10 trending at viral sa social media sa 2024
Sangkaterba ang content na nakita natin sa social media ngayong taon. Tinipon ng Pinoy Weekly ang ilang content at istoryang bumihag ng atensiyon at pinag-usapan ng mga netizen at social media user sa Pilipinas sa 2024.
Hindi mabibilang sa isang kamay—o kahit pa sa ilang libo—ang dami ng natutunghayang content sa social media sa araw-araw. Bilang pagbabalik-tanaw, narito ang ilan sa mga bumihag ng atensiyon at pinag-usapan ng mga netizen at social media user sa Pilipinas sa 2024.
“Esophagus, Esophagus” ni Kween Yasmin
Sinalubong agad ng good vibes ang simula ng 2024 dahil kay Yasmin Marie Asistido o mas kilala bilang Kween Yasmin at sa kanyang impromptu spoken poetry na pinamagatang “Esophagus, Esophagus.” Marami ang naaliw at natuwa sa kanyang estilo ng paghabi ng mga linya na sinamahan pa ng kakaibang pagbigkas ng mga salita.
Ilang linggo itong nag-trending sa social media at nagbunga pa ng iba’t ibang bersiyon. May mga netizen na ginawa itong background music sa kanilang mga sayaw habang may mga naglapat ng tono para gawing itong kanta.
Nakilala si Kween Yasmin bilang isang internet personality na gumagawa ng mga kinaaaliwang song cover. Madalas din gamitin ang kanyang mga larawan sa mga meme kaya lalo siyang sumikat sa social media.
“Selos” ni Shaira at isyu sa copyright
Tampok sa mga sayawan at kasiyahan ang kantang “Selos” ni Bangsamoro singer Shaira Abdullah Alimudin mula noong Marso. Marami ang na-LSS (last song syndrome) dahil sa liriko at dahil pamilyar ang tunog. Sa TikTok, isa ito sa mga lokal na tugtuging napagmulan ng mga dance craze.
Pansamantala namang tinanggal ang kanta sa mga streaming platform dahil sa isyu ng copyright infringement. Ginamit kasi ni Shaira at ng kanyang record label na AHS Channel ang melodya ng kantang “Trouble is a Friend” ni Australian singer-songwriter Lenka Kripac. Ibinalik din naman ito agad sa mga streaming platforms matapos magkasundo ng dalawang kampo.
Alice Guo: Lumaki po ako sa farm
Nagmistulang sirkus ang sunod-sunod na pagdinig sa Senado tungkol sa suspendidong alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo. Lumutang ang mga kaduda-dudang testimonya mula kay Guo tungkol sa kanyang buhay sa Pilipinas.
Nang tanungin siya ni Sen. Risa Hontiveros tungkol sa nagsasalungat na mga detalye sa katauhan ng kanyang ina, tumatak ang linya niyang “lumaki po ako sa farm.”
Nagdulot lang ito ng mas maraming pagdududa tungkol sa kanyang pagkakakilanlan, lalo na sa gitna ng mga alegasyon ng pagkakadawit niya sa mga ilegal na gawain tulad ng human trafficking at money laundering.
Shiminet
Pinagkatuwaang pagkakasabi ng “she may not” na linya ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte sa pagdinig ng House of Representatives tungkol sa paggasta ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, partikular ang P125 milyon noong 2022.
Nang sabihan ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas na nasa interes ng publiko kung paano ginamit ang kaban ng bayan, sinabi ni Duterte na, “She may not like my answer, she may not like how I answer, she may not like the content of my answer, but I am answering.”
Sa halip na magbigay ng malinaw na sagot, idinaan lang ni Duterte sa mga patutsada ang pagsagot, tulad ng kanyang ama na si dating Pangulo Rodrigo Duterte na puro mura at pagbabanta ang bukambibig
Basaan sa San Juan, nauwi sa bastusan
Umani ng batikos at samu’t saring kritisismo ang nangyaring selebrasyon ng Wattah Wattah Festival o kilala rin bilang Basaan Festival sa San Juan City na ginaganap noong Hun. 24.
Marami ang nagreklamo na perwisyo umano ang selebrasyon sa mga dumadaan sa lugar. May mga kumalat na video sa social media kung saan puwersahang binasa ng mga residente ang mga dumadaan: may nagbukas ng pinto ng sasakyan; mayroong sumampa sa harapan ng isang jeep para mapahinto ito. Nag-viral din ang video ng isang lalaki na binasa ang isang rider gamit ang water gun habang nakadila na animo’y nang-aasar pa.
Mayroon ding inaresto dahil gumamit ito ng muriatic acid sa pambabasa bilang paghihiganti raw sa pagkabasa niya noon.
Humingi naman ng paumanhin si Mayor Francis Zamora sa mga naperhuwisyo ng nasabing selebrasyon at hinikayat ang mga naabala na pormal na magreklamo upang mapanagot ang mga may sala.
P64 per day challenge
Umani ng panunuya at galit ang pahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong Ago. 14, 2024 tungkol sa badyet ng mailalaan sa pagkain araw-araw. Ayon sa ahensiya, sa halagang P64 para sa isang buong araw, maituturing na hindi food poor ang isang indibidwal.
Ayon kay Sonny Africa ng think-tank firm Ibon Foundation, hindi ito makatotohanan dahil nakasandig ito sa pinakamababang presyo sa merkado na hindi makikita sa normal na mga tindahan at ibang sari-sari store. Hindi rin nito maibibigay ang sapat na nutrisyon na kailangan ng pangangatawan.
Ang mga tao naman sa social media, sumabak sa P64 a day challenge gamit ang kapiranggot na mga rekados. Hinamon rin nila ang mga opisyal ng gobyerno, partikular ang NEDA, na subukan rin ito sa araw-araw.
Double gold ni Carlos Yulo sa 2024 Paris Olympics
Naglipana ang mga post ng #PinoyPride at napuno ng kasiyahan ang mga kalsada nang mag-uwi ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics si Carlos Edriel Yulo, ang natatanging double Olympic gold medalist sa bansa.
Dinomina ng 24 anyos na atleta mula Maynila ang Floor Exercise at Vault, na siyang pinagmulan ng kanyang dalawang ginto. Gaya ng pagkapanalo ni weightlifter Hidilyn Diaz ng gold medal noong 2020 Tokyo Olympics, bumuhos din ang mga pagkilala at gantimpalang ibinigay ng iba’t ibang mga kompanya at personalidad.
Bukod sa makasaysayang tagpo, pinagmulan rin ng debate online ang relasyon ni Yulo sa kanyang pamilya, at ang relasyon ng kanyang pamilya sa kanyang nobya na si Chloe San Jose.
Maris Racal at Anthony Jennings
Kamakailan lang, nabulabog ang internet sa rebelasyon na isiniwalat ni Jam Villanueva, ang dating nobya ng artistang si Anthony Jennings. Ayon kay Jam Villanueva, naging ugat ng kanilang hiwalayan ang naging turingan ni Jennings at ng artistang si Maris Racal.
Naglabas ng opisyal na pahayag ang parehong kampo: humingi ng tawad si Racal habang iginigiit na biktima rin siya; si Jennings, humingi ng tawad sa isang pahayag na hindi umabot ng isang minuto.
Sa social media, may mga nagpaalala na dapat mas maigi ang paniningil ng mga Pilipino ng kasagutan sa mga opisyal ng gobyerno kaysa sa mga personalidad sa showbiz.
IShowSpeed sa Pinas
Setyembre nang bumisita ang banyagang content creator na si Darren Jason Watkins o mas kilala bilang “IShowSpeed” sa Pilipinas. Sa loob ng tatlong oras na livestream, nakihalubilo siya sa mga Pilipino, sumakay ng motor, at naglibot-libot sa mga kalye ng Maynila.
Habang sumusubok ng iba’t ibang pagkaing Pinoy, pabirong humirit ng “meow meow” ang mga Pilipino dahil kumakain si IShowSpeed ng siopao. Nilinaw naman ng nagtitinda simula pa lang na baboy ang laman nito.
Sa kabila ng tuwang hatid nito, nagkaroon din ng kritisismo dahil sa lumitaw na rasismo ng mga Pilipino, partikular sa mga African-American dahil nakita at narinig sa livestream nito ang pagtawag kay IShowspeed ng salitang posible lang gamitin ng mga Aprikano sa kanilang hanay. Maraming black Filipino-Americans ang nagbigay ng pahayag ukol sa nangyari.
Nadine Lustre gambling promotion
Bagaman hindi na bago sa mga artista ang pagiging endorser ng iba’t ibang produkto at serbisyo, kasama na ang sugal, marami ang nagulat nang magpost si Nadine Lustre sa kanyang Facebook account ng promosyon para sa isang malaking online casino.
May mga nagtanggol kay Nadine na sinabing tao lang din ang artista at hindi dapat umano niya pinapasan ang mga pansariling pananaw ng mga tao. Bukod pa dito, anila, hindi lang siya ang tanging artista na kasalukuyang endorser ng online gambling.
May mga nagsabi naman hindi tama ang mag-promote ng sugal lalo na sa gaya ni Nadine na maraming umiidolo at sumusuporta na kabataan dahil sa kanyang talento at mga adbokasiya.
Anuman ang posisyon sa isyu, kapansin-pansin ang pagdami ng mga online ad sa gambling sa Pilipinas na pinuna na rin ng mga social media user.
Tulad ng maraming matutunghayan online—nagdadala man ng galit o kasiyahan—may sinasabi ito tungkol sa kalagayan ng bansa. Sa 2025 kaya, ano ang bagong mga pagmumulan ng talakayan?