at North-South Railway Project ng Philippine National Railways.
Tsuper at opereytor vs pekeng modernisasyon
Hindi napagod, bagkus buong sigla at tapang na pinagpatuloy ng mga tsuper at opereytor ng jeepney, kasama ang mga komyuter, ang laban para sa kanilang kabuhayan at karapatan. Sa unang buwan pa lang ng taon, sinubok kaagad sila ng matinding konsumisyon matapos magmatigas ang administrasyong Marcos Jr. na ituloy ang makadayuhan at makanegosyong modernisasyon sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (ngayo’y kilala rin bilang Public Transport Modernization Program).
Kahit pang nalantad sa mga pagdinig ng Kamara ang kapalpakan at korupsiyon ng mga ahensiyang nagpapatupad nito at ang panloloko at hiwalayan sa mga kooperatiba at kooperasyon, at matatagumpay na transport strike ng mga tsuper at opereytor, bingi at walang kongkretong aksiyon si Marcos Jr. Kinasuhan pa sina Makabayan Coalition senatorial candidates Mimi Doringo at Mody Floranda, at ang tatlo iba pang nanguna sa mga tigil-pasada para supilin ng mga lumalaban sa hungkag na modernisasyon.
Kapabayaan ng gobyerno sa gitna ng mga kalamidad
Lalong lumitaw ngayong taon ang kriminal na kapabayaan, kainutilan at katiwalian ng gobyernong Marcos Jr. Imbis na solusyunan nito ang bilyon-bilyong pisong pinsala dulot ng “Super El Niño” sa unang bahagi ng 2024, mas pinagtutuunan nito ng pansin ang pagraratsada sa Charter change. Sa ubod ng kapabayaan ng administrasyon, dumating na ang panahon ng tag-ulan hindi pa rin nabibigyan ng nararapat na ayuda at subsidyo ang mga magsasaka.
Sinisi pa ni Marcos Jr. ang taumbayan nang bahain ang maraming parte ng bansa dahil sa habagat at Bagyong Carina, gayong kakatapos lang niyang ipagmalaki ang 5,500 flood control projects sa kanyang ikatlong State of the Nation Address. Hanggang sa katapusan ng taon, kompensasyon pa rin ang panawagan ng mga magbubukid dahil wala pa ring tugon ang gobyerno sa kabila ng magkakasunod na hagupit ng mga bagyong Kristine, Leon, Marse, Nica, Ofel at Pepito.
Epekto ng Balikatan, EDCA at interbensiyong US
Wala pa ring pakinabang sa sambayanang Pilipino ang Enhanced D.efense Cooperation Agreement (EDCA) makalipas ang isang dekada. Sa halip, mas nalantad ang panganib na dulot nito at ng idinadaos na Balikatan Exercises sa mga komunidad.
Ngayong taon, tumindi ang girian sa pagitan ng Pilipinas at China sa usapin ng West Philippine Sea bunsod ng karagdagang mga bagong EDCA site at mga kasunduaan sa pagitan ng Pilipinas at United States (US), pati na ang paglaan ng daang milyong dolyar na pondo sa pagsasaayos ng mga base militar.
Malaon nang nagbabala ang mga eksperto’t progresibo na ang nagpapatuloy at tumitinding presensiya at interbensiyon ng US sa Pilipinas ang magtutulalak sa higit na kapahamakan.
Sunod-sunod na pagdukot, pag-aresto sa mga aktibista
Kahindik-hindik ang mga kaso ng pagdukot at pag-aresto sa hanay ng mga lumalabang Pilipino.
Ilan sa mga ito ang pagdukot sa dalawang tanggol-kalikasan at manggagawang simbahan na sina Francisco “Eco” Dangla III at Axielle “Jak” Tiong nitong Marso 24 sa Pangasinan; batikang lider-manggagawa na si William Lariosa nitong Abril 10 sa Bukidnon; tanggol-kalikasan na si Rowena “Owen” Dasig nitong Ago. 22 sa Quezon; dating labor organizer at nakababatang kapatid ng isang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant na si James Jazmines nitong Ago. 23 sa Albay; eco waste management advocate Felix Salaveria Jr. nitong Ago. 28 sa Albay; at dalawang kabataang aktibista na sina Andy Magno at Vladimir Maro nitong Set. 11 sa Isabela. Hanggang ngayon, hindi pa rin inililitaw sina Lariosa, Jazmines, Salaveria Jr., Magno at Maro.
