2024 sa lente ng Pinoy


Ang mga larawang ito’y hindi paglalarawan sa kasawiang palad ng mamamayang Pilipino, kung hindi pagbibigay imahen sa kanilang mga pakikibaka.

Sa survey ng Pulse Asia mula Nob. 26 hanggang Dis. 3, 2024, patuloy na bumababa ang approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula 50% noong Disyembre 2023 na nakatungtong sa 48% sa pagtatapos ng 2024. Bumaba din ng 3% ang kanyang trust rating mula sa 50% noong Setyembre 2024.

May matinding pagbaba rin sa approval and trust rating ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Bumaba ng 10% ang kanyang approval rating habang 10% naman ang ibinaba ng kanyang trust rating. Isa ito sa pinakamalaking ibinawas na puntos sa kabuuang 2024.

Pati ang mga mga namumuno sa Kongreso, sina Senate President Chiz Escudero at House Speaker Martin Romualdez, nakaranas din ng pagbaba sa kanilang mga approval and trust ratings. 

Gayunpaman, mahalagang bigyang diin na mula sa Class E (Lower Class) ang malaking bahagi ng pagbaba sa mga puntos ng lahat ng mga opisyal na nabanggit. Kaakibat ng pagbaba sa mga puntos ng pampublikong opisyal ang katotohanan na marami sa mga mamamayang bahagi ng mga batayang sektor, na siyang nagsisilbing gulugod ng ating ekonomiya, ang kabilang dito tulad ng mga manggagawa at magsasaka.

Palpak ang kasalukuyang administrasyon sa pagtugon sa kanilang mga hinaing at pagbubuo ng mga espasyo na nakatuon sa kanilang kaunlaran. Araw-araw lumalaban ang sambayanang Pilipino upang makamtan ang espasyo na ipinagkakait sa kanila.  

Sira na ang tiwala ng sambayanang Pilipino sapagkat hinulma sa kapalpakan ang administrasyong Marcos Jr. na siyang pangunahing rason kung bakit naghihikahos pa rin ang mamamayan. Bagaman mamamayan ang pangunahing nagtataguyod sa bansa, wala silang tinig sa loob ng pamahalaan na nagdidikta ng kanilang buhay.

Imbis na taumbayan ang namumuno, mga kapitalista, aktor, politiko at mandarambong ang nasa loob ng mga pangunahing institusyon na nagpapaksasa sa kaban ng bayan na inilalaan nila para sa kanilang pansariling interes. 

Ika nga, mayaman ang Pilipinas, ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino. Ang mga larawang ito’y hindi paglalarawan ng kanilang mga kasawiang palad, kung hindi pagbibigay imahen sa kanilang mga pakikibaka. Isa itong kuwento ng paglaban sa mga isyung panlipunan na dala pa rin natin sa pagdating ng bagong taon ng pakikibaka.

Traslacion ng Poong Hesus Nazareno. Mahigit 6 milyong deboto ng Poong Hesus Nazareno ang bumuhos sa mga lansangan ng Maynila noong Ene. 9, 2024 upang makibahagi sa traslacion. Matapos ang Misa Mayor sa Quirino Grandstand ng madaling araw sa pangunguna ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula, nagprusisyon ang mga deboto patungong Quiapo Church.  Ang Poong Hesus Nazareno ay isang estatwa ni Hesukristo na dinala sa Pilipinas mula Mexico noong 1606 at pinaniniwalang nagmimilagro ng mga deboto. Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

Opisyal na pagbisita ni Irene Khan. Sa pagtatapos ng kaniyang 10 araw na pagbisita sa Pilipinas, nagsalita ang United Nations Special Rapporteur for freedom of opinion and expression Irene Khan sa harap ng midya bilang pagbubuod sa kaniyang mga nasaksihan sa kalagayan ng karapatan sa pagpapahayag sa Pilipinas. Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

Paggunita sa Pag-aalsang EDSA. Isang simbolikong kabaong na nangangahulugan ng kamatayan ng demokrasya at ng kalayaan sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr ang inihatid hanggang EDSA Shrine upang gunitain ang ika-38 na anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA. Charles Perez/Pinoy Weekly

Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis. Kinompronta ni Joms Salvador, ang kasalukuyang namumuno na pangalawang tagapangulo ng Gabriela, ang pulisya kasama ang hanay ng kababaihan na nagtungo sa Mendiola upang ipagdiwang ang Buwan ng Kababaihan. Nadia Cruz/Mayday Multimedia

People’s Cordillera Day. Matagumpay na ipinagdiwang ang 40th People’s Cordillera Day sa Kalinga noong Abril 2024 sa kabila ng matinding militarisasyon at red-tagging sa rehiyon. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Para sa nakabubuhay na sahod. Sa Araw ng Paggawa, iginiit ng sambayanang Pilipino ang nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawang patuloy na binabarat ng mga kapitalista sa kabila ng nagtataasang presyo ng bilihin at serbisyo. Andrea Shayne Garcia/Pinoy Weekly

Labor Day clash. Dinahas ng pulisya ang mga raliyista na mapayapang nagtipon noong Mayo 1, 2024 para sa Araw ng Paggawa sa harap ng United States (US) Embassy sa Maynila para kondenahin ang panghihimasok ng US sa lahat ng aspekto ng buhay sa Pilipinas at pagsuporta ng pamahalaang US sa henosidyo ng Israel sa Palestine. Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

West Philippine Sea. Umaligid ang mga barko ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy na nagtangkang lumapit sa Scarborough Shoal noong Mayo 2025. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Pasig Pride March 2024. Selebrasyon para sa Pride Month na naganap sa Pasig City. Rob Reyes

Bagyong Carina. Sitwasyon ng baha sa Brgy. Hulong Duhat, Malabon City dahil sa Bagyong Carina. Inabot hanggang baywang ang baha sa barangay noong July 24 2024. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Oil spill sa Limay, Bataan. Patuloy na nililinis ng isang barko ang tumagas na langis mula sa lumubog na MTKR Terra Nova sa dagat ng Limay, Bataan. Ang barko, na may kargang 1.5 milyong litro ng industrial oil, ay lumubog sa Manila Bay sa kasagsagan ng Bagyong Carina (Gaemi). Chantal Eco

People’s SONA. Libo-libo ang nagsama-sama sa Commonwealth Avenue sa Quezon City para sa People’s State of the nation Address. Isa sa pagtatapos ng programa ay ang pagsira ng effigy na ginawa para sa ipahiwatig ang panawagan. Chantal Eco

Makabayan sa Senado. Nagtipon-tipon ang mga kandidato ng Makabayan Coalition para sa darating na halalan sa 2025 sa Liwasang Bonifacio sa Maynila upang mamanata sa bawat sektor na kanilang  pinaglilingkuran ang kanilang mga hakbangin na isasagawa bilang pampublikong opisyal. Macky Macaspac/Pinoy Weekly

Martial Law at 52. Hawak-hawak ng isang raliyista na nakiisa sa malawakang pagkilos upang gunitain ang ika-52 na anibersaryo ng batas militar ang isang lumang litrato na nagpapakita ng isang malawak na pagkilos ng mga manggagawa. Charles Perez/Pinoy Weekly

Fashion Against Fossil Fuels 2024. Isang pagtatanghal na nagpapakita ng kasalukuyang estado ng mga mangingisda at ng ating mga yamang dagat ang naging eksena sa taunang kaganapan ng Youth Advocate for Climate Action Philippines na Fashion Against Fossil Fuels 2024. Charles Perez/Pinoy Weekly

Jennifer Laude: Isang Dekada ng Inhustisya. Ginunita ng League of Filipino Students at ibang mga progresibong organisasyon sa University of the Philippines Diliman ang isang dekada mula paslangin ang transwoman na si Jennifer Laude ng isang sundalong Amerikano sa Olongapo City. Charles Perez/Pinoy Weekly

Buwan ng Magbubukid. Puno ng damdaming nagbigay ng talumpati si Danilo “Ka Daning” Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas tungkol sa kasalukuyang lagay ng mga magsasaka sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. Charles Perez/Pinoy Weekly

Undas ng mga pamilya ng Rise Up. Maiging pinagmamasdan ng isang bata ang mga larawan ng mga biktima ng extrajudicial killings sa isang sama-samang pagdiriwang ng undas ng mga pamilya ng Rise Up. Charles Perez/Pinoy Weekly

Paggunita sa Ampatuan Massacre. Luhaang inalala ng pamilya ng isang biktima ng Ampatuan Massacre ang trahedya na sinapit ng kaniyang asawang peryodista noong Nob. 23, 2009 nang paslangin sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao ang 58 katao, kasama ang 32 mamamahayag at manggagawang midya. Charles Perez/Pinoy Weekly

International Human Rights Day. Kinompronta ni Cristina Palabay, ang kasalukuyang secretary general ng Karapatan, ang pulisya matapos harangin ang malawak na hanay ng mamamayang nakiisa sa paggunita ng International Human Rights Day noong Dis. 10, 2024 sa Maynila. Charles Perez/Pinoy Weekly

Pagdating sa bansa ni Mary Jane Veloso. Yakap at ngiti ang isinalubong ng pamilya ni Mary Jane Veloso sa kanyang pagdating sa Pilipinas matapos ang 14 na taon sa piitan sa Yogyakarta, Indonesia. Deo Montesclaros/Pinoy Weekly