ICC: Arestuhin sina Natenyahu, Gallant, atbp.


Hindi anti-semitismo, kundi pagprotekta sa mamamayang Palestino laban sa henosidyo ng Zionistang Israel ang paglalabas ng International Criminal Court ng arrest warrant laban mga opisyal ng gobyernong Israeli.

Para sa Palestine, Lebanon at iba pang bansang ginigiyera ng Israel, malaking bagay ang inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) para kina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at dating Israel Defense Secretary Yoav Gallant

Bunga pa rin ito ng patuloy na karahasan sa mga mamamayan sa militarisasyong isinasagawa ng Israel. 

Ani ICC chief prosecutor Karim Khan, ang mga warrant ay para sa mga kasong war crimes at crimes against humanity, kabilang ang malawakang pagpatay sa mga Palestino at pagpapalaganap ng kagutuman sa Gaza.

Karamihan sa 124 na bansang lumagda sa Rome Statute, na siyang nagtatag ng ICC, ang nagsabing susunod sila sa arrest warrant na inihain ng ICC.

Kung maaaresto sina Netanyahu at Gallant, dadalhin at lilitisin sila sa The Hague, The Netherlands upang patawan ng angkop na parusa. Hanggang 30 taon lang ang pinakamahabang pagkabilanggo na kayang ipataw ng ICC. 

Tinutulan ni Netanyahu ang warrant. Dinedepensahan lang aniya ng Israel ang sarili mula sa naunang pag-atake ng Hamas noong Okt. 7, 2023.

Higit 44,000 na ang pinatay habang 104,000 ang sugatan sa pambobomba at pagsalakay ng Israel sa Gaza. Mga babae at bata ang karamihan sa mga biktima.

Palusot pa rin ni Netanyahu at ng Israel na anti-semitismo ang ginagawa ng ICC at ng mga bansang kumokontra sa kanilang mga aksiyon. Hindi rin umano sila kasama sa mga pumirma sa Rome Statute kaya hindi dapat makialam ang ICC sa kanilang diplomatikong aktibidad. 

Pero dahil state party ang Palestinian Authority sa Rome Statute mula 2015, sakop pa rin ng hurisdiksiyon ng ICC ang lahat ng mga kaso sa mga teritoryo nito sa West Bank at Gaza.

Todo tanggol naman ang administrasyon ni United States President Joe Biden at sinabing “malaking kahangalan” ang mga arrest warrant na ipinataw kina Netanyahu at Gallant.

Ngunit para sa mga tagasuporta ng mamamayang Palestino, mas malaking kahangalan ang pagbibigay kapangyarihan at armas sa estadong walang habas pumatay ng mga inosenteng sibilyan at bata.

Sa nagdaang taon lang, pumalo sa $17.29 bilyon ang ibinigay ng US sa Israel para sa tulong militar, hindi pa kasama rito ang ibang pang-ekonomiyang suportang paniguradong ibinubuhos din nila para sa henosidyong isinasagawa ng Israel sa mga Palestino.

Pinangangambahan din ang kawalang kakayahan ng ICC na mang-aresto ng mga nasasakdal na kanilang hukuman. Walang silang sariling puwersa at nakaasa ito sa kapangyarihan at kasunduan sa mga estado na arestuhin sina Netanyahu at Gallant kung pupunta man sila sa kanilang bansa. 

Halimbawa na rito ang pagsuway ng Mongolia, bansang bahagi ng ICC, na arestuhin si Russian President Vladimir Putin taong 2023 nang dumalw ito sa kanilang bansa sa kabila ng arrest warrant nito kaugnay sa crimes against humanity na ginawa noong kasagsagan ng giyera nito sa Ukraine. 

Tinitingnang dahilan rito ang malapit na alyansa ni Putin at ng pangulo ng China na si Xi Jinping at dahil sa malapit na pakikitungo ng Mongolia sa China. Dating bahagi ng China ang Mongolia bago ito nagkaroon ng kasarinlan noong 1921. 

Kung ihahambing ito sa sitwasyon ng Israel, malaki ang impluwensiya ng US upang hindi makisali ang ibang bansa sa gagawing aresto. Sa panig pa lang ng Argentina, France at Hungary na mga state party sa Rome Statute, kinontra na ng mga ito ang mga arrest warrant ng ICC at nagsabing hindi aarestuhin ang lider ng Israel.

Kinilala rin ng international human rights group Amnesty International na henosidyo ang ginagawa ng Israel sa mga Palestino kaya naman malawak ang sigaw ng mga mamamayan sa buong daigdig na mapanagot sina Netanyahu. 

Sa Pilipinas, patuloy rin ang protesta at panawagan sa administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na kilalanin ang henosidyong ginagawa ng Israel. 

Ani Amirah Lidasan ng Sandugo Alliance, isang hipokrito si Marcos Jr. noong sinabi ng pangulo na “kailangan ng mapayapang resolusyon para sa mga Palestino gayong suportado naman nito ang Zionistang gobyerno ng Israel.”

“Gusto talaga natin, ang buong mundo ay magcondemn dahil more than 43,000 na ang namatay, karamihan pa dyan ay mga bata kaya kailangan talagang managot ng Israel,” sabi pa ni Lidasan.

Ipinatupad naman noong Nob. 27 ang 60 araw na ceasefire sa pagitan ng Israel at ng Hezbollah—isang partido sa Lebanon na nagtatanggol sa teritoryo sa timog ng bansa at nagnanais na iwaksi ang impluwensiyang Kanluranin.

Isa rin ang Lebanon sa mga pinupuntirya ng Israel sa nagdaang taon, partikular ang Sidon, Nabatiyeh at Tyre. Malaki rin ang naging pinsala sa Beirut, kabisera ng Lebanon.

Sa kabila nito, patuloy ang balita ng pagsuway ng Israel sa napagpasyahang tigil-putukan, kaya naman gumaganti ng kilos ang Hezbollah. Mahigit 3,800 sibilyan na sa Lebanon ang namatay habang halos 16,000 naman ang sugatan sa atake ng Israel mula pa Oktubre 2023.

Sa bahagi ng mga Palestino na 76 taon nang nagtitiis at nananawagan para sa pagtatapos ng okupasyon at henosidyo, bagaman umaasa, hindi maialis sa kanila ang pagdududa sa aksiyon ng ICC. 

“Nahihirapan pa rin silang lubusang umasa sa mga arrest warrant dahil alam nilang tututulan ito ng gobyerno ng Amerika,” ani Hani Mahmoud, reporter ng Al Jazeera na tumututok sa giyera sa Palestine.

Wala rin umanong inaasahan na pagbabago ang mga Palestino sa pagbabalik ni Donald Trump bilang pangulo ng US, lalo’t buo rin ang suporta niya sa henosidyo ng Israel sa Palestine.

Nagpapatuloy ang kabi-kabilang protesta sa iba’t ibang panig ng mundo upang wakasan ang mapaminsalang giyera sa Israel sa Gitnang Silangan.

Patuloy ang pagbuhos ng suporta mula sa mga mamamayan ng daigdig sa mamamayang Palestino para wakasan ang higit pitong dekadang marahas na okupasyon at pananakop ng Israel sa mga lupaing Palestino.