Bukod dito, inaresto rin ngayong taon ang mga unyonista, magsasaka, katutubo, kabataan, tanggol-karapatan, artista at mga peace consultant ng National Democrtic Front of the Philippines.
Lumalalang terror-tagging sa NGOs
Umabot na sa 69 indibidwal at 29 na mga non-government organization (NGO) ang ginipit at pinaratangan ng mga gawa-gawang kasong kaugnay ng terorismo sa kasalukuyang rehimen, ayon kay Jazmin Jerusalem ng Leyte Center for Development. Ginagamit aniya ng gobyerno ang Anti-Terrorism Act at ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act laban sa mga manggagawang pangkaunlaran.
Bukod sa banta na nga sa seguridad at buhay, nagreresulta ang paratang na “terrorism financing” sa pag-freeze ng Anti-Money Laundering Council sa mga personal na bank account ng manggagawang pangkaunlaran, gayundin ng mga bank account ng kanilang organisasyon at malalapit na kaanak. Ito ang dahilan para malimitahan at maantala ang kanilang pagseserbisyo sa mamamayan.
Panunupil sa mga katutubo para sa “kaunlaran”
Sinasaula ang mga katutubo sa Sierra Madre sa Rizal at Quezon, Itogon sa Benguet at iba pang parte sa Kordilyera, at Tampakan sa South Cotabato. Nagpapatuloy ang mga mapanirang aktibidad sa Kaliwa Dam na nakakaapekto sa pamumuhay at kabuhayan ng katutubong Dumagat-Remontado.
Minamanipula naman ng National Commission on Indigenous Peoples ang mga katutubong Igorot para sa maipatupad ang ekspansiyon ng minahan sa Sitio Dalicno, Brgy. Ampucao sa Itogon, Benguet. Samantalang agresibong tinutulak din ang nasa 99 hydropower project sa Kordilyera na pinangangambahang wawasak sa kalikasan, panirahan at kabuhayan ng mga katutubo sa rehiyon. Ilegal na pinalawig din ang open-pit mining sa bayan ng Tampakan kahit napaso na ang kasunduan nito na inaasahang lalong sisira sa likas-yaman sa lugar, partikular ang Marbel-Buluan watershed.
Maliban dito, nagsagawa rin ng aerial strike ang 91st Infantry Battalion ng Philippine Army sa mga nayon ng lalawigan ng Aurora, ang ng Philippine Air Force sa Cagayan, Apayao, Kalinga at Abra, at marami pang lugar.
Ligalig dulot ng operasyong militar
Matinding takot ang hatid ng walang humpay na focused military operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa New People’s Army. Sa mga lumabas na ulat, lantaran at walang pinipili ang pambobomba ng militar sa kabahayan at taniman ng mga sibilyan. Bakas sa mukha ng mga residente at magsasaka ang panghihinayang sa paglikas at ang trauma sa karahasan ng kanilang paligid. Hindi nila tiyak kung may mababalikan pa sila matapos ang putukan.
Sa Mindoro, napilitang lumikas ang maraming komunidad dahil sa sunod-sunod na aerial bombing ngayong taon. Sabi ni Defend Southern Tagalog spokesperson Charm Maranan, parte ng mas malawak na kampanyang naglalayon na patahimikin ang mga katutubo, magsasaka at kabataan ang mga operasyong militar sa probinsiya. Sa Sitio Mansulao, Pinapugasan, Escalante City sa Negros Occidental at kalapit nitong mga barangay, napilitan ding iwan ng libo-libong residente ang kanilang kabahayan at kabuhayan dahil sa takot sa airstrike ng Philippine Army.
Ayon sa International Humanitarian Law at Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law, labag sa karapatan ng mamamayan ang naturang klase ng operasyong militar